Ipinaskil ni: Raul Funilas | Pebrero 1, 2010

Soneto Sa Isang Kaluluwang Manklalakbay

Soneto Sa Isang Kaluluwang Manlalakbay

Kung sa balumbon ng ulap lumabas ang araw sa umaga
At napaparam ang malalim at magiting na kadiliman,
Dinggin mo ang himpapawid na may indayog ng musika;
Dahil hindi mo na muling mabibihag ang pintig na minsan lang.

Kung ang umaga’y ibinuka ang ligamgam ng ginintuang pakpak
At ang lungting-bughaw na alapaap ay kumandong sa ilalim nang walang imik,
Paligayahin ang balintataw ng mata’t titigan ang mga bagay nang may galak
Na bihirang mapanood sa mahimbing mong pagtulog at panaginip.

Huwag daramdamin ang kalumbayan pinakamamahal na peregrino,
Kung ang daigdig ay lipos pinagmamasdan ang kaigaigayang kalagayan;
Daratal ang panahong hindi maaninaw ang naglalahong kalabuan nito
At pahagdang mananaog sa atin ang itinakda at magiging kapalaran.

Isang takupis na bibinga ang maaagnas sa alabok nang marahan
Kapag ang lumipas na panaho’y sumapit sa araw ng nakaraan.

UP-Diliman

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 25, 2010

Tubig at Pag-ibig

Kapagka nilumot ang isang pag-ibig,

Nalunod sa haplos ng kiwal na batis;

Asahang kakapit taliptip at banlik

Upang gumilawgaw ang kiliting impit

Na itinatago sa pintig ng dibdib.

Kahambing ay tubig ng isang pagliyag,

Kapag bumagawbaw lagusan ang hanap;

Walang makaharang at di maaampat

Pagtilas ng tinib tiyak na bubutas,

Ang daloy sa batis yayakap sa dagat

Dahil ang pag-ibig wagas hanggang wakas.

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 25, 2010

Paninimbang

Tulad ng talaro,

Wala itong silbi

Kung hindi pagtitimbangan.

Ang buhay man,

May paninimbang.

Subuking gumaod

Sa bagting ng kapalaran

At titimbang ka sa lunday

Upang hindi sumablay ang pagsagwan.

Bawat hakbang ay may pagtitimbang,

Gaano mang sigla o lumbay

ng ating daang nilalakbay.

Walang silbi ang buhay

Kung walang paninimbang.

Berso Libre ni Tata Raul Funilas

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 22, 2010

Talindaw (Dalit ng Tubig

Ilog, ano’ng umaanod
At sa iyo’y litaw-lubog?
Iyan ba’y dalawang niyog
O kay lelong na salakot?

Ay! Usa, ikaw ay mali,
Ang namamalas mo’y usli
Ng utong ni Lakambining
Kay Lakandiwa’y nasawi.

Lawa, bakit ka may luha?
Dapat magsaya’t matuwa
Dahil maraming biyaya
Sa pusod mong yutang isda.

Ay! Tigmamanukin, iyak
Ko’y masasal dahil layak
Ang sa pusod ko’y umangkas,
Kaya agos ko’y nagsugat.

Nakibaka ri’t umagos,
Nalunod na Lawa’t Ilog.

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 22, 2010

Tao Lamang

Hindi ako poon upang mapatawad
Ang ‘yong pagkasalang inihalintulad
Pagsabog ng bulkang kaydaming inutas,
Dahil ako’y taong umibig kaywagas
Itulak man ako sa balon ng ahas.

Kahit ano pa man ang ‘yong kasalana’y
Ikaw at ikaw din ang aking minahal,
Rindido mong diwa’y aking bubulungan
O kaya’y pahiran ang pusong sugatan;
Tubig na nanggaling sa balon ng buhay.

Saan man naroon ang iyong imahen,
Ako’y maghahanap sa gitna ng dilim;
Kahit abutin pa pupong takipsilim
Ikaw’y lililuking kawangis ng birheng
Tala’y nakaligid na ubod-luningning.

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 22, 2010

Kambal Na Awit

KaKaiba ang himig
Ng awit ng pag-ibig,
Ito ay nasa daigdig
Ng isipang nililiglig
Ng isang libo at isang laksang ligalig;
Sa pintuging pusong masasal ang pintig.

Mahirap umawit
Sa pintungan ng dalawang pag-ibig,
Dapat ay may notang may magkaibang himig
Na isinosones
Sa luwad ng kaliwa at kanang dibdib
Na nanggagaling sa butod ng tunay at bulaang bibig,
Ang isa ay malambing at matimyas na boses
At ang ikalawa ay may andamyo ng lakas at sigasig.

Kahit tulog ang buong daigdig,
Wala akong tigil sa pag-awit,
Alinsunod sa galaw at suray ng aking pag-iisip;
Lipos kong pinaniniwalaang sa dalawang awit makakamit
Itong kasiyahang walang kahulilip
Saan mang paligid—
Walang balakid
Ang libong pintas na dito ay ikakawit
At walang pakikinggan liban sa pintig
Ng aking dibdib.
mbal Na Awit
January 21, 2010 by Raul Funilas (Edit)
Filed under Pagpapakasakit
Meet Raul Funilas
Leave a response
Email this post to friends

Kaiba ang himig
Ng awit ng pag-ibig,
Ito ay nasa daigdig
Ng isipang nililiglig
Ng isang libo at isang laksang ligalig;
Sa pintuging pusong masasal ang pintig.

Mahirap umawit
Sa pintungan ng dalawang pag-ibig,
Dapat ay may notang may magkaibang himig
Na isinosones
Sa luwad ng kaliwa at kanang dibdib
Na nanggagaling sa butod ng tunay at bulaang bibig,
Ang isa ay malambing at matimyas na boses
At ang ikalawa ay may andamyo ng lakas at sigasig.

Kahit tulog ang buong daigdig,
Wala akong tigil sa pag-awit,
Alinsunod sa galaw at suray ng aking pag-iisip;
Lipos kong pinaniniwalaang sa dalawang awit makakamit
Itong kasiyahang walang kahulilip
Saan mang paligid—
Walang balakid
Ang libong pintas na dito ay ikakawit
At walang pakikinggan liban sa pintig
Ng aking dibdib.

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 22, 2010

Doon Po Sa Amin (May Pensiyonadong Girilyang Hilaw)

Doon Po Sa Amin
(May Pensiyonadong Hilaw Na Girilya)

Doon po sa amin na malayong nayon,
Isang Girilyero ang bubulong-bulong;
Na siya daw noon lumaban sa Hapon
At ang armas niya’y isang kabo-kanyon.
Maraming bakbakan kanyang nilinggatong
At dumagsa pa daw ang mga ataul
Na pinaglagakan ng kalabang pulpol.

Nang minsang kumalap ang pamahalaan
At itatala daw sa Hapo’y lumaban,
Pens’yon kada buwan kay-inam pakinggan.
At ang Girilyero’y humabi na naman—
Labanan daw noon ay tapang sa tapang
At sumisigaw pa kapag nakapatay,
Bawat matodas n’ya kanyang nilalagyan
Ansisiwang tuka na palatandaa’y
Naka-ukit niyang mapulang pangalan.

Subalit sa sulok nitong isang dampa
Ay may nagsasabing balita’y di tama.

Huntang pabulaan at di napalahok
Astang Girilyero’y naglubid-alabok,
Pens’yong tinatanggap may naghihimutok
Ohales ng terno’y nasa dampang bukot
Ng Girilyang Tunay sa baya’y naglingkod.

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 21, 2010

Nang Lagukin Ko Ang Lason Ng Batis

Kinukumusta ko lahat nang ginawa,

At binalintataw ang huling salita’t

Pilit pinaghugpong ang langit at lupa—

Anong kasawian ang pinipithaya?

Gurarap ng isip nang unang makita

Ang kariktang halos kahagwis ay Musang

Kagandaha’y silaw pilaking aranya.

Oo nga’t ako ay banyaga sa mata

At di mo maibig sinisintang Ada.

Yamang walang tinig sa ‘king pananalig,

Sisisiring kagyat ang lason ng batis;

Aking lalagukin ang malabong tubig

Wasak nitong puso’y lulunasang pilit,

Ito ma’y magbuwis dahila’y pag-ibig.

Enero 21, 2010

Hardin ng Diwata

Kolehiyo ng Arte at Literatura

UP-Diliman

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 20, 2010

Patay Na Ang Lawa Ng Laguna

Patay Na Ang Lawa Ng Laguna

Maraming salamat sa inyong tinurang
Lumusong sa lawang sadya ngang pinatay
Nitong mga dayo at maging tayo mang
Kasala-ulaa’y lipos namamahay,
Kaya itong lawa na pinag-aralan
Nitong dalubhasa, pantas, at tarikang
Sabi’y tutumbalik ang linis at linaw
Sa sandaang taung sinop at gamutan.
At may pahabol pang kung hindi lalagyan
Ng dumi’t kuyagot at toksik na yangkaw
Ng mga pabrikang kagyat nagsulputan.
Sa ngayo’y hirating gawing basurahan
Ang lawang Laguna nitong Manlalakbay
Na paro’t parito sa bawat barangay
Upang itong malig ng naninigila’y
Itala sa aklat nitong karunungan,
Para daw sa aming mga kapakanan—
Ngunit ang totoo’y kasinungalingan.
At kapag natapos nitong pag-aaral
Lawa ay limot na’t maraming iniwang
Duming ibinagsak sa lawang may lumbay.
Kahit na nga yaong dito’y nanahan,
Pagkakalat nila’y hindi maiwasan;
Dahil ang pinuno ng pamahalaa’y
Walang mga batas at ngiping pangilan
Upang masawatang gawing basurahan
Itong lawa naming ikinararangal.

Ako’y naniwalang patay na ang lawa
Naming minamahal dahil ang biyayang
Dati’y nagsalisaw ngayo’y nawawala.
Hiyaw ko’y nasaan ang sanlaksang isda?
Ito ba’y nahilo’t umalis na kusa?

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 15, 2010

Pagkiling Ng Araw

Masidhing bulusok ang nais idantay

Ng isang sigwadang patungong kanluran,

Ngunit sadya yatang walang lakas-tapang;

Dahil naramdama’y usad ng pawikan.

Di man lang bumangon ang kalmanteng tubig,

Tulos ma’y hindi rin nangyaring humimig;

Di rin nabulabog isdang sinisisid

Sa daloy ng agos ay himbing ang isip.

Lipos ang halakhak nitong alimagmag,

Kay-higpit ng kapit sa puno ng dapdap;

Naroong silipin ang igtad-balikwas

Ng sigwadang wari’y nasaid ang lakas.

Yaong pagkabigong magpakitang gilas,

Kumuha ng tungkod humikbi’t lumakad.

Sa Bikatutan ng Pingkiang Munti

Pulo ng Talim, Lawa ng Laguna

Mas Lumang mga Paskil »

Mga Kategoriya