Ipinaskil ni: Raul Funilas | Abril 19, 2012

Rekuwerdo Ng Aking Kopita

Ang unang tagay sa kopita ng pinakamasarap na alak ay para sa aking sarili,

Ang pangalawa ay para sa lahat kong kaibigang nagmamahal sa akin  na may pusong busilak;

Ang pangatlong taas ay para sa mga taong may maganda at eleganteng budhi,

Ang pang-apat ay para sa babaeng lipos na nagmahal sa akin ng walang pasubali—

At ang panghuling salin ay para sa lahat kong kaaway at darating pa.

Advertisements
Ipinaskil ni: Raul Funilas | Abril 19, 2012

Paglipas Ng Sigwa

 

Sumusungyaw ang habagat ang alon ay nagigising,

Hinihila sa kayangan ang bangka ng mamamansing;

Kumukudlit yaong kidlat ang tubig ay tumatabsing

Habang itong taga isla’y may bagabag ang damdamin.

 

Makalipas sigwa’t unos kalmante na ang tubigan,

Sa aplaya’y makikitang hilera ang mamamakyaw;

Kumpol-kumpol ang panterong nagpakilo’t nangagtakal

Nitong dakip nila’t huling matatabang isdang tabang.

 

Salit saling kasaysayan ang historya nitong lawa,

Pag dumating sigwa’t unos taga isla’y ngalumbaba;

Sa pagtinaw ng tubiga’y kabuntot na ang biyayang

Pang-aagdon at panghulas sa nahungkag na sikmura.

 

Samantalang nagsusubi nitong lakas ang habagat,

Di maampat paghayuma magdaragat gahing lambat.

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Pebrero 12, 2012

Mga Kuwento at iba pa

Ginto Sa Hulo
(Halos mabulag ang kaniyang mata sa nakitang nakasisilaw na liwanag na bumabaldig nang tamaan ng araw ang napakalinaw na tubig sa batis. Pikit mata niyang tinalon at niyakap ang gintong sinag subalit dumulas ang kaniyang mga paa sa natuntungang hilis-kalamay na bikot*.)
Pinagkatakutan ang lugar sa Hulong batlagan ng tubig,
Mulang mabalitang may isang anuwang tumakbong mabilis
Nang tudlaing araw ang daloy ng tubig sa linaw ng batis;
Sabi’y may nakitang isang engkantadang maringal ang bihis,
Mata’y mapupulang sobra ang talisik at galit na galit.
Pinatotohanan ang bulung-bulungan minsang nangangahoy,
Ang isang matandang tumugpa sa Hulo sa batis lumusong;
Nang kanyang masulyap ang isang maningas na higanteng dupong
Ang dalawang mata’y tinakpan ng kamay sa animo’y apoy
Na lumalagablab sa rabaw ng batis kung saan uminom.
Kahit na ang ibon at ang hayop-gubat ayaw na dumako
Dahil sa maliyab na ningas sa batis takot na dumapo’t
Uminom ng tubig sa linaw ng batis sa tumangwang Hulo,
Kaya walang himig at awit ng ibong pawang siniphayo
Ang yabag ng hayop na nais manganlong sa lilim ng puno.
Kaya mula noon ang Hulo’y namanglaw lipos na dumawag,
Walang pumupunta dahila’y natakot sa balitang kalat;
Hanggang sa naglumot ang batong hinilod ng tubig lagaslas,
Puno’y nagsilabay langkawas ang baging at damo’y tumaas
Nalimot ang Hulong dating paliguan ng mga pangarap.
Ngunit kasabihang duwag man ang manok ngunit lumalaboy
At ang dumalagang bagong nangangakak ang gustong mapupoy.
Katulad ng isang binata ng Hulong gustong matalunto’t
Hindi alintana ang bali-balitang sa batis may kampong
Espiritung itim na gustong tuklasin balitang mahugong.
Lihim na gumayak nasabing binata sa Hulo’y nagpunta,
Subukan ang liyab na kinatakuta’t banyagang nakita;
Baon ay ang tapang at gilas katawang gustong makibaka
Kung anong panganib ang kahaharapin sa lihim ng agwang
Di pinatahimik ang kaniyang isip mulang bata pa s’ya.
Tinandaang lahat ang hunta ng ilang nakita ang sinag,
Talikod-silanga’t kaminong kareta ang tunguhing landas ;
Titigan ang tubig na dinadaluhong ay batong naagnas
Dito lumilitaw ang liyab ng apoy na ubod ng dingas
Sakay ng anuwang binata’y naghanda ng lakas at gilas.
* ginto
(Pagtatapat ng isang dating magsasaka sa bulubunduking bahagi ng Rizal na nakatuklas sa mahiwaga at pinagkatakutang liwanag sa ilalim ng dumadaloy na tubig sa batisan ng isang hulo sa kanilang bayan. Ngayon, ang dating magsasaka ay paroo’t parito sa ibang bansa upang dalawin ang kaniyang mga anak at apo.Tinatayang higit sa isang toneladang ginto ang kaniyang unti-unting na-iuwi nang palihim sa kanilang kubo at ibinaon niya sa kanilang bakuran. Dito nagsimula ang kanilang di maipaliwanag na yaman.)
 
Tayo na sa Baklaran
Raul Funilas
Nakasulat sa isang tarpaulin sa dulo ng Pritil sa bayan ng Binangonan, Rizal

“Laguna Lake Development Authority

 
PAUNAWA

Ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) ay nakatakdang magsagawa ng malawakang PAGBUBUWAG NG ILIGAL NA PALAISDAAN (walang permit) at ng mga istruktura na may sobrang sukat kung kaya’t pinapayuhan ang mga kinauukulan na magsagawa na ng sariling pagbubuwag o SELF DEMOLITION.

 
LLDA MANAGEMENT”
 
Mula sa apat na liping sumadsad sa pulo ng Talim sa lawa ng Laguna ( Gat Salyan Maginto, Lakantagkan, Juan de Salcedo at mga Kumintangin) na noo’y sagana sa dalawampu at tatlong klase ng isdang-tabang, paano ba nagsimulang sumulpot ang baklad na pangalawang palakaya bukod sa kitang at pangatlong pante?
Ipina-uso ang baklad ng mga nandayuhang Kumintangin sa lawa ng Laguna noon pang panahon wala pa ang dayuhang Kastila partikular sa malawak na tubigang tabang sa parte ng Tunasan (ngayo’y Muntinlupa) galing ito sa mga taga Kabiteng malapit lamang sa Tunasan. Kaya noon ay tinatawag nilang “Kinabiteng Baklad.” Lunday-lunday ang nahuhuling mga sari-saring isda na kung minsa’y isinasalin sa lawa ng mga mamamalakaya ang ibang nahuhuli at kinukuha lamang ang may halagang isda. Kanduli ang pinakamasarap at mahalagang isda noon. Hanggang napabalita sa kadatig aplaya ng buong lalawigang La Laguna. Nasasakop ng La Laguna ang pulo ng Talim na sakop ng bayang Binangonan de Bai at Sapao o sa ngayo’y Cardona at noong 1901 lamang naibukod sa La Laguna ng maging isang lalawigan ang Rizal.
Mahigit kumulang sa isandaang kawayan ang nagagamit noon sa baklad. Mula sa paggawa ng bastidor, kulong na malaki, kulong na maliit, patuto, at liling. Dinadanlay ang mga pinakabakod ng baklad na ang panghayuma ay ang hiblang maitim na yunot. Madalang ang pinakasiwang ng danlay sa gawing patuto at sinsin naman ang danlay sa pabahay at kulong na munti. Mga pisig ang ginagawang pamuntal at bastidor sa baklad.
Kailangan ang isang lunday at sagwan para makasalok sa baklad kaya ang mga mangingisda ay nagpapabara ng malalaking punong kahoy at ipinalalabra sa isang panday o manggagawa ng lunday hanggang nang malipol unti-unti ang malalaking kahoy sa pulo ng Talim ay napilitang tumawid sa kadatig ibayong Lumban Laguna at doon pumipidido ng mga baul na lunday na galing sa kabundukang dalisdis ng Sierra Madre at ipinanunudlong pauwi sa pulo ng Talim. Nagkakahalaga ang isang baul na may siyam na bara o metro ng humigit kumulang sa limampung piso at ini-uupa sa mga nagdadaras ng baul ng sampu hanggang dalawampung piso.
 
Sa pag-uumang ng baklad, itinatangkil ang bastidor upang mailagay ang mga tulos sa akmang laki o sukat ng baklad. Isusunod ang pagtatasak ng tulos sa pinakagagawing patuto hanggang magmukha siyang isang busog o palaso. Nilalagyan ng buhangin ang pinakaloob ng baklad na siyang lugar na sinasalukan ng hinuhuling isda mula sa paminto o baskagan hanggang kulong na malaki at kulong na maliit ay may buhanging isang dangkal ang kapal. Tumatagal ang isang baklad na danlay noon ng dalawang taon ayon sa pangangalaga ng isang may-ari ng baklad. Tuwing tag-habagat o kung nakakikita ng mga sinyal na masama sa papawirin ang mga bihasang magdaragat ay hinahango ang baklad upang agapan ang pagkasira at tuloy alisin ang mga banil na taliptip na dito’y nakakapit.
Itinatawid ang mga nahuhuling isda ng mga rigaton o digaton sa pamamagitan ng paglalayag na ginagamitan ng mga gilalo. Ang gilalo ay isang lunday na may layag na banig na sabutan. Bihasa ang mga rigaton o digaton sa paglalayag, naka-aapupa sila o nakasusuba sa hangin ayon sa pagkakana ng mga birga at tringkete ng layag. Kalimita’y sagwan ang ginagawang panimon, malalaking taga sa panahong kawayan ang pikapalangoy o nag-iisang katig, ang pinakatao-tao nitong naghuhugpong sa kawayan at batangan ay mga kahoy na mulawin o kaya ay tigas ng kakawate at gamit na panglimas sa lunas ng lunday ay pinutol na tungulang kawayang hinubog ayon sa kurbada ng dahit.
Nabubo ang kawan ng isda mulang may nagpundar ng mga makinang malalakas ang kabalyos at ginaya ang mga nakitang malalaking palakaya sa dagat-alat tulad ng galahid at panunuro. Hanggang masigabong ginaya nang ilang may kakayahang magpundar ng nasabing makina. May nagpundar na rin ng mga gibara (dating Guevarra) at lantsa na naging kargahan ng mga pinutol na kahoy sa gubat. Bawat taon ay nauuso ang malalakas na kabalyos mula sa mga solo piston, de dos, de tres, de singko, de sies hanggang disisies kabalyos at nang dumating ang dekada 40 ay nauso ang mga kontinental na makina, wakesa. At sa kalahatian ng dekada 50 hanggang dekada 70 ay ang mga de sies na bara ang makina o V-type, de ochong bara ang makina, dekada 80 hanggang ngayon Graymarine, Johnson, Evinrude, Toyota, 4DR1, 4DR5 at iba pang pawang makabago. Nawalang tuluyan ang mahigit sa sampung klase ng isdang tabang na naninigilan sa lawa ng Laguna sanhi ang mga linab ng langis at ang matinding paghalukay sa pagaspasan o sangtuwaryo ng mga isda.
Walang naitatapong huli noon ang mga matatandang mangingisda, ang mga maliliit na biya o tamulmol na hindi na maibabalik sa lawa ay dinadaeng at ibinibilad sa init ng araw, tinawag nila itong “Biriringkit” at ang mga ayunging maliliit o talaisa naman ay ibinibilad ng may timplang asin ay “Karengkaring.”
Nawala nang tuluyan ang Kinabiteng Baklad o danlay na baklad mulang mauso ang mabilis na palakayang suro o sakag, panapo, pangahig, marakas, bumbon, panghalong o salap, sikit, pukot, pante, at ngayong panahong ipinalit sa baklad na skylab at iba pang palasak na palakayang umubos at nagpadalang sa isda sa lawa ng Laguna. Dagdag pa ang pagbabakod sa lawak ng lawang ang may makakapal lamang ang kantidad na pera ang nakapagpupundar ng isang kinulong ng lambat at kawayang palaisdaan. Kalimitan, ayon sa aking nakikita at naging karanasan bilang isang taal na taga pulo ng Talim sa lawa ng Laguna. Ang may pera at may mga kapangyarihan maging sa bayan, pamahalaan o maging iyong kinikilalang pinuno sa estasiyong militar. Nakapagtatayo ng higit sa ikinukuha ng permiso sa nangangasiwa sa lawa ng Laguna o sa namumuno sa bayan ang isang mamumuhunan ng palaisdaan dahil na rin sa ilang katiwaliang kaakibat na ng kulturang minana sa mga naunang umugit ng bayan.
Sa ngayon, ang mga skylab ang malakas umubos ng mga tigiti at talaisang bago pa lamang lumalaki na dati’y itinatapon lamang sa mga daungan o pantalan subalit ngayo’y dinadaeng na rin dulot ng marinding kahirapan mulang lumiit ang lawa ng Laguna sanhi ng mga ligal at iligal na palaisdaan sa lawa ng Laguna. Ang ayunging maliliit o talaisa ay dinadaeng sa ngayon at pinangalanan ko itong “Dunggot” na hinango ko sa isdang daeng na “Danggit” ng kabisayaan at kamindanawan.
Kamakailan lamang, umuwi akong muli sa aming pulo ng Talim at nakita kong may nakapaskil na isang tarpaulin sa pinakadulo ng daungan ng bangka sa Pritil, Binangonan, Rizal. Marami na ang nanungkulan at nagpakitang gilas na kesyo sila raw ang BANTAY NG LAWA doon po sa amin, subalit laging malibag at patay ang lawa ng Laguna. Sana naman, Totoo ang mga nababasa natin at napapakinggan sa radyo na BUBUHAYIN NILA ANG LAWA NG LAGUNA. Hanggang kailan kaya kami magtitiis? Baka matulad kami sa Danlay o Kinabiteng Baklad na bigla na lamang makita ang aming sariling tangay ng agos ng tubig sa lawa ng Laguna kasama ang mga lasong sila ang nagdulot. Mayo 27, 2008 Sa Birheng Bato sa pulo ng Talim, lawa ng Laguna. Raul Funilas.
 
SANTISIMO
  • Pagbukas ng Langit
 
Dumaloy sa Iyong katawan ang dugo buhat sa isang libo at limandaang hagupit
Sa likod at balagat ng balikat,dalawang pulsuhan at dalawang paang binutas
Ng tatlong pako, kaliwang dibdib na sinaksak ng isang sibat, pitumpu’t limang sugat
Na likha ng koronang tinik na ipinutong sa Iyong ulo para tubusin ang sala ng sanlibutan. Hinigit Mo ang huling Hininga matapos usalin ang katapusang wika sa pagkabayubay sa Sakromadero sa paratang na Ikaw ang pinakamasama at pinakamahabang hayop sa balat Ng lupa. Inilibing at nagmulat ng mata makailang araw. Nilandas Mo ang nilalayong Napakalayong himpapawid— hanggang marating ang nakasisilaw na paralumeng
Pintuan ng Langit. Tinungkab Mo ang talukap ng mata ng Langit sa dupil na salita:
 

“DEUS TOLORUM SANTUS MELECRUS

SANCTAM MACOLA TASPAC

SAVANACAM ADIADIM PAC NOVIC

EVANGHILUM ABO MARTE.”

“APELO APIGOT APIRCAR APBOL

ADILAMAT ABISALIP ACBIAC

LAMUROC MILAM LUXIN MORIM

HOCMAN AMOMAN HUCRAM

DONIHATIM MORTIM LIIM MIIM

SAMONAC TEORSOC MEOC SANCTUS

DEUS EGOSOM PATER DOMINI EGOSOM.”

 
 
 
Nang matuklap ay kagyat ginalugad ang bawat sulok ng hininga
Ng nakakubling kapangyarihan at kababalaghan.
Nagkalat ang mga bibingang puntod na hinalukay ng kalikasan
Na nilumot ng maningning na alimagmag. Tagipos ang bungkalo
Sa bukanang pintuang nililukan ng mabibikas, at matitibay na bagwis
Na napalalamutian ng hilapong makintab na himulmol ng dalyamas.
Bumangon ang hangin at umalimbukay ang antigwedad na alikabok,
Nagliwanag ang paligid habang sumusupang ang sambog na alapaap.

II- Awit ng Langit
Isang balisunsong na dagim ang nakapakong napakabilis ng inog,
Punumpuno ng laksang Koronang Wikang lipos Mong kinasabikan;
Pinaglayag Mo ang retina ng Iyong kambal na mata sa paligid
Na naglangkawas ang mga lungtiang lingindayat.
Kailangan Mong makuha sa repositoryo ang nakahahalinang bulong.
Umatibangaw ang bitag Mong bigkas:

“MAUT NICAM JUTUS RITUM SINIT

PILIS TIDIM VOTIS DINIM SINIT

PILIS TIDIM VOTIS DINIM JISUT

NIRIT ECAM AECAM MISIT.”

“NOCI SABATANE INCI HOC NICI SANCTA

OCIS VARUTOM UXUCSESAM VUCARAM

SIMILISIAM FIUJANUM HERVRAUM

HILYAMTUR HUCLAVAITUR.”

 
Subalit madulas ang sumasalimbay na lansa ng alingasaw,
Ayaw yumakap ng Koronang Wika sa Iyong kapangyarihan;
Walang palatandaan ng pagsanib sa paulit-ulit Mong pamimiwas ng salita
Hanggang muling tumaklob ang mata ng Langit.
Libong taon Kang humimlay at umidlip sa sinapupunan ng Langit—
Hanggang gisingin Ka ng alunignig ng matimyas na himig.
May mga kerubing sumusones ng himig matitinis at maririkit na awit sa paligid,
Kinakanta ang matatalinghagang taludtod ng Plus-Santurium at Magnificat
Upang gisingin ang nalupog na hininga ng Iyong kapangyarihan:

“SANCTISSMAE VERTUTI SANCTE

POTESTACE DEI SOCORRET IN MEI

BAMUCAL BANDATAL LEOPAL LALPAL

SIBAL LIBERAME SALVA ME ENCARGO ENCANTO.”

“JIUPTUM MISRUM JUPRAUC

SIGNIM FINDIGNIM CINIM

CAAC MISAT RIAT SITIS

SETTE MOMCEI.”

“NOCI SABATANE INCI HOC NICI

SANCTA OCIS VARUTOM VXUESESAHM

VUCARAM SIMILISIAM FIUJANUM

UXUCSESAHIN HERVRAUM HILYAMTOR

HUCLAVAITUR PAIG PAUMRUAV.”

 
Hanggang magbukas Ka ng mata at bibig,
Humigit ng hiningang sinlalim
Ng napakatagal na panahon.
At ang mumunting Koronang Wika
Ay unti-unting
Lumipad
Sa kaligiran
Ng Langit.
Bumalikwas Ka ng lipad at pamuling bumulong:

“JENUT JENUNIT JETUTITU JENUTIS

JURIM JURUM JACUM JULUM JOLAM

JACTAM JAUC JAC NUNIXITRIN.”

“MARIAMGUAM SARVUGUAM MURSULAM BURCRAM.”

“ABITAC ABILATAN ABICAM

AMALANA ABISCULUM

ACSOLOM ABSALUM.”

 
Upang muling magbukas
Ang talukap ng mata ng Langit.
  • Sinapupunan ng Himpapawid at ng Tao
Nakita Mo ang karagatan, kalupaan at himpapawid.
At mula sa sinapupunan ng himpapawid,
Akibat ang mumunting Koronang Wika;
Bumaba Kang kinakalong ng kamay
Ang lundo ng salikwaang hangin,
Tuluyan Kang pumailanlang sa kalawakan.
Nagpa-anod,
Umimbulog,
Umindayog,
Umikot,
Kumislot,
Naglaop
At
Bu
Mu
Lu
Sok.
Sinagap ang mga sariwang hanging:
Amihan,
Dayaray,
Salatan,
Timugan,
Sabalas,
Habagat,
At hilaga.
Hinagod at sinuyod ang mga hibaybay ng karagatan,
Umingkat sa bikilan at dalisdisan ng bundok
At nang mapagod ay nagpahinga at humimlay
Sa sinapupunan ng talino ng tao.
Daantaon,
Natutuhang bigkasin ang Koronang Wika ng tao,
Sumanib sa piling tao na mag-iingat ng Iyong hiwaga.
Taong hindi hambog,
Hindi mayabang,
Tahimik ang panganib
Subalit may korona
Ang bawat salitang ipinutong
Sa lantay na kalooban.
Hanggang sa ang tulyapis ng taong nag-iingat ng Iyong hiwaga
Ay unti-unting nilanggotse at itinago Ka sa sinapupunan ng tubig.

  • Sinapupunan ng Tubig
Daantaon ang lumipas,
Mula sa sinapupunan ng tubig,
Umahon Kang pasinghap-singhap;
Nagpa-anod Ka at ini-antaw
Ng gimbol
Ng daloy,
Ng alon,
Ng anlog,
Ng agos,
Ng humbak,
Ng rumbo,
Ng ilambo,
Ng kilapsaw,
Ng kalawkaw
At nagtampisaw .
Sinalapsap ng Iyong dibdib ang salibsib ng tubig
Na malaon nang nakadagan sa Iyong katahimikan,
At sa unang pagkakataon ay muli Mong nakaniig ang hangin,
Dinama Mo ang bagong hugot na hininga ng Iyong kalayaan,
Pumanhik ang balintataw Mo sa walang hanggahang kalawakan,
Ninais Mong dukwangin ang maningning na Pliyades, Mapulon, Santilmo—
At lahat na Buntala sa himpapawid.
Gusto Mong ubusin ang Iyong kagalakan
At nang sumilang ang naggigintong dating araw
Ay ini-inat Mo ang Iyong dibdib,
Dinarang nang lubos ang Iyong kalooban.
Dumaloy na batis ang apoy na umaalsa sa Iyong dibdib
Hanggang sinalubong Ka ng tikatik ng ulan
At tuluyang naramdaman ang lamig.
Natanaw Mo ang bawigang balantok ng bahaghari
At kinulayang ang Iyong sarili,
At sa kulay na ikinulapol sa Iyong sarili;
Naramdaman Mo ang tunay na kalayaan.
Sinalamin Mo ang dagat at tinitigan ang sarili,
Tinanaw ang Iyong kabuuan;
Naaliw Ka sa mga halamang tumubo sa dalampasigan
Na maraming ibong salimbayan ang paglipad.
Inaliw Ka ng mga paparo at mariposang palipat-lipat
Sa humahalimuyak na bulaklak.
Pinagmasdan ang tumitiyad na along
Sinasalubong ng yakap ng puting buhangin sa aplaya.
Walang tigil ang daluyong ng hanging gustong malanghap
Ang huldong bunton ng Iyong hininga,
Nang mapagal ay palundayag Kang bumalik sa tubig

  • Sinapupunan ng Lupa
Daantaon,
Ini-unat Mo ang Iyong dalawang kamay at pinalaki ang dibdib.
Muli Mong binalikan ang parangan,
Marami Kang nakita.
May naniningalang pugad sa dibdib ng Iyong pagkatakhan,
Mga punggok at balisaksakin ang nananambitan,
Bumubulong sa Iyong Koronang Wika
Na sila man ay bahagihan nang natutuhang mga titik
Na iuukit sa dibdib ng kanilang panaginip.
Gusto Mong isigaw ang Iyong Koronang Wika
Dahil ang pakiramdam Mo ay may lamig
Na gustong bumuhos sa kabuuan ng Iyong maliyab na dibdib.
Malalim ang gabi at mas malalim ang Iyong iniisip,
Wala Kang maapuhap na kasagutan.
Hindi Mo matanaw sa maraming kalooban ang busilak na puso
Na hinahahanap ng nilulumot at huklubang alaala.
Gusto Mong lisanin ang Iyong kinaroroonang daigdig,
Gusto Mong bumalik sa sinapupunan ng himpapawid
Dahil nababanaag Mong walang maningning na paralumen
Sa kanilang mga puso.
Gusto Mong bumalik sa sinapupunan ng tubig
Upang ang hininga ng mga bumubulong na hindi karapat-dapat na hangin
Ay hindi Mo malanghap.
  • Pagsasalin

 
Wala Kang maramdaman,
Wala Kang marinig,
Maliban sa isang Huklubang Taga-ilog
Na ang pangungundot ng kundiman ay nangingibabaw
Sa Iyong pananag-uli at kalungkutan.
Pinapasok Mo sa inipong kapangyarihan at kababalaghan
Ang katawan ng Huklubang Taga-ilog.
Gusto Mong tukaran ng mumunting Koronang Wika—
Ipinasiya Mong ipahiram ang Iyong kapangyarihan.
Nagsimula Kang ibukang banayad ang bibig
Upang isalin ang ililisang wikang mahiwaga:

“POTENTEMENTE MEIM MATER POLNATIM

UM EXRAM MEIM NATUR ABOACAM SESECAM

SACRATISSIMO NOMINE DE DEUS. FIHO IN

CONCISTORIO DOMINO MINITUC HINITUB

VINUVIT RUNIPUT INUTIRUM MUTRINUC

MIRUM HUTINUC JUV VINITUC AETERNUM

MURUM MITURUNUM NUUM MOCUTIRUM

NUAM METIRITUM EXECUTERE DEVINAS.”

 
Isang higanteng galumbang ang pumaloob sa kaniyang bibig
At unti-unting iniluluha ng kaniyang nakapikit na mata.
Nakabibinging bulong ang ipinapasok sa kaniyang tainga
Ng hindi nakikitang espiritung tumatakumba
Sa kaloob-looban ng kaniyang kaluluwa.
Nasisinghot ng kaniyang ilong ang nakasusulasok
At hindi maipaliwanag na amoy galing sa singaw ng kaniyang katawan.
Maraming naglalarong guniguni sa likaw niyang utak,
Ang matitipunong haligi at moog ng kaniyang nakaraan;
Pilit siyang iginugupo upang ihiga ang kamalayan niyang naririnig ay awit:

“ARCUM, AZUV, AUM, ARCAM ACRADAM.

AGNUS DEI DEUS PATER DEUS SPIRITU

AGNUS DEI MISERE EGOSUM AGNUS DEI

DEUS FILIOS SPIRITUM PURUM DE SANCTO

MITAM AGNUS DEI MISE-RERE FACTISSIMO

DE CRUZ LACTURE MINITIM DUAN MUC LUMUC

SANTO AMENHITAMIS HOC EUM SAC AC

PLANFACTAM DEAM IDAM IDAM MAGUNDUM

EMANUEL EMAD MAEDEDAM EMANUEL

ALTISSIMO DEUS FORTIS SEDEVIT IN

AETERNUM. PASIONABAL PENSIPNABAL FUMAIL

MATAMATAM MA MEI MATAM PAINABAL PAMPANABAL

ESNASOC ESNAVAT EVIVAT MACMAMETAM.”

 
Hanggang sa inilipad ng hangin ang katawan ng Huklubang Taga-ilog sa kawalan,
Malakas ang sinasagupang sinapupunan ng hinog na hangin
Ngunit wala siyang nadaramang pakiramdam—
Maliban sa isang nilikhang nakasakil sa hanging kasunod niyang lumilipad
Subalit nakapikit ang mga mata, nakabuka ang bibig at gustong sahurin
Ang luhang unti-unting humahagdan sa dalawa niyang mata.
Nagbabantay ng ulinig na iluluwa ng bibig na may nagngangalit na ngipin
At nilalanghap ang masansang na amoy ng umaalingasaw niyang katawan.
Sumagad sa rurok ang kaniyang di matingkalang pag-ilanlang
At animo’y isang mandirigmang nalupig sa digmaang nilahukan.
Dumilat ang kaniyang kambal na mata at paragasang hugos bumuhos
Ang higanteng alon kasama ang walang kaparang kababalaghan,
Walang sinayang na sandali ang nilikhang sa kaniya ay nakasunod na lumilipad;
Pumasok sa dambuhalang tubig
At sinisid ng bibig at isip ang walang kaparang kababalaghan.
Nang mahimasmasan ang Huklubang Taga-ilog,
Hinihimas ang ulo niya ng nilikhang laging nakasunod na lumilipad.
VII- Pag-idlip ng Langit
 
Libong taon ang lumipas,
Humahagahas ang hininga ng Koronang Wika—
Naghunos ang mga antigong bulong;
Luksang palagi ang sinapupunan
Ng himpapawid
Ng lupa
At tubig.
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
Tala
 
Alimagmag kintab, bumabaldig na kislap
Anlog salpukan ng maliit na alon
Antigwedad kasinaunahan, katandaan, pagka-sinauna
Balisungsong hugis bulkang baligtad, hugis apa ng sorbetes
Bawig hugis balantok, paigkas ng bitag, tukod ng silo
Bibinga durog na kabibe o tuliya
Bungkalo sagka, tarugo, pangkandado
Bikil umbok, bukol-bukol,
Dayaray mayuming hangin ng habagat
Dalyamas himulmol o hibla ng ginto
Galumbang along laot
Gimbol ugoy ng alon, sayaw ng alon
Hibaybay lawa, ilog, tubigan
Hilapo karat ng ginto
Humbak pagitan ng mga alon
Ilambo tilamsik ng tubig
Ini-antaw inilutang
Lingindayat uri ng damong gumagapang
Magnificat awit kay Mama Mary, papuri sa Diyos
Naglaop nagtagpo sa dulo, nagsama
Nakasakil nakaangkas, nakasukob, nakasuno
Nilanggotse sala-salabat na hibla, ginulo
Palundayag pagtalong magkasama ang dalawang paa
Pamimiwas pamamansing, panghuhuli ng isda
Pangungundot pang-uulot, iginigiri
Plus-Santurium sinaunang awiting simbahan
Repositoryo lugar imbakan ng mahalagang bagay
Sakromadero Banal na Kahoy, Kurus ni Hesus
Salibsib patalon-talon sa tubig
Salikwa pabalik-balik
Sambog bunton
Sinalapsap paglangoy na dibdib ang nasa tubig
Tagipos kupas, naluma, nag-aabo
Tukaran laanan, bigyan
Tulyapis umok, bukbok
Tumatakumba lumulukso, lumulundag, umiigpaw
Umatibangaw umalingawngaw
Umingkat umahon, sumalunga
 
 
 
 
 
 
Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 25, 2011

Lumang Pantig ng Taga-ilog

Nang unang marating ng mga Kastila ang ating kapuluan mahigit nang 400 taon, natagpuan nilang ang ating mga ninuno ay gumagamit ng iba’t ibang wika at ng mahigit sa sampung paraan ng pagsulat o alpabeto na ang ilan ay magkakahawig. Ang pagsulat ng ating mga ninuno ay mula sa itaas pababa, at mula sa kaliwa pakanan. Ang ginagamit nilang sulatan ay mga balat ng bombong na kawayan, mga upak at luwad ng punong-kahoy, mga dahon ng buli at mga sanga ng punong-niyog. Sa pamamagitan ng isang matulis na bakal na tinatawag nilang sipol, iniuukit nila sa mga sulatan ang kanilang mga batas, ang bilang o dami ng kanilang mga alagang hayop, ang mga pahati-sulat o kalatas, mga bugtong, mga tula at awit. Sang-ayon sa mga paring misyonero na nakarating sa Pilipinas noong 1565, bibihira sa mga katutubong natagpuan nila ang hindi marunong bumasa at sumulat.

Nangasira ang madudupok na sulatan ng ating mga ninuno, kakapiranggot sa kanilang nakasulat na literature ang nakarating sa ngayong panahon. Nangyari pang ang paraan ng pagsulat ng ating mga ninuno ay ganap na nahalinhan ng sulat-Romano (Latin) na bitbit ng mga Kastila. Naingatan naman sa dakong Mindanaw ang kasaysayan ng kanilang mga bayani. Inabutan din ng ilang mananaliksik na Pilipino na ang ilang tribu sa mga liblib na pook ng ating kapuluan ay gumagamit pa ng matandang anyo ng pagsulat. Malaking tulong din sa mga mananaliksik ang pagkakatagpo sa isang sinaunang libingan sa Kalatagan, Batangas ng isang palayok na kinauukitan ng isa sa mga alpabeto ng ating mga ninuno.naging matatag at hindi nagahis ng mga Kastila ang paggamit at pagsasalita ng ating sariling wika bagaman sa mahabang panahong pagkakapailalim ng ating bayan sa kanilang pamamahala.

Tagalog ang pangunahing gumagamit ng isang alpabetong nagtataglay ng labindalawahang katinig (consonants) b, d, g, h, k, l, m, n, p, s, t , w, at y. sa pagsulat nila ng isang salita, hindi na isinusulat ang mga patinig (vowels) na a, e, I, o, u, maliban kung ito ay binibigkas bialng isang hiwalay na pantig. Nalalaman ang patinig sa pagkakalagay ng isang pananda (tuldok o kuwit) sa tabi ng katinig, na tulad sa wikang Hebreo. Kung walang pananda, halimbawa’y ang titik na p, ang bigkas ay pa; kung ang pananda ay nasa ibabaw ng katinig, ang bigkas ay pe o pi, at kung nasa ilalim, po o pu. Payak ang palapantigan ng wikang Tagalog, kung ano ang bigkas ay siyang pagkakasulat, at walang kambal-katinig o kambal-patinig sa iisang pantig.

Ang mga pantig (syllables) ng wikang Tagalog ay nagtataglay ng mga pahiwatig-kahulugan (connotation) na tulad ng mga panlapi ng wikang Griyego at Latin. Sa katangiang ito ng mga pantig-Tagalog, matutuklasan natin ang katotohanang maraming salita sa ibang wikain sa Pilipinas ang “kapatid” at kaugnay ng mga salitang Tagalog. Masisinag din natin na ang mga salitang sinasabing “hiram” natin buhat sa iba’t ibang wika ay malamang na sadyang “atin” sa simula. At matutuklasan din natin ang lihim ng maraming salitang Tagalog sa mga panga-pangalan ng iba’t ibang lugar na sa kasalukuya’y hindi pa talos ang mga pakahulugan.

Halimbawa ang salitang bangin: sa Tagalog, ang salitang ito ay nangangahulugan ng “Malalim na lubak na walang tubig.” Sa kabikulan at Bisaya ay may salitang bangon, na ang ibig sabihin ay “malalim na lubak na may bumubulusok na tubig’ (waterfall.) nasa Tagalog din ang salitang bangon, ngunit malayo ang kaakibat na kahulugan: tumayo buhat sa pagkakahiga. Matatagpuan din sa Tagalog ang mga salitang banga at bangan, na nangangahulugan ng “malalaking lalagyan  na ang hugis ay parehong nakalubak. Nakikita natin dito na ang kahulugan ng salita ay nagbabago sa pamamagitan ng paggamit sa isa sa tatlong tunog o bigkas ng mga patinig na a, e, I, o, u. maraming ganyang salita ang magkakahawig: kain at inom sa Tagalog, sa ibang wikain (dialect) ay kaon at dumu; umuwi— gauwi; umaga—aga; Araw— Adlaw; Buwan – Bulan; kulog— kulyog. May mga salita pa sa Tagalog na sa gayong pag-iiba ng isang patinig ay nagkakaroon ng bahagyang pagbabago sa kahulugan:
tipon at tapon; pasak, pasok; saksak, suksok; tambak, tambok; untag, untog; tigtig, tugtog; yagyag, yugyog; tawa, tuwa; at gayundin naman sa pagpapalit ng isang katinig o ng buong pantig: hiyaw, bulyaw; kalatog, kalabog; daklot, dakma; patong, putong; hinto, hintay; bantay, antay; pagod, pagal; tubig, tubog, akit, dikit; lakad, lakbay; tikad, sipa; sikad, sibad.

May isang pamayanan sa lalawigan ng Laguna— ang bayan ng BAY (BA-I). Una itong narrating ng mga Kastila noong 1571 sa pamumuno ni Kapitan Juan de Salcedo na apo ni Juan Miguel de Legaspi. Dahil sa baying ito kung kaya tinawag ni Salcedo ng “Laguna de Bay” ang lawa na natagpuan niya. Sa pulo naman ng Talim na nasa pusod ng Laguna de Bay at katanawan lamang ng Bay ay may isa ring matanda nang pamayanan, ang barangay ng SUBAY na nasa dulong kinabutasan ng isla ng Talim na ang baying  Cardona ang nakasasakop. Sa wari ay walang kahulugan ang dalawang salita sa pagkakakapit sa dalawang lugar. Ngunit, matatagpuan natin sa wikang Ingles ang salitang “bay” na tumutukoy  sa “isang bahagi ng baybay-dagat, na nakauka sa pagitan ng dalawang dila ng lupain.” May hawig ang salitang “bay” sa baye ng matandang pinagkuhaan ng baja ng Kastila— bagaman masasabing higit itong malapit sa anyo, sa Tagalog na baha (flood).

Ang pantig na bay ay matatagpuan natin sa maraming salitang Tagalog: sa baybay-dagat (seashore), baybayin, (coastline); to travel along certain guideposts; to spell), sabay (to move abreast of each other, in unison; kung higit sa dalawa ang kumikilos, sabay-sabay) abay (consort, escort), akbay (to place one’s arm on another’s shoulders), gabay (something fixed and firm to hold on to while walking), at sa lubay (to sag or slacken). Makikita nating ang pahiwig-kahulugan ng pantig na bay ay “ang pagkakaayos ng dalawang bagay na magka-ugnay,” at sa pag-ulit sa pantig— sa salitang baybay ay maliwanag na nangangahulugan ng “mahabang bahagi o maraming lugar sa tabi o gilid.”

Sa pagsasaalang-alang sa kahulugan ng salitang bay sa ibang wika, masisinag nating malamang na ang basal o orihinal na kahulugan nito sa ating mga ninuno ay isang “lugar,” at iyon ang kahulugang taglay ng mga bayan ng BAY at SUBAY. Kung tayo ay nanghiram ng salitang ito buhat sa ibang wika o kung tayo ang nahiraman ay isang bagay na hindi pa natin masasabi sa ngayon. Ngunit nakatitiyak tayong matanda ang pantig na bay sa wika ng ating mga ninuno., at tiyak na sa pantig na iyan nagmula ang salita nating bayan (isang lugar na may mamamayan), gayundin ang salitang bayani (isang daong dinarakila ng mga mamamayan) na natagpuan din ng mga unang misyonerong Kastila at ikinakapit ng ating mga ninuno noon pa man sa isang taong nagtataglay ng pambihirang katangian o kaya ay nakagawa ng kagitingan.

Ang salitang mata: kung totoong buhat sa wikang Malay ang salitang ito, kailangang tanggapin natin na ang wikang Tagalog ay hindi lamang nagmula sa Malay kung hindi ito ang buung-buong wikang Malay— sapagkat masasabing nakapaloob sa pahiwatig-kahulugan ng dalawang pantig ng salitang mata ang buhay at kaluluwa ng wikang Tagalog. Hindi ba ang kahulugan ng ma sa Tagalog ay “marami” (many, much)? Ang pantig na ta ay maliwanag na nangangahulugan ng “paningin” ( sight; hence, perception), na sa pagkakadugtong sa unlaping ma ay lumilitaw na isang salitang-ugat sa kaniyang sarili.

Tingnan sa mga salitang ito ang pantig na ta: tanaw (to see or be seen from distance), kita (seen, exposed), tabon (to cover with soil or with any other loose material), tago ( to hide or hidden from view), tabing (an upright flat covering), tabi (to keep away), talos (known, aware of), tagas (to flow out of a container in small amounts). Hindi ba maliwanag kung bakit mata ang ibinigay na pangalan sa bahaging ito ng katawan ng tao? To be continued … tataraul

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 10, 2011

Pagkawala Ng Kulay Ng Bahaghari

Pagkawala Ng Kulay Ng Bahaghari

Sakaling ako’y managinip na lumilipad sa himpapawid at nakita kong ang bahaghari’y sumusulpot upang ibalantok ang sari-saring maringal na kulay , kukunin ko ito at ilalagay sa isang bagong kahon.

Dadalhin ko sa ginawang paraiso upang gawing moog sa dambanang inilaan sa aking minamahal.

Laging makulay ang aking paraiso, walang pipiliing panahon ang bawat tingkad ng kulay.

Ganyan ko paghahandaan ang aking pag-ibig, walang kasing kulay. At kung sa tagal ng panaho’y unting sumusutla’t kumukupas ang moog sa aking paraiso, pamuli kong bubunutin ang bahaghari at ibabalik sa pinaglagyang kaho’t hahayaang huwag nang makita habang panahon.

Berso Libre ni Tata Raul Funilas!

 

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 10, 2011

Laginlin

Laginlin

Hunyo 4, 2010

Kapag bahagyang may alat ang tubig sa lawa’y mabilis ang paghilab ng ìsda, ito rin ang panahon ng pamamagaspas upang iluwal ng isda ang kanilang kawang supling.

Lùmilinaw na parang bubog ang tubig kapag may tabsing na iniluluwa ang gawangang Moog Napindan. Maraming minang tubig ang bumubukal at buhay na sumuba’t apupa sa ragasa ng salikwa at salinok na agos.

Inaalat ang buhay ng Mangingisda sa lawa tuwinang hindi humuhumpay ang walang pakundangang pagbabakod sa daanang kasko at santuwaryo ng lawa ng Laguna.

Asing bumibintog ang pawis ng araw sa maghapong bumubungkal ng bukal ang pagbabakasakali sa pusod ng lawang wala nang nagmamantik na biyaya.

Iyu’t iyon din ang mamamalas kapag aninag na ang bukangliwayway at marahang sumusuko ang palipas na takipsilim.

Muli lamang gigiyaot ang gilawgaw kapag sumusungaw ang laginlin ng namamangka at nakangiting buwan.

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 10, 2011

Bahala Na (Paglipas ni Lope K.)

 

Bahala Na

Paglipas ni Lope K. Santos

Setyembre 7, 2010

Kung tayo’y mabigo sa pangakong asam,

Magwagi ang puso ay wala nang puwang;

O kung tayo kaya’y sumirang sumpaa’y

May takda pa kaya tayong aasahan?

Sa pabuhul-buhol na buntunghininga,

Ang panalag nati’y isang Bahala Na!

At kung manalunton kata ng landasin

Doon sa kanlungan nitong takipsilim,

Subalit madawag ang saboy ng hangin

At madaming sagkang buhanging matalim;

Kata’y mamumulot ng nabaling sanga

At tungkud-tungkurin itong Bahala Na!

Sakaling napagod ang katawang hukot

At wala nang puwang ang himbing ng tulog,

Ang aliw ay bitwing pumapasarurok

Na batid mo namang hindi maaabot

Kahit isang laksang dating ng umaga;

Humikab ng isang wikang Bahala Na!

Bahala Na’y laging bukal nitong isip,

Laging kaakibat at sakbat sa dibdib;

Dahil ito’y tapang sa pandaw-ligalig,

Kamanyang at lawrel sa buhay na amis.

Anumang sapitin pag-asa’t parusa,

Huwag ikalunod usal-Bahala Na!

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 10, 2011

mga tula ni Tata sa lawa atbp.

Doon Po Sa Amin

Set. 25, 2010

Habang nasa abroad si Pangulong P-Noy,

Usec. Rico Puno’y niluluto’y penoy

Upang itungayaw ang kat’wirang unggoy

Na hindi raw siya pumayag sa pulong

Niyong emisaryong may kipkip na milyon

Upang ipangtapal at gamot sa gutom

Ng Hepe ng Pulis, Governor at Meyor,

Para itong h’weteng ay ipagpatuloy.

Si Pangulong P-Noy nama’y kumakain

Ng murang hamburger doon sa USA,

Upang iparunggit sa tropang GMA

Na di siya waldas at dapat gayahin.

Ngunit k’widaw P-Noy malabis malasin

Ang piling kasama sa iyong pagtravel,

Baka pag-uwi n’yo ang milyong bitbiti’y

Nanga sa paketeng hindi susuriin

Doon sa Adwanang sila at sila rin.

Baka pag-uwi mo galing Amerika

Meron pa ring h’weteng sa bawat probin$’ya,

Kung di ka kikilos habang maaga pa’y

Baka bansagan kang inutil at tanga.

Berso Libre ni Tata Raul Funilas!

 

Haba,aman,..lalim at matalinhaga,.oh amang lalim tumalinhaga,kay sadyang likas na dalubhasa,sa mga katagang sin lalim ng lawa,.naway ating tahakin pa landasing mapayapa..

 

Nang magdelubyo Sa Aming Kubakob

Sept. 26, 2010

Kami’y matahimik North Triangle EDSA

Nang biglang dumating demolisyong p’wersa’t tsonggong itinaboy sa gitnang kalsada,

Upang maubos na ang aming pasens’ya.

Kawangis ng ibang paggiba’y tumikim,

Kami ay lalaba’t hindi lilisanin

Ang aming balwarteng dito na tumabsing;

Pawìs sa katawang tulad ay alipin.

Bakit laging kami ang dinadapurak?

Bakit laging kami ang gustong mawasak?

Bakit di gibai’y iyong laksang kurap

Na nananantigwa’t sa baya’y pahirap?

Oh, common kabangka huwag namang ganyan,

Kami ay tao ring nangangailangan;

Silungan ng anak, pangarap ng buhay

Dapat itigil n’yo paggiba ng bahay.

Kung sadyang utos nang kami ay magiba,

Asahang daranak dugong mapuputla;

Sa lupang tumubo ang aming adhikang

Mamuhay tahimik sa ‘ting Inang Lupa.

Awit ni Tata Raul Funilas!

 

Takipsilim Sa Pulo Ng Talim

Hulyo 4, 2010

Pagsapit ng orasyon

Tuwinang dapithapo’y

Mayroong lumilitaw

Na mumunting kilapsaw

Sa maliit na alon.

Sa ibayo’y dagitab

Kumukuti-kutitap

Ang mga nagluminang

Dugo’t kahel na ilaw-

Maluningning ang sinag.

Sumisimoy ang hanging

Habagat at may lambing

Ang huni ng humahapong

Ibon sa dapithapon.

Soneto ni Tata Raul Funilas!

 

Bulwagan

Mayo 5, 2010

Ang mesa’t bulwagan ng ìsang sugalan ay isang esk’wela,

Ng maraming lihim at bulung-bulungan ng isto-istorya;

Iyan ang hatula’t husgahan ng taong mga walang sala

Saka kalendaryo ang bawat salansan balasang baraha.

Dito nalilibang ang hapis at lumbay nitong kapaguran,

Waring may sabulang dagling napaparam pag baraha’y tangan;

Dito rin nalungi ang puri ng ilang nimpang kagandahan

Pag hindi tumodas o kahit pantotse’y lagkit kung titigan-

Kadigmang lalakeng limpak kung manalo h’wegong magdamagan.

Dito rin nalupog ang di ilang yaman ng pupong nahilig,

Kaya kasabiha’y: *Pumapanaog dawpagsinta’t pag-ibig,

Kapag kumakatok itong kahirapang sa sugal nadikit.*

Ngunit mana pa ring ang mesang sugalan ang laman ng isip

Habang itong tao sa bawat baraha’y may kaway pang-akit.

Ay, mesang tipanan ng mga hugador saan mang lupalop

Ikaw ang bulwagang maraming naaliw higit ang nagdahop.

Tula ni Tata Raul Funilas!

 

Himig Ng Tulos

Hulyo 9, 2010

Bumaba ang baha sa bundok

At binalaybay ang ilog,

Yumakap sa lawa at naging agos

Na ang tinalunto’y ang laot.

Nakasulyap ng kawayang tulos,

Tinungo at nagpati-anod;

Nagpa-ikot-ikot at ang tulos ay niyapos.

Nang biglang ang hangi’y sumimoy,

At ang tulos ay inamoy-amoy;

Bahagyang tumiyad ang alon

Hanggang sa tuluyang bumangon.

Sumanting ang tudla ng araw

At ang tulos ay nagbitak-marahan,

Salikwaang hangi’y nagsalimbayan

At humimig sa nakatulos na kawayan.

Nagdaan ang armada ng tulog na maglalayag,

Narinig ang himig ng tulos sa dagat;

Kaagad kumurap-kurap at nag-inat

Pasulyap-sulyap na kaniyang hinanap

Ang himig ng tulos na matimyas

At gumising sa kaniyang pangangarap.

Tulang Pantubigan ni Tata Raul Funilas!

 

Ulinigin Ang Gulong Ng Alon

Hulyo 26, 2010

Siliping maigi bago magsalitang

Ang hula ng Pantas ay di nagkabula.

Lawang kinagisnang lansak ang biyaya

At linaw-tubiga’y esmeraldang sadya;

Walang magsasabing hindi pinagpala

At hindi daranas na mapariwara.

Ngayon! Katanunga’y bakit umiiyak?

Ginanot ang anit bumukal ay burak,

Laginling nagkumpol iligal na baklad

At ang mangingisda’y hindi maikalat

Gawang palakayang sa gutom lulunas.

Uliniging lipos ang gulong ng alon

Nitong kalawaang basura ang kandong

At huldong paghinga’y susong nalalason.

Awit Pantubigan ni Tata Raul Funilas!

 

Orasyon Sa Gunita

Hulyo 27, 2010

Mumunting Lating titik

Na nagbitin sa langit,

Ito’y aking sinungkit;

Binulungan ng bibig:

“JAIN PEOR CURUS

PIMIT YLIHOMIT

QUI JUE RHI JEL SUGTARAC.”

Unti nang bumabagsak

Ang bangong pinipitas

Sa dibdib na busilak,

Pinatungkulang dilag.

Sa kaniyang pagtulog,

Di sagilahang antok;

Hila’t saklob ang kumot

At alaala’y irog.

Napuyat sa gunita

Ng sintang dinakila’t

Kanyang idinambana

Sa isang tagong dampa.

 

Isang Piyeng Haiku Sa Mga Sasakyan

Hulyo 27, 2010

1. Dyipni

Marapat na magbayad

Sa akin. Akyat

Na at nang makalakad.

2. Barko

Dadambahin ko’y alon

At isusulong

Kung saan ka paparo’n.

3. Lunday

Kung ikaw ay sasakay,

Labiti’y sagwang

Ipanudlong sa buhay.

4. Tricycle

Bahay hanggang palengke’y

Bumibiyahe’t

Hinahanap ang s’werte.

5. Bus

Maghapon sa kalsadang

Pamamasada’y

May ngiti ang pamilya.

6. Taksi

Kahit na anong iwas

At pag-iingat,

Palaging nahoholdap.

7. Kalesa

Hiya,hiya, kutserong

Merong latigong

Panghaplit sa kabayo.

8. Eroplano

Merong sumasagitsit

Sa himpapawid

Na mistulang kuwitis.

9. Armadahan

Simoy ang nagtutulak

Upang umusad

Ka’t layagin ang dagat.

10. Kareta

Kalabaw man o baka

Ay hinihila

Ang hirap ng pag-asa.

11. Traysikad

Nababanat ang ugat

Sa kapapadyak

Ng paang naglilipak.

12. Tren

Ahas na itinakbo

Ang laksang taong

Napagod sa trabaho.

Haiku Pilipino ni Tata Raul Funilas!

 

Dahil itong bangka ay kaydaming sakay

Hampas pa ng alon ang proa’t batangan

Kaya yaong iba na aming kasakay

Panay susmaryosep

Ang bulong at usal.

Sakaling ito na ang takda ng wakas,

Ang tanging hiling ko’y abo ko’y ikalat

Sa lawang Lagunang sadyang nililiyag

Upang ang biyaya ay muling pumusag

Kapag ang labi ko’y kanilang malanghap.

 

Bawat tipang titik na pinalilipad,

Sa lawak ng ulap at masigwang dagat;

Waring nangangalap ng wikang maangas

Upang maisingkaw at gawing pangkagat

Sa diwa ko’t ìsip na tila ba hungkag

Dahil kung dumapyo sa lito kong utak

Ay tila ba laging ikaw’y binababag

Ng isang selosa’t baliw na bagabag

Na ayaw maalis sa dibdib mong pugad.

Kailan? Kailan kaya maniwala

Na ako’y tapunan ng munting tiwala?

 

Suong ang sigwadang haplit ng habagat,

Sunong ang talisik matalim na kidlat

Hindi alintana ang alon sa dagat

Makarating lamang sa mahal na liyag.

Ang amp’yas ng ulan at sampal ng hangin

Ay pinaglalagos dalanging taimtim,

Na sana ang bangka’y kayang salungahin

Masungit na unos na kagyat dumating.

 

Ay igan kong Joel lagi tayong malas

Paghanap ng YAYA ng bugtong mong anak

Dahil yaong aking sinabi’t inusap

Naroon sa Tanay di pa lumuluwas

Kaya pasensya na’t wala nang mahanap.

 

Ang Buhay

Setyembre 1, 2010

Naniniksik, naninipsip itong lìsa at kuyumad

Sa talahib ng anit kong ubod daming balakubak,

Kaya ito ay sinuyod ng masinsi’t ginaladgad;

Upang hindi maging kuto’t ang kapuwa ay umiwas.

Namimitik, nangkakahig, ng kalupi sa bulsikot

Itong pupong tampalasa’t hayupak na mandurukot

Sa pilahan at terminal na sakayan ng d’yip at bus,

Kaya naman pag nahuli nitong pulis ay kalabos.

Nangungupit, nang-uumit sa tindahan ang kahero,

Dahil kapos ang suweldo pag nagdidate tuwing Linggong

Kasama ang kanyang nobyang mahilig sa: Bili mo ‘ko!

Kaya laging natatanggal sa trabaho ng may kaso.

Nangingipit, nananaklit ang talangka’t alimasag

Tuwing ito’y bibilihin ni Bruhildang manghahatak,

Manghahatak ang taguri dahil kapag umuunlad

Ang kapuwa’y alimangong hahatakin papabagsak.

Nanlilisik, naniningkit, ang mata ng pusang gala,

Kapag ito’y naka-amoy ng nilutong pritong isda;

Magkukutkot ng daanan may paraan sa paggawa

Upang isdang na-aamoy pagpistahang walang sawa.

Sa parang ng ating mundong panirahang hayop-tao,

Walang patlang ang pag-ikot parang hilong nagtsubibo;

Kaya naman tayong tao sa hayop ay pasens’yoso

Ngunit kapag kapwa tao ang sa ati’y namerwisyo,

Walang taros paghuhusga’t kapwa buhay delikado.

(tataraul2010)

 

Uban

B-awat gatlang gumuguhit sa ubaning nagpipilak

E-leganteng pang-aranya sa tulad mong isang rosas

T-itigan man sa malayo’y waring isang alimagmag

T-inatahak ang landasing panimula ng pagkupas

Y-amang dapat na ingata’t ipedestal ko’t i-andas.

tata2010

 

Ang buhay ko’y isang kulungan. Araw araw akong nabubuhay nang walng pinaghahandaan. Pasok, uwi, tulog, gising, pasok, uwi, walang katapusang pag papatianod sa agos ng buhay, minsang masalalak, mahimpil, muling siklut-siklutin ng 2big at magpapatianod. Kaylan nga b huling nakaramdam na 2muntong s lupa? Mamulot ng mga butil ng bato upang magtayo ng kastilyong binuo s pangarap. Ngayon, habang ako’y naglalakbay ng walang patutunguhan, ikaw nama’y patuloy s pagbuo ng palasyong tutuluyan s hinaharap kasama ng 2nay na nagmamay ari s iyong puso. Walang magawa kundi mag hintay sa iyong muling pagdating upang sumukob sa kinalalagyang kung turingan mo’y kulungan.

 

Alabok

Isa akong Magnanakaw. Walang naka-aalam sa aking balakin maliban sa akin. Darating ako sa hindi inaasahang pagkakataon upang makamit ko ang aking inaasintang nanakawin. Maaaring isang bagay na ubod halaga, isang katahimikan,isang minuto, oras, araw, linggo, buwan, taon o isang panganib na kamatayan.

Darating akong isang sinungaling upang hindi mabunyag ang tunay kong pagkatao. Puwede akong magpanggap sa samu’t saring anyo, isang kagalang-galang, isang naaapi, isang pulubi, isang mabait na hayop. Ilalabas ko lang tunay kong anyo sakaling makita ko na ang pinakamimithi kong may Koronang Salita na nakatago sa pinakagitna ng iyong bahaghari,ipuipo, uli-uli, sa buntot ng kidlat, at tiyan ng dundong ng kulog.

Sakaling makamit kong lahat ang nais kong makamta’y maaari mo nang iulos ang pinakamatulis na salapang, isukdol pinakamatalas na bayoneta, kalbitin ang pinakamalakas na kanyon. Dahil ako’y nakahanda saan man pulutin ang aking bangkay upang bumalik sa pinanggalingan kong Alabok.

Berso Libre ni Tata Raul Funilas!

 

Tanaga ng Balbon At Ibon

Basta babaeng balbon,

Tiyak na gusto’y ibon.

At ang lalakeng ibon,

Gusto’y babaeng balbon.

 

Eskultura sa Balanggiga Masaker

Setyembre 27, 2010

Kami ni Abueva ang siyang lumikha

Ng isang bantayog bayang Balanggiga,

Kung saan ang hudyat ay tunog-kampana

Upang sumalakay ang inaping madla.

Sakay ng kabaong ang mangandirigma

At doon sa panteon maglilibing kunwa,

Kaya’t Amerkano’y laking pagkabigla

Paglusob ng taong sila’y tinataga’t

Kawayang pang-ulos ang sumasalasa.

Ganyan pagmamasdan lilok nami’t likha

Ni Maestrong Billy na isang dakila

Sa makasaysayang bayang Balanggiga.

Alaala sa ika-109 na taon ng Balanggiga Masaker(tataraul1968@yahoo.com)

 

Sa Iyong Pagtulog

Sept 29, 2010

Di kita mahipo’t takot na hawakan

Kapag dumaraing na nahihirapan,

Baka masalat ko’y ang ‘yong karamdamang

Sukat ikagupo ng hapong katawan.

Gusto kong hapsusin ang pagod mong likod,

Gusto kong hilutin ang lahat mong pagod

At saka yakapin lahat mong himutok

Ngunit atubiling baka ka mayamot.

Sige matulog ka’t kita’y iduduyan

Sa bagting ng aking kantahing kundiman,

Kapag nahimbing ka kita ay hahagkan

Sa noo’t sa labi ng ‘yong kapaguran.

At sa paggising mo ikaw’y hahainan

Ng sanlibo’t isang halik pagmamahal.

Awit ni Tata Raul Funilas!

 

 

(Haiku Sa Suso)

Kapus-palad

Labìs at sumusungaw

Ang nasa palad

Ko’t sapupo ng kamay.

 

Dalit Otchobados

1. Lingay sa Ilog

Tingin ko’y dalawang niyog

Ang nakalutang sa ilog,

Nang ito’y aking dinampot;

Suso mo palang mabilog.

2. Red House

Mukhang maligno’y bumungad,

Minsang naligaw sa gubat

Ng tabernang naglulusak

Sa balahibong nagkalat.

3. Uten

Akala ko’y baging-hinggiw

Yaong tumatawing-tawing

Sa harap mo aking giliw:

Iyon pala’y iyong uten.

4. Agulo

Kahit mahuling tumonteng

Sa ibabaw ni Kurdapya,Huwag na huwag aamin-

Ikat’wiran ay nadapa.

5. Sikreto

Sikreto’y para sa isa,

Hindi tatlo o dalawa;

Dahil kung alam nang iba

Magiging sikreto pa ba?

6. Mang Tanong

Kapag may tinatalunton

At naligaw ka na Totoy,

Hanapin mo si mang Tanong;

Makikita’ng nilalayon.

7. Kaliwete

Ay, sumagwan ka kumpare’t

Sa dagat ko’y pumarine,

Tuklapin mo ang kabibeng

Nagtatagong nakangisi.

8. Tirador ng Kaning-lamig

Kung ikaw ay mamamahaw

Sa bakod ng may bakuran,

Sandukin mo ang ibabaw

Dahil baka alibutdan.

Walong Dalit ni Tata Raul Funilas!

 

Balsa ng Pag-ibig

Kawayang pinulak sa dalisdìs bundok,

Inipon sa wawa’t sa pampang ‘binunsod;

Pinagpatong-patong binigkis palibot

Balsa ang taguri nitong taga-ilog.

Lulanan ng lumbay pahingahang isip,

Kapag laksang hapis laging namamanhik;

Dito ititikin ang mga hinagpis

Patungo sa laot na walang ligalig.

Kung minsa’y tunduan ng ligaya’t sarap,

Kapag ang pagsinta ay namumukadkad;

Dito sa balumbon nag-iipong ganap

Impit-alatiit sa magkasi’t liyag.

Subalit asahang ito’y nalalansag

Kapag may sigwadang di mapuknat-puknat.

Awit Pantubigan ni Tata Raul Funilas, ang, Makata ng Tubig.!

 

Hiling ng Hiningang Hinigit sa Hangin

Halika habagat at ako’y haplusin

Ng iyong malamig at nipising hangin,

Dahil ako’y bihag ng sakit na lihim

Walangibang lunas sa aking panimdim.

Dalhin mo’y sariwang hanging galing dagat

Na pinaglayagan ng along tumiyad,

Baka ito’y siyang mabisang pamaspas

Upang anghinga ko’y sumuson ang usad.

Kung madaanan mo ang hanging amihan,

Ibulong ng hihip itong karamdaman

Sabihing ikuha ako ng ligamgam

Sa liling ng talon sa may kabundukan.

At kung makita mo ang tigmamanukin,

H’wag kamong ligtaang ang panteo’y dalawin

Doon sa ‘king takda na lupang malalim,

Sabihang humunibabalang awiting

Dapat ikagulat nitong taga Talim.

Sakaling matupad ang aking pakultad,

Sa kaitaasan ay sumalipadpad

Hayaang amihang nanggaling sa gubatAng siyang magbuhos kanyang angking lakas

Upang alikabok nitong pagka-agnas,

Tangayin sa k’wengkang walang hanggang wakas.

Awit sa Hangin ni Tata RaulFunilas!

 

Ang pagkakataon ay di nanlalaglag/ ang bawat sandali ay di nababasag/ kapag dinadakma ang oportunidad/ ang hawak at pisil ay tiyak at sagad/ sapagkat kung sinong maagap sumunggab/ ang nagtatagumpay sa luwalhating hangad! “ANG MANUNUNGGAB”

 

Lokibilis Tebag Goyin

Namunga ang tanim ni lelong na niyog,

Ngunit di maakyat dahil sa matayog

Kaya pamaraa’y tudlain ng busog

Buwig-buwig itong sa lupang mahulog.

Sa katabing tinib may tanim ding gabe,

Lintsak yaong dahong matingkad na berde;

Kapagka pinulak tinuyo ni ate

Tiyak na ang laing ulam na putahe.

Dahil amba’t inda’y nagbuhat sa Bikol,

Ang siling pasete tanim ay sambakol

Kaya ulam nami’y parang bulkang Mayon

Waring bumubugang apoy nitong dragon.

At may kawikaang kapag bumabagyo,

Ang puno ng sili’y may suhay at kalso.

Awit ni Tata Raul Funilas!

 

Pakbet Estudyar

Hunyo 10, 2010

Nang si Gasat magpatuli’y

Pitong labaha’y nabali,

Ang balat ng kanyang ari’y

Singkunat ng tinambuli,

Kaya sungaw nang umuwi.

Nang si Sariwa’y niregla,

Dugong umagas sa kanya’y

Pitong tabo’t may sobra pa;

Kaya payo ng Madrasta’y

Magkukot s’ya ng mapakla.

Nang unang magsalsal si Gab,

Pumuslit ay parang gatas

Na malabnaw ang kumatas;

Araw-gabi’y hinihimas

Kanyang natuklasang sarap.

Ang tao ang gumagawa

Ng kanyang ikasasamaAt ikabubuting sadya,

Iyan ay itinatakda

Nang sa atin ay Lumikha.

Dalit ni Tata Raul Funilas!

 

O, Tag-an, o, Tag-an sa laot ng Sapang.

Iyong lagariin dayong taga bayan,

dahil may balitang papuntang Bintagan;

At mangamumutol ng damong kawayan.

Ay, Biya, ay, Biya sa dunggot ng Batsong,

Ikaw ay magtago sa tulos na putol;

Ikaw’y bibingwitin naligaw sa Tabon

Upang mangapawi ang lintsak na gutom.

Ayungin, Ayungin ikaw ay gumising,

Meron kang bisitang di taga Mausiw;

Huwag kang kukurap ikaw’y lalansihin

Upang ang sarap mo’y kanilang makain.

O, Tag-an at Biya matabang Ayungin,

Huwag n’yong pansinin ang di taga Talim.

Sonetong Pantubigan ni Tata Raul Funilas!

 

Pina-asim Na Ayungin

Ang umang kong pante’y pinandaw sa laot,

Maraming nagbiting ayunging malusog

Palukso-lukso pang malumbay ang uk-ok

Waring alam nitong sasalang sa dapog.

Isang kaserolang kumukulo-kulo

Kamyas na pang-asim ang kasamang halo,

May sitaw, labanos saka ihuhuhò

Matabang ayunging sa pante nasilo.

Bumalu-baluktot ang lutong ayungin

Kumadlo ng sabaw sarap ay tinesting,

Naku! O, kaysarap nang aking lasapi’y

Parang nadapyuan ng sariwang hangin.

Matapos maubos ayunging sinigang,

Inunat ko’y isang papag na higaan.

Tulang Pantubigan ni Tata Raul Funilas!

 

Madilim Ang Gabi

Hunyo 9, 2010

Sa dilim nitong gabi’y/ aking nilalamay

Ang pagtuhog ng k’wintas/ sa ‘yo iaalay,

Sinungkit ko ang talang/maningning ang ilaw;

At buhanging lubid/ginawang tuhugan.

Sinisid ko ang lawang/nagpawis ang lamig

At hinanap ang agos/ ng kawang nagmantik,

Upang maging pantighaw-/uhaway mapatid

Sakali at manuyo dila/ mo at bibig.

Sinulyapan ang bundok/tinanaw ang ulap

Na dito’y yumayakap/ sa buong magdamag

At ako ay aamot/ ng ilang ampiyas

Upang maibsa’y luhang/ sa dibdib mo’y natak.

At kung tayo’y maglayo/ ay iyong itimong

Laging ang larawan mo/ ang nasa ‘king puso.

Soneto niTata Raul Funilas!

With Ceasura: 7/6

 

AWIT LASING

Hoy! Kambing, hoy! Kambing

huwag manginain

Ng dahong lungtian sa magandang hardin,

Baka ka makita ng may-aring lasing;

Maging kaldereta,adobo’t kilawin.

Hoy! Tandang, hoy! Tandang

ikaw ay gumising,

Putok na ang araw baka ka malasin;

Ang iyong tilaok paalingawngawin

Sa gitna ng r’weda at s’werte’y hamigin.

Hoy! Lasing, hoy! Lasing,

ang ‘yong talisayin;

Huwag kang pupusta’t ang tari ay paling,

Ikaw’y tinut’yope nang lihim na lihim-

Dahil ang kapupog ay itik na duling.

Awit ni Tata Raul Funilas!

 

Sa Pagdating Ng Rilim At Salamisim

Namumuong rilim at hanging habagat,

Kapag nagkayakap tiyak ikakalat

Ang ulang kinandong na buhat sa dagat

Lulusong sa ilog palikaw-banayad

Magtitipon-tipon sa Dam na malawak.

At kapag apaw na ang reserbuwang tubig,

At ang namahala’y tanaw ang panganib;

Kagyat mag-uutos: “Tungkabin ang pinid

Na pintuang moog!” Delubyo’y sasapit.

(Bayan ko’y mag-ingat at kahindik-hindik.)

Dambuhalang ingay ang biglang huhugos,

Ang papalimpingi’y ang tahana’t ilog;

Nitong tubig-bahang hindi nagpatulog

Na may salamisim na kalunos-lunos.

(Walang nakahumang damakmak ang birtud.)

Nang tamaulian laksang taong baya’y

Kayraming naglutang malamig na bangkay.

Awit Pantubigan ni Tata Raul Funilas!

 

Maraming dumapong matatandang sakit

Sa katawang hapo’t ulong nag-iisip

Madaling igupo madaling mapatid

Inabusong ugat ng masel at litid.

Ayaw kong sabihing ako yaong dating

Malakas ang pwersa kahit elepante

Ay kayang buhati’t itumba sa tabi

Ngunit bakit ngayon kahit na bulate

Ay di na makayang ito ay mahuli

Ay ano pa kaya ang mabangong panty.

 

Haiku ng Taga-ilog

Tubig ng Buko

Tubig sa Ining

Ining, hindi mahipan

Ng kahit hangin.

Ligaw na Madero

Dapuang ibo’t

Gapangan ng langgam,

Antigong kahoy.

Anino

Hindi mo nakikita

Ang sumusunod

At kilalang kilala.

Pantalan

Dalahikan ng lungkot

At tamong saya

Ang munting dunggot.

Baleng Tulos

Pag natarak sa laot

Ang pisig-tulos,

Pag nabale’y palipod.

Bingwit

Sa paing nakalawit,

Isda’y kikibit

Isang bigwas kapalit.

Waterlili

Orkidyang umaanod

Sa lawa’t ilog,

May kasiyahang dulot.

Bangka

Nagpaparo’t paritong

May pasaherong

Pasuba sa ibayo.

Palapala

Niyasyas na kayakas

At binalangkas

Pahingahan nghirap.

Baklad

Umang araw at gabi,

Laging madawe

Ang ayungi’t bakuli.

Haikung pang pulo ng Talim ni Tata Raul Funilas!

 

Segunda Mano

Enero 23, 2008

Bultong damit nakalatag

nagbuhat sa ibang bansa,

Ang taguri’y ukay-ukay

bumibili’y maralita;

Pero k’widaw at mayroong

tunay itong sinasadya

Palihim na namimili

kahit buhay mariwasa.

Kayrami ring nag-ahurong nagmemenos sa pagbili

Ng sasakyang magagamit

ma-jeep man o maging kotse,

Ang puntahan ay Gandara

o sa Trade-in na palengke;

Kaya kapag tumitirik

nagpuputok pati butse.

Katulad rin ng pagpili

sa may ranas na pag-ibig,

Unang gabi’y may halakhak

ang suyuang ubod tamis;

Subalit pag humahalak

ang agam sa diwa’t dibdib

Isusumbat ang nagdaang

ang nakain niya’y panis.

Ukay-ukay man at sasakyan

maging ito ay pag-ibig,

Panginoo’y isapuso-

para na ring nakalangit.

Soneto ni Tata Raul Funilas!

 

Basta daw kulot,

Asahang ito’y salot

Sa malilibog..

Basta daw unat,

Gustong pasuki’y butas

Na madudulas.

Basta baluktot

Ubod sarap ikayog

Sa makikipot.Hayku Erotik ni Kayu(g)mangging Kali(bugan)gatan!

 

Sa Piging Ng Mga Tarikan

Hunyo 7,2010

Tuwinang Biyernes kung magkita-kita

Ang susi’t kandado ng literatura

Sa Timog Avenue tanging opisina

Ng de-kampanilyang Redem Villanueva.

Naro’n sina Teo, Baquira’t Nadera;

Bobby Añonuevo, Balde at Coroza,

Dan Pinto at Charles Ong gurong Bien Lumbera,

Kilates at Rillo, bidang Rio Alma.

Sa bungguang basong iba’t ibang alak,

Hindi maiwasang saya ay maghanap;

Kaya Rio Alma’y agad pumalakpak

Upang patindigin ang dal’wang matikas,

Teo at Corozang sabik nang bumigkas.

‘Tamang nakikinig sa pamamalagtas

Ang mga tarikang kasiyaha’y langhap

Palitan ng anghang sa dal’wang Balagtas.

Ngunit nang huminto itong si Michael

At di maidugtong tugmang sasabihi’y

Agad na pumakli si Rio ng hiling:

“Ikaw Sampay Bakod iyo ngang tugunin

Si Teo Antoniong sadyang Hari natin

Sa bawat pagbigkas ng mga tulain.”

Kagyat na tumayo’t animo ay tandang

Na sasagupai’y teksas-senibalang.

Lakingpagkagulat sa harapang dulang

Dahil “Sampay Bakod” bumigkas, lumaban

Sa taguri’y Hari nitong balagtasan.

Matapos bumigkas nang ilang tindiga’y

Biglang nagsalita Lakandiwang tunay:

“O, merong kapalit Haring Balagtasan,

Makatang maTalim inyong palakpakan!”

(Eksena sa isang Roof Deck sa Timog Avenue)

 

Isang Guhit

Ay! Isda, ay! Isdang malaki,

Huwag na huwag pahuhuli

Sa lalaking mukhang tutubi;

Sapagkat siya ay salbahe.

Doon ikaw magpapadakma

Sa pogì’t galanteng binata,

Na may akwaryum na dambana

At di ka lalasap ng luha.

Wala kang gagawin maghapon

Kundi ang kumai’t lumangoy,

Mag-uugoy sa munting alon

At hihintayi’y dapithapon.

Sakaling hindi makaiwas,

Iyan ang guhit ng ‘yong palad.

Gansal ni Tata Raul Funilas!

 

Ako ang Lilikha ng Aking Puntod

Pebrero 10, 2010

Ayaw kong sumamba sa diyos ng madlang

Ni walang milagrong magawa’t malikha,

Gusto kong sambahi’y ang diyos ng tulang

Kagyat kung lumikha ng Musa’t Diwata.

Ayaw kong samyuin ang puting bulaklak

Kung maaamo’y ko’y sansang halimuyak

Mas lalanghapin ko ang may luhang rosas

Na amoy sanghaya yaong halimuyak.

Ayaw kong magtimbol sa linaw na tubig

Na may tagong kating gilik at taliptip,

Mas titimbulan ko ang kulabong batis

Na ang umaagos ay buhanging lubid.

Ayaw at sa gusto’y ako’ng masusunod

Sa aking gagawi’t lilikhaing puntod.

Awit ni Tata Raul Funilas!

 

Palasyong Karo

Hambog na makatang hila-hila’y karo,

Ang kap’wa makata’y nasosora dito;

Dahil pamarali’y higit na eksperto

Kung tugmaan din lang bibigkasing tono.

Hayaang ang tugma’y lumikaw sa ulo,

Tingin sa sarili’y santong milagroso;

Parang sasabunging pinalo’y anino’t

Ang bawat makata kung titiga’y multo.

Talangkang manghila at ayaw patalo, Ang tingin sa karo’y dambana’t palasyo.

Tulang Tuluyan sa Karo ng Makata!

 

IKAW ANG AKING TUBIG@@

Agosto 15, 2007@

Maliban sa iyo, walang anumang pintig@

Na sumuksok sa dibdib ko kundi tubig.@

Tubig ang unang bumuhos sa aking katawan@

Noong hawakan ang paa ko ng Manggagalay,@

Noong buhos-tubig sa kampilan ng kumpilan,@

Noong bintangan at bintangang binyagan sa simbahan@

At noong ang layagan ni ama’y tagayan at lagayan ng buntog-ulan.@

Tubig ang laruan sa dalampasigan,@

Tubig ang binabaon sa pamamandaw ng umang,@

At tubig ang tumitighaw sa tindi ng pagkauhaw@

Sa nawawalang pagmamahal.@

Subalit nang dumating kang parang tubig@

Na umaagos at dumadaloy sa aking dibdib,@

Naging kambal ang aking pag-ibig.

Soneto ni Tata Raul Funilas!

 

Kahit Makupad Basta Taong Ganap

Enero 17, 2010

Makupad ìsakag ang salap

Sa tubigang kalat ang libag.

Katulad ng isang pangarap,

Walang usad pag di nagsikap

Sa buhay na nais matupad.

Mabagal umakyat sa gubat,

Lalo’t paahon sa talampas

O banging may baging langkawas

Hawig din ng buhay sa dagat,

Pag walang simoy ang habagatAy hindi hahakab sa layag,Upang makasuro ng pusag

Ng biyaya’t isdang malapad.

Ang buhay man nati’y makupad,

Basta tao tayong gumanap.

Gansal na Tula ni Tata Raul Funilas!

Sa laot ng Dunggot ng Tapao

Ang lugar na pinagbutasan ng pulo ng Talim

Lawa ng Laguna

 

 

Titig sa Tubig

Mayo 30, 2010

Masakit sa balat ang tudla ng araw

Na nagpapakislap sa lawang malinaw,

Waring naghahamong makipagtitigan

Kung sino sa amin ang makatatagal-

Kumisap ang mata’y siya ang talunan.

(Manalo kaya akong ‘sang hinamit lamang?)

Nakasisilaw din ang baldig na pilak

Sa kuluting anlog nanais tumiyad,

Waring merong gusing sa umaga’y bukas

Na ang makakita ay hinihikayat

Na ito’y sisirin sa pusod ng dagat.

Nakasisilaw din ang bulang nilikha

Ng isang armadang naglayag sa lawa,

May tudyong gilawgaw ang kumpulang bula

Na waring ang sabi’y: “Sumunod ka bangka

At iyong itala aking pagkawala.Nakasisilaw din kutis ng Regatong

Halos araw-araw sa wawa’y lumusong

At bilad paglako sa magha-maghapon,

Upang makapukaw sa dating linggatong

Na lipos namahay at kinimkim noon.

Higit pagkasilaw sa matang nakitang

Hagdang pumapatak ang perlas sa mata,

Nitong kawang isdang bahura’y sira na

Kaya walang dunggot, gaong at kuwengkang

P’wedeng paniraha’t pagaspasan nila.

Ganyan nasisilaw ang aking paningin,

Parang binubulag kimkim na panimdim

Sa laot at wawang pulo ng Talim;

Sa lawang Lagunang tuwing takipsilim

Ay tinatanaw ko limot na sagimsim

Noong ako’y musmos at mapangarapin.

Awit Pantubigan ni Tata Raul Funilas!

 

ISDA

Ang Dayo Sa Ibayo

Langit kang titigan nitong madlang tao

Ugat mo’y nanggaling malayong ibayo

Centavong puhunan ngayo’y bilyong piso

Ikaw ang nagtatag ng isang imperyong

O, Dios ko talagang ikaw’y inidolo.

Tore sa lupain naming Pilipino’y

Animo’y kabuteng kumpleto rekado

Na naiibigang bahayan ng tao.

Awit ni Tata Raul Funilas!

 

Apupang balagbag ang puyos ng agos

Paghihip ng hanging nagbuhat sa Timog,

May himig ng sipol sa biyak na tulos;

Kaya ang kanaway dagling nakatulog.

Dagliang bumangon ang kalmanteng lawa’t

Ginising ang along may yakap na isda,

Gumulong, tumiyad sinalpok ay bangkang

May hurang pangahig na huli’y biyaya.Amiha’y lumusong biglang hinagupit

Ang along tumiyad nang kidlat gumuhit,

Pinunit ang langit sa pananahimik;

Kaya yaong kulog sumigaw sa galit.

Ngunit ang habagat lahat nang makita’y

Patulny ang lakbay at tawa nang tawa.

Tulang Pantubigan ni Tata Raul Funilas!

 

Umang

Hunyo 5, 2010

Minsang nagliwaliw sa lamig Tagaytay,

Di makalos-kalos apaw kasiyahan;

Habang tinatanaw ang bulkan ng Taal

At damhi’y sariwang hanging nagsalimbay,

Ay, sadyang nalimot ang problemang dag-an.

(Kahit ang pera ko ay sensilyo lamang.)

Nang kami’y umuwi sa NLEX nagdaan,

Naku! Mga tulog aking kasamahan;

Habang binabagtas mahabang lansanga’y

Merong isang sangang aking nilusutan

Yun pala’y SKYWAY na sobra ang mahal

Pagsapit sa dulo’t hanggahang singilan.

Kaya kayo bayan mag-ingat dumaan

Sa isang kaminong may bitag na umang

At ang katapusa’y kikirong na lamang.

Tuluyang Berso ni Tata Raul Funilas!

 

Basang Sisiw

Disyembre 9, 2009

Ako’y basang sisiw na sa aking ina’y nawalay,

Walang nagkukupkop nangangatog pa sa ginaw;

At sa umaga na walang sukat na umakay

Hindi kumakai’t walang inang nagmamahal.

Nasaan ka ina’t ako’y iyong natitiis

Na kislut-kislutin ng hirap at pawis,

Ako ay hubad at wala kahit isang bagwis;

Ang kawawang basang sisiw nakabingit sa panganib.

Tata Raul Funilas!

 

Selosang May Karosa

Hunyo 6, 2010

Pirming may parunggit kung kami’y magkita

Nitong mang-aawit na dala’y karosa,

Lalo na’t dalaga ang aking kahunta;

Di momakakain ang saboy ng hinga

Na kesyo mag-ingat laging patutsada

Sa aking salitang pulut ang gayuma;

Gayung walang alam sa karakter-kara

Ng pagkatao kongwala daw kapara

Ang talismang bulong kay lelong namana,

Kaya laging susot ako at imbyerna.

O baka may gusto pogi kong hitsura

Kaya may parunggit ay selosa pala

Itong may karosang buhat sa Laguna.

Tuluyang Tugma ng Karosä! (tataraul)

 

Tantaloy

Tantaloy,tantaloy saan ka nanggaling

At di mo natapos ang iyong gawain?

Ay! Aama-ama ako po’y namansing

Upang ipang-ulam sa hapunan natin.

Tantaloy, tantaloy saan ka pupunta

At ang iyong kampit sukbit sa baina?

Ay, mangangaso po! Ay, iina-ina,

Pagkat ang dapugan ay aking nakitang

Wala pong panggatong na kahoy mang isa.

Ay, Tantaloy anak ang bait talaga!

Awit ni Tata Raul Funilas!

 

Hulagpos sa Unos

Ngayo’y nasa laot kami’y naglalayag

May haplit ang sungit ng hanging habagat,

Lili’y umaanod kasama pagtiyad

Ng yamot na along dagling nababasag

Pag ang palaypalay haginit ang amp’yas.

Ang lulan ng bangka’y hindi makatulog

Pag dumadagundong ang inis na kulog,

Ang maninikin di’y alisto ang kilos;

Naninimbang ito’t baka mapataob

Ang kargadong bangkang sumuba sa unos.

Nang kumudlit-kidlat dasal ay umusal

Ang isang babaeng may rosaryong tangan,

Ang pikit ang mata’y nag-aalinlangan

Kung aklab ang dasal ng matandang Manang.

Himalang humibas pagtapos ng dasal.

Sa proa’t kupirol lawi’y nandaragit

Ng isdang sumugba sa elising ikid,

Bulusok pagbaba’y walang kasimbilis;

Matapos manila’y paa’y higpit-kapit

At baka bumagsak sa dagat bumalik.

Nangkami’y dumaong sa parolang pritil,

Dagliang humupa’t sigwada’y tumigil;

Takadong nadatna’y merong ngiting lihim,

Ganyan ang pustura naming taga Talim

Hulagpos sa unos makararating din.

 

Pentalogo ng Likhang Bingit sa Panganib

Kababalaghan:

Bakit ang kawayan kapagka pinutol

At saka lumipas ang ilang panaho’y

Merong makikitang isdang lumalangoy

Sa biyas ng damong may tubig na ipon?

Kariktan:

Bakit iyang lupa kapagka binagbag

Ay merong halamang dito ay lalabas

Na nuknukang ganda pag namumulaklak

At ubod ng bango ang petal na rosas?

Kagulat-gulat:

Bakit iyang tubig kapagka bumuhos

At sa lupang tigang bumaha’t umanod

Tayo ay may gulat at sagilang takot

Lalo’t ang paghupa’y hindi na-aarok?

Kaparusahan:

Bakit iyang hangin kapagka nagmaktol

At ang sigwang bigwas ay nais manglipol

Sa buong paligid ma-kubo ma-kahoy

Ay di pinalampas ng unos-daluyong?

Kapasiyahan:

Ganyan ba ang takda at nais ng Langit

Kung ang Kanyang likha’y bingit sa panganib?

Berso ni Tata Raul Funilas!

 

Laginlin

Hunyo 4, 2010

Kapag bahagyang may alat ang tubig sa lawa’y mabilis ang paghilab ng ìsda, ito rin ang panahon ng pamamagaspas upang iluwal ng isda ang kanilang kawang supling.

Lùmilinaw na parang bubog ang tubig kapag may tabsing na iniluluwa ang gawangang Moog Napindan. Maraming minang tubig ang bumubukal at buhay na sumuba’t apupa sa ragasa ng salikwa at salinok na agos.

Inaalat ang buhay ng Mangingisda sa lawa tuwinang hindi humuhumpay angwalang pakundangang pagbabakod sa daanang kasko at santuwaryo ng lawa ng Laguna.

Asing bumibintog ang pawis ng araw sa maghapong bumubungkal ng bukal ang pagbabakasakali sa pusod ng lawang wala nang nagmamantik na biyaya.

Iyu’t iyon din ang mamamalas kapag aninag na ang bukangliwayway at marahang sumusuko ang palipas na takipsilim.

Muli lamang gigiyaot ang gilawgaw kapag sumusungaw ang laginlin ng namamangka at nakangiting buwan.

 

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 10, 2011

Regatta Sonnet

Regatta Sonnet

Hulyo 6, 2011

Sa agwanta’t sikil nitong armadahan,

Hayaang umalon itong karagatan;

Dahil ang angkas ko’y ang tulang tugmaan

Na ang gumagaod ay tapang ko’t yabang.

Pinait-pait ko ang pait ng unos,

Upang mapahupa ang sigwa sa laot;

Dahil kinakatam ang takam ng irog

Na nasa ibayong tula’y ihahandog.

Naroon sa tangkal ang laksang kapatid,

Bintang ay rebelyon kaya nakapiit;

Naghihintay sila ng tula ko’t awit

Pantighaw sa uhaw ng hapis pasakit.

Sakaling dumaong regatang may sukat,

Sakya’t hayumahin ang gawak ng layag.

Tulang Pantubigan ni Tata Raul Funilas!

Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 10, 2011

Soneto Sa Hardin Ng Rosas

 

Rose Garden Sonnet

Hulyo 6, 2011

Bubukangliwayway nang muling bumukad

Ang libong talulot sa harding malawak,

Nag-uunahan ding hamog ng magdamag

Sa mayabong lupa’y hagdang pumapatak.

May puti, may dilaw, may rosas at pula,

Na sa aking mata ay nagpapasigla;

Tuwinang makita sa silay-umaga’y

Nagiging sariwa ang aking hininga.

Tinangkang pumitas sa tangkaying tinik,

May naulinigang higikhik-matinis

Ng isang talulot at usal sumambit

Na pulakin lamang ay ang iniibig.

Rosas ang pinili ng kaliwang kamay,

Sa plurerang dibdib aking ini-altar.

« Newer Posts - Older Posts »

Mga Kategoriya