Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hunyo 24, 2007

Nang Tagain Ng Sundang Ang Buwan

(Pagkalipas ni Rio Alma)

Ang basag na tinig sa gabi ng gubat,
Anino ng luha’y namumuong buwan,
Ang sundang sa banig unting nababangas.

At ayon sa hula, ganito ring gabi
Ang lumang alamat ay muling isilang,
Ang dugo ay tigmak sa bulag na api.

At nawalang sukat yaong magsasakang
Ang kataling puso’y kay-tagal nabaliw,
At biglang nanabal sundang ng asawa.

“Ang ginto’t salapi? Ito ba ang gusto?”
“At walang katumbas ninakaw na dangal!”
Ang lamig ng kumot ay pira-piraso.

Asinta ang silid ng kumudlit kidlat,
Ang laway ng unan may bahid ng dungis
Ang babaing gahis ay di makamulat.

Ang galit ng talim biglang bumulusok,
Ang lupang kinamkam sadyang ibabalik
At ipapapulak ang pernang talulot.

Ang kumot na sutla’y nagtimbol sa dugo,
Ang punglong lumipad nagkubli sa hangin;
At ang magsasaka’y biglaang naglaho.

Ang basag na tinig sa gabi ng gubat
Ay isang aninong lumamlam sa buwan
At may kinaligkig na sundang matalas.

25 Hunyo 2007


Mga Kategoriya