Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hunyo 24, 2007

Nasa Pulo Ng Talim Ang Hinahanap Ni Noah Na Matalinong Ermitanyo

Mulang ginagawa ni Noah ang Arko,
Nagturong maglabra’y isang Ermitanyo;
Siya ang nanghulang mayroong Delubyong
Ang sasalasai’y ang mundo ng Tao.

Humupa ang alon ang sigwa at unos,
Lumaop ang taon na paugod-ugod;
Matanda’y nawala’t dumami ang hambog
Na gustong maghari dito sa sinukob.

Kamakailan lang merong naghahanap,
Na isang Diwatang gustong maging pantas;
Ako’y nahilinga’t sa akin hinanap
Dahil kailangan ang huklubang utak.

Higit tatlong taong di ko nakikita
ang sinabing taong aking ibinadyang
lipos ang Talino’t lahat ng istorya’y
kanyang na-uugat ang buhay sa isla.

Ang lahat ng isda, puno at alamat,
Baril ng digmaan, Magellang naglayag;
Lahat ng bayani maging pupong pantas
Ay kanyang sinambit na naging katalad.

Pati ang ilalim nitong kalawaan,
Ang kumpulang ulap maging kalawakan,
Yaong eroplano ang kuwago’t langgam
Ay kanyang nabanggit kapag naghuntahan.

Ang huling balita’y umingkat sa bundok
Ang lokal na paham sa islang inirog,
Dahil dumarami ang naninikluhod
Na mahingi nila ang kaniyang birtud.

Nagtagong tuluya’t pati kamag-anak
Ay pinagdamutang siya’y maka-usap,
Dahil hinihingi pati ang pagdahak
At maging pamana kapagka nautas.

Kung gustong marating ang kaniyang kuta’y
Iyong talastasin ang isang makatang
Sa may Emanila ay tula nang tula,
Dahil nasa kanya anting ng matanda.

Narito ang mapa ng pinagtaguan:
Sa may Matalinting ay merong lagusan
Ang isang kuwebang tagos Habagatan
At Susong Dalagang may nagsangangdaan.

Piliin ang landas na napakadawag,
Latinong orasyon ay iyong ibigkas.
“‘Mametam evavat, esnasoc esnavat!”
At doon lilitaw ang Ermitanyong wise.

June 25, 2007


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: