Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 10, 2011

Sa Bintana Ng Bangka Sa Lawa

Maraming tanawing dito’y makikita

Kapagka ang bangka’y pumasa-apupa

Sa pusod ng laot matang makikita

Kabigha-bighaning tanawing kayganda.

Nariyan ang liling nanggaling sa Lumbang

Pagimbol-gimbol pang ito’y sumasayaw

Ang gulong ng along waring kumakaway

Sa buhanging puti sa dalampasigan.

Merong mangingisdang sagwang humahagok

Habol ang pag-igpaw ng isdang mabilog

Kaygandang silipin ang umiimbulog

Na puting kanaway sa banig ng laot.

Sa dako ng proa ay maaaninag

Ang tarundong lunday hilerang maglayag

Sakay-mangingisdang tingala ang ulap

Tinatarol nila ang sigwang habagat.

Sa bastagang baklad may tigmamanukin

Abang yaong isdang kanyang dadagitin

At ang tagong k’weba nitong Matalinting

May nangag-iihaw dalag at ayungin.

Sa pantalan nama’y batang naglalaro,

Mga hubu’t hubad doon naliligo

Bubot na pangarap dito mabubuo

Sa pasirkong lundag hindi maglalaho.

Ang kuluting alon patiyad lumapit

Pilit sumasampa sa katig at dahit

Waring inaalam at gustong masilip

Ang lulan ng bangkang dumilat pumikit.

Ang higit kaygandang kanlurang palubog

Dugong bumalatay sa pisngi ng bundok

Waring nagyayaya ng halinang antok

Palutrina namang dumaloy ang agos.

Ganyan ko malasin ang bintanang lawa

Ng aming magandang pulong pinagpala

Sa lawang Lagunang kayraming biyaya

Na likha ng ating Diyos na dakila.

Awit ni Tata Raul Funilas!


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: