Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 28, 2010

Mga Tula ni Tata at iba pa

Mga Talinghaga ni Tata Raul Funilas

Hampas ng Alon

Kung maramdaman mo ang kirot ng hampas
Ng alon sa dalampasigan, huwag kang mag-alaala;
Kung minsan kasi’y hindi nito kayang madama
Ang yakap at pagmamahal ng lawak ng dagat.

Lumusong ka nang matagal at subuking ipagtimbol
Habang ipinapasok mo sa iyong bibig ang tubig
Na humahalik sa iyong labing minsan lang madilig
Ng pagmamahal. Ikaw ang minamahal ng alon.

Damahin mo ang gulong ng kaniyang pagmamahal
Na humihilod sa kaibuturan ng malinis na kaligayahan.

Huwag kang aahon sa mataas na bahagi at tangkaing
Tumalon, pagkat nasasaktan din ang damdamin nito
Dahil sa pagyakap ng hangin sa iyong lumong pagkatao—
Nadarama nitong inaagaw ka ng humahapong takipsilim.

Kapag Ako’y Iba Ang Kayakap

Kayrami ang dapat malaman sa tubig,
Bakit natutuha’y ang gawang umibig
Sa iyong kariktang laging nasa isip
Tuwinang titimbol sa lamig ng batis?
Mabiyaya ka ri’t laging may hiwatig
Ang agos mong yapos nitong panaginip.

Tuwing tatampisaw ang aking sarili’y
Hindi makatulog sa lalim ng gabi’t
Ikaw ang hanap ko’t gustong makatabi—
At gawin kang unang laging magsusulsi
Sa pahak ng pusong merong pangingiming
Sambiting  mahal ka lawa ma’y kumati.

Ngunit sadya yatang may udyok ang limot
Ng mabangong kama’t mainit na kumot,
Dahil kapag ako’y iba ang  may yapos;
Naliligtaan kong ako’y na-aanod
At dala ng isang masigwadang unos
Sa iyong kandungan at kalmanteng agos.

Isiping Sa Diwa At Isiping Tayo’y Pantay-Pantay

Isipin mong nasa tubigan ka at namamalakaya.
Sumagpang sa sima ang isang malaking buwaya,
Hinuran ang bangka mo hanggang sa may aplaya;
Ikaw ang isinilid sa banyera at ibinenta sa sakadora.

Isipin mong nakasakay ka sa pampasaherong bus.
May umakyat na mamang may baril at sabay tutok
Sa lahat at ang mga mahahalagang bagay ay dinukot;
Ikaw’y umanas ng bulong: “Huwag naman kayong bastos.”

Isipin mong ikaw ay ibong lumilipad sa himpapawid.
Nang may dumaang eroplanong malaki at mabilis,
Ikaw’y sinagasa at nagkabali-bali ang iyong bagwis;
Wala kang nagawa kundi sa sanga ng ulap ay kumapit.

Isipin mong tayong lahat ay iisa at pantay-pantay,
May makita ka kaya sa ating kaligirang nag-aaway?

Isipin mong nasa tubigan ka at namamalakaya.
Sumagpang sa sima ang isang malaking buwaya,
Hinuran ang bangka mo hanggang sa may aplaya;
Ikaw ang isinilid sa banyera at ibinenta sa sakadora.

Isipin mong nakasakay ka sa pampasaherong bus.
May umakyat na mamang may baril at sabay tutok
Sa lahat at ang mga mahahalagang bagay ay dinukot;
Ikaw’y umanas ng bulong: “Huwag naman kayong bastos.”

Isipin mong ikaw ay ibong lumilipad sa himpapawid.
Nang may dumaang eroplanong malaki at mabilis,
Ikaw’y sinagasa at nagkabali-bali ang iyong bagwis;
Wala kang nagawa kundi sa sanga ng ulap ay kumapit.

Isipin mong tayong lahat ay iisa at pantay-pantay,
May makita ka kaya sa ating kaligirang nag-aaway?

Kalakataw*

Kalmanteng sapirong tulog at tahimik
Ang tubigang ubod-lawak na paligid.
Nang biglang sumimoy ang hanging masigid
Agarang balikwas alimpungat-pikit.

Bilis-salipadpad ng hanging habagat,
Dagliang pagmulat tumiyad, umindak;
Rumolyo’t gumulong sa lawak ng dagat
At gustong lumukso’t yakapin ang ulap.

Tuwinang daratal sa dahikang wawa’y
Kaygandang malasin ang kislap na tudlang
Nagmula sa buwang may kilapsaw-likha’t
Unting humahalik sa bistay na lupa.

Sa muling pagsipol hanging palaypalay
May ngiti sa bundok nagtagong amihan.

* maliliit na along tuloy-tuloy paggulong sa lawak ng tubigan
Sanaysay Sa Pagluha ng Alon

Alanganing lahat ang daigdig kong ginagalawan noon, malabnaw pa ang sabaw na bumabatis sa puklo ng aking kiwal na ilog, marami pang katanungang umuukilkil sa aking diwang minsa’y ikinapipikit ng mga mata ni ama. Minsan, itinanong ko sa kaniya ang paggalaw ng tubig upang maging isang gumugulong at karaka’y nagtutumiyad na alon. Hinipan niya ang aking dalawang mata at hindi ako nakailag sanhi upang pumikit at umalon ang talukap ng aking mga mata. Lahat nang kilos at winiwika ni ama’y aking kinalulugdan.

Marami akong natutuhang bagay-bagay na alam kong hindi nabubuklat sa apat na sulok na pahina ng akademya. Halos ang katanungan ko hinggil sa mga laman ng lawa ay isang makapal na librong binubuklat niya sa kaniyang mga labi na may tagong mga ngiti.

Maging ang katanungan ko hinggil sa himpapawid ay isa-isa niyang hinuhugot ang buntunghininga at ilalabas niyang parang isang ulap na may kandong na samut-saring hanging umaampiyas ang bubog at bula ng katotohanan. Kaya niyang hulaan ang oras sa pamamagitan ng kiling ng bituin, kaya niyang sabihing may darating na sigwada sa pagtingin sa dagim ng kalawakan at kaya niyang magtantos kung magiging taghirap o tag-igi ang darating na mga buwan ayon sa pagkakak ng di niya pinangalanang ibon. Kaya naman puspos kong kinilala at tinandaan ang mga inaanas niyang mahihinang bulong kapag ako’y nakikita niyang lumuluha. “Huwag kang iiyak anak, hayaan mong ang mga alon na lamang ang lumuha.”

Nang lumakad ang araw, buwan at ang taon ay hindi ko namalayang isa na pala ako sa mga pinagkukuhaan ng mga naninigil sa lungki at dalampasigan ng  pulo kung may pangitain akong nakikita sa araw at gabi ng kanilang pamamalakaya na lipos nilang hinahangaang hindi nagbibisala ang mga tarol ng aking may koronang salita.

Minsan, dinag-as ako ng isang kamag-anak upang sabihing pumanaw na si ama. Maraming nakiramay sa aming pangungulila, higit akong nagdalamhati sa dahilang maraming taon ang ginugol ko sa ibang lugar na di siya kasama ngunit pinangingiti ako ng mga alaalang iniwan niya sa akin, mga alaalang kami lamang ni ama ang nagkakaintindihan sa pamamagitan lamang ng galaw ng aming mga mata.

Ang huli kong titig sa kaniyang mukha ay may kahalong panalangin, hindi ako lumuha at hindi ko ikinurap ang aking dalawang mata kahit na ang sari-saring hangin ay bumabalag at bumabaldig sa aking mukha, nais kong kahit sa huling sandali ay tumindig ang aking sariling hindi matitinag ng kahit anong hangin ang aking pangungulila. At higit sa lahat, hahayaan kong ang mga alon na lamang ang lumuha. Mayo 20, 2009

Nang Yakapin Ng Agos Ang Huling Halakhak
( Ni Alunsina kay Tungkung Langit))

Sakiliting sigwa’y mulagat ang tubig
At gustong habulin ang hanging mabilis
Na sa kalmang pusod ng pananahimik
Ay di nagkundangan sa yuming pag-idlip
At ang kapusura’y humalakhak pilit.

Pagdaka’y bumangong tumiyad ang sikad,
Pulutong lutrinang hilerang umindak
At likaw umusad na animo’y ahas—
Ang rumolyong gulong lumikha ng humbak
Upang maglalayag ay kagyat magulat.

Habang ang kilapsaw aranyang naghandog
Ng hiram na sinag sa buwang mabilog
Upang mapagmasdan kauling may lungkot
Ang huling halakhak na yakap ng agos.

Sa Cubierta
(Paglalakbay Ni Jose Rizal Sa Lawa Ng Laguna)

“Sa dakong kaliwa ng inyong paningin,
Mamamasid ninyo ang pulo ng Talim
Na napuputungan ng magandang bundok
Ng Susong Dalagang  napapakatayog.”

Ang Maninibulos ay tikin nang tikin
At namamasigan sa lawa ang batel,
Nakatingin lamang si Simoun sa agos
Na hindi nasawan sa banta ng unos.

Nang biglang nalaglag isang paang sapin
Ng batang naglakbay. Umusal ng hiling—
Sabay sa paghagis ng sapin sa laot.
“Nawa ay magsabay na kayo’y mapulot.”

Dumaong ang batel lahat ay nanimdim
Nang tingga’y bumuga sa putok ng baril.

Hulyo 16, 2009
Sa Dunggot ng Pulo ng Talim
Lawa ng Laguna


Responses

  1. napadaan lang ho sa matulain ninyong tahanan.🙂


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: