Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hunyo 2, 2010

Titig Sa Tubig

 

Masakit sa balat ang tudla ng araw

Na nagpapakislap sa lawang malinaw,

Waring naghahamong makipagtitigan

Kung sino sa amin ang makatatagal

Kumisap ang mata’y siya ang talunan.

(Manalo kaya akong ‘sang hinamit lamang?)

Nakasisilaw din ang baldig na pilak

Sa kuluting anlog na  nais tumiyad,

Waring merong gusing sa umaga’y bukas

Na ang makakita ay hinihikayat

Na ito’y sisirin sa pusod ng dagat.

Nakasisilaw din ang bulang nilikha

Ng isang armadang naglayag sa lawa,

May tudyong gilawgaw ang kumpulang bula

Na waring ang sabi’y: “Sumunod ka bangka

At iyong itala aking pagkawala.”

Nakasisilaw din kutis ng Regatong

Halos araw-araw sa wawa’y lumusong

At bilad paglako sa magha-maghapon,

Upang makapukaw sa dating linggatong

Na lipos namahay at kinimkim noon.

Higit pagkasilaw sa matang nakitang

Hagdang pumapatak ang perlas sa mata,

Nitong kawang isdang bahura’y sira na;

Kaya walang dunggot, gaong at kuwengkang

P’wedeng paniraha’t pagaspasan nila.

Ganyan nasisilaw ang aking paningin,

Parang binubulag kimkim na panimdim

Sa laot at wawa ng pulo ng Talim;

Sa lawang Lagunang tuwing takipsilim

Ay tinatanaw ko limot na sagimsim

Noong ako’y musmos at mapangarapin.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: