Ipinaskil ni: Raul Funilas | Abril 27, 2010

Sa Bintana ng Bangka sa Lawa ng Laguna

                                         

Maraming tanawing dito’y makikita,

Kapagka ang bangka’y pumasa-apupa

Sa pusod ng laot matang makikita;

Kabigha-bighaning tanawing kayganda.

Nariyan ang liling nanggaling sa Lumbang,

Pagimbol-gimbol pang ito’y sumasayaw;

Ang gulong ng along waring kumakaway

Sa buhanging puti sa dalampasigan.

Merong mangingisdang sagwang humahagok,

Habol ang pag-igpaw ng isdang mabilog;

Kaygandang silipin ang umiimbulog

Na puting kanaway sa banig ng laot.

Sa dako ng proa ay maaaninag

Ang tarundong lunday hilerang maglayag,

Sakay-mangingisdang tingala ang ulap;

Tinatarol nila ang sigwang habagat.

Sa bastagang baklad may tigmamanukin,

Abang yaong isdang kanyang dadagitin;

At ang tagong k’weba sa pulo ng Talim 

May nangag-iihaw dalag at ayungin.

Sa pantalan nama’y batang naglalaro,

Mga hubu’t hubad kitang naliligo;

Bubot na pangarap dito mabubuo

Sa pasirkong lundag hindi maglalaho.

Ang kuluting alon patiyad lumapit,

Pilit sumasampa sa katig at dahit;

Waring inaalam at nais masilip

Ang lulan ng bangkang dumilat pumikit.

Ang higit kaygandang kanlurang palubog,

Dugong bumalatay sa utong ng bundok;

Tila nagyayaya ng halinang antok

Palutrina namang sumikal ang agos.

Ganyan ko malasin ang bintanang lawa

Ng aming magandang pulong pinagpala,

Sa baing Lagunang tambak ang biyaya—

Na likha ng ating Poong Nagpapala.

Sitio Naglangin, Lambac, Cardona, Rizal

Pulo ng Talim

Lawa ng Laguna


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: