Ipinaskil ni: Raul Funilas | Marso 17, 2010

Kasama Kong Manghuli Ng Pamituin Si Ka Blas Ople

 

Matagal ko na sanang isinulat ang kuwentong ito ngunit palaging walang pagkakataon kung hindi ko pa nakita ang isang kulay asul at puting letrang nakita ko habang papunta ako sa Kapitolyo ng Bulakan upang kunin ang tseke ko bilang kabayaran sa nililok kong rebulto ng Pambansang Alagad ng Sining sa Literaturang si Virgilio S. Almario na nakadisplay sa Mataas na Paaralan ng bayang San Miguel Bulakan.

OPLE For Senator. Iyang letrang iyan ang namalas ng aking mata sa mga barandilya at poste ng mahabang kalsada patungong Kapitolyo sa Malolos Bulakan. Nagulat nga ako, alam ko kasing matagal nang namayapa ang aking kilalang ka Blas Ople. Naisip ko, siguro ito iyong Susan na anak ni ka Blas na nakilala ko noong masigabo pa akong naglilingkod sa isang Senadorang naging Pangulo ngayon ng bansa.

Hindi ako nagkamali nang itanong ko sa isang kalapit kong alam kong taga Bulakan. Paano ba namang malilimutan ang isang Blas Ople na naging Kalihim ng Paggawa, Foreign Affairs, at naging Senador. Anak daw ni ka Blas Ople ang tatakbong senador.

Alanganin ang edad ko noong maraming pamituin sa lawa ng Laguna, nasa pagitan ng taung 1966- 67 marahil noon, nasa Naglumbang kami at nagsisibak ng kahoy, nag-uuling, at nangingisda. Isang umagang tudla na sa noo ang taas ng araw,may isang sumasalibsib na bangkang de motor sa laot ng Nagsadya at ang lugar ng aming kubo sa dalampasigan ng Naglumbang ang tinutumbok. Nang maka-atraka ang bangka sa punduhan ay may bumabang isang lalakeng matalbag ang katawan, may dalang riple at nakasombrerong medyo malapad, balisaksakin ang ilong at malaman ang pisngi. Ako ang napagtanungan kung saan daw maraming bakaw at pamituin, itinuro ko ang gawing laot at ang lugar ng Bahay Buwaya sabay tighim ni ama. Nagmagandang araw ang lalake at tinungo ang kinaroroonan ng aking ama, nagkamay sila at niyaya ni ama sa aming kubakob ang panauhin naming lalake. Bago umahon ang lalake ay nagbilin siya sa makinista ng bangkang kaniyang sinakyan na balikan na lamang siya bago lumubog
ang araw.

May mga dalang pagkain ang lalake at inilabas upang sa amin ay ialok, masasarap ang dala niyang pagkain dahil noon lamang namin natikman ang ganoong kasarap na pagkain. Nang kami’y makakain, inatasan ako ni amang samahan ko daw si ka Blas at ibunsod ko ang aming lunday. Sanay sa bangka si ka Blas at panay ang tanong niya sa akin, ilang taon na ako, nag-aaral daw ba ako, ano daw bang pangarap ko paglaki at kung anu-ano pang di ko na maintindihan dahil sabik ang aking mga mata sa dala niyang baril na ang bala ay mga kulay pula. Iyon da ang baril na de sabog. Ginaygay namin ang patuto ng mga baklad at nagugulantang ako kapag sumisigalpot nang putok ang kaniyang de sabog. Nang siguro’y mga mahigit sampu na ang aming napipitas na bakaw sa patuto ng baklad ay nagtanong muli siya na kung saan daw may pamituin.

Mahirap ‘ikakong hulihin ang pamituin dahil sa kanilang kailapan, paano raw ba niyang mababaril ang mga ito kung sakaling may makita kami. Sabi ko sa kaniya’y hindi po kailangan ang baril sa paghuli ng pamituin, napapa-ungol siyang parang di makapaniwala sa sinasabi ko.Tinuruan ko siya sa paghuli ng pamituin at sinabing hindi kami makahuhuli ngayon dahil kailangan ng mahabang oras paghumuhuli ng pamituin. Kamay lang ‘kako ang ipinanghuhuli ko sa pamituin at isang tangkay ng papaya. Kinasabaduhan ay may mga dala ulit siyang pagkain at may dala ding maraming kendi para sa aming mag-uutol. Sabi ni ama kay ka Blas na huwag nang sumama sa akin paghuli ng pamituin subalit mapilit pa rin si ka Blas kaya nang kami’y maglakad patungong Bahay Buwaya ay pinaiwanan ni ama ang kaniyang ripple at sabi’y:“Di po kailangan ni Susoy (Bususoy ang taguri sa akin ni ama) ang de sabog.” Alam kong may pagtataka si ka Blas sa tinuran ni ama at ako naman ay may
kahambugang sinabing: “Ilan po ang gusto ninyong iuwing pamituin?” Habang bumabali ako ng isang sanga ng papaya.

Sinabihan ko si ka Blas na pag may lumilipad na pamituin sa himpapawid ay lulusong na ako sa lawa at siya naman ay magtago sa isinalansan kong mga dahong aroma sa pagitan ng dalawang malaking bato ngunit makikita niya ang kilos at pagbaba ng pamituin. Mula sa kinaroroonan kong ilalim ng lawa ay makikita ko ang kanilang mga paa at ako ay hihinga sa butas ng tangkay ng papaya kaya mapipitas kong isa-isa ang pamituin na hindi sila magkakagulo. Pitong pamituin lamang ang kaya kong pitasin dahil inilulutang ako ng kanilang mga balahibo. Nang iahon ko ang mga pamituin kong pitas ay tuwang tuwa si ka Blas at manghang mangha sa aking ginawa. Hindi raw pala kailangan ng riple pag mamimitas ng pamituin sa lawa. Napakatamis ng kaniyang ngiti habang isa-isang itinatali ang buhay na pamituin.

Mga limang beses na nagpunta sa amin si ka Blas at palaging ako ang kaniyang kasawili sa pamamaril ng ibon sa laot,dalampasigan at wawa ng lawa sa pulo ng Talim. Malaking pera na sa akin ang bigyan ako ni ka Blas ng sampu hanggang dalawampung piso.

Sa panahong tag-bagyo at sipuling amihan ay hindi pumupunta si ka Blas sa pulo ng Talim upang mamaril. Hanggang nang magtigil kami pagsisibak ng kahoy, pag-uuling at umuwi na kami sa aming sadyang nayon ng Tabon Malamig ay matagal na hindi ko nakita si ka Blas. Hanggang isang araw ay lumuwas si ama sa Maynila at nalaman ko na lamang na naipasok siya ni ka Blas ng trabaho sa Bureau of Public Works.

Ako naman ay natutong maghanap ng suwerte sa kabayanan at iniwan ang pulo at lawa hanggang sa ako’y nawalan na ng balita sa aking pamilya. Nagpakalayo ako hanggang sa malayong Dadiangas kung saan napasama ako sa lahi at grupo ni Adan delas Alas. At nang hindi matagalan ang paglalagalag ay umuwing muli sa pulo at lawa.Sandali lamang si ama sa Maynila dahil hindi niya maiwan-iwan ang lawa at pamilya. At nang ako’y maglabingwalong taon ay ako naman ang ipinasok ni ama kay ka Blas sa Public Works, sa Pier 2 ako nadestino at ang ginagawa ko ay naglalagare ng mga kadenang may nakaangklang goma sa tagiliran ng daungan. Ang pangalan kong gamit noon ay Raul De Lunas dahil nagkamali daw iyong General Foreman ng pagpapalista sa apelyido ko kaya nagtrabaho akong De Lunas ang gamit na apelyido.

Nang maging Kalihim si ka Blas ng Paggawa at nagging Senador ay nakahiyaan ko nang lumapit sa kaniya dahil nabubuhay naman ako sa sariling pagsisikap at nang mamatay si ama ay pumagkit din sa isip kong lapitan si ka Blas upang ipabatid sa kaniyang namayapa na ang kaibigan niya sa pulo ng Talim ngunit lagi at laging kimi ang aking mga paa upang humakbang patungo kay ka Blas na alam kong tutulong at tutulong sa amin. At nang si ka Blas naman ang namayapa ay isang dasal ang aking ipinabaon sa kaniya, isang ngiti at pagbabalintataw sa mga ngiti niya noong pinipitas ko at itinatali niya ang paborito niyang pamituin.

Ito’y isang alaala na lamang sa isang dakilang Bulakenyo at iginagalang na Senador ng bansang Pilipinas, si Ka Blas Ople ang Mangangaso sa pulo ng Talim at lawa ng Laguna. Marso 17, 2010 Kapitolyo ng Malolos Bulakan

Pamituin- wild duck


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: