Ipinaskil ni: Raul Funilas | Setyembre 11, 2009

Guhit Ng Bayag

Kaysarap namnamin nagdaang panahon.
Kapag naririnig dupikal ng hapon,
Nangag-uunahang ito’y masalubong
Sa agiwing altar palad ititikom;
Upang iparating ang hiling na bulong
Sa antigong garing na mahal na Poon.

Bubot-manawari paglaki ng bulas,
Ako’y makasumpong ng guhit ng bayag;
Sa sinat ng hirap ay makahihibas—
Maalis sa lunas ng pagdarahulap.
Ganyan isinubi ang iglap-pangarap
Noong ang bagwis ko’y nagbalak umigkas.

Nalagtas ang dahon waring di napansin,
Kinandong ng lupa’t sinuro ng hangin;
Hindi namalayang lawa’y tumatabsing
Nabaon sa limot ang guhit kong hiling
At ang sinagupa’y karukhaang piling
Na hindi man lamang lutangang laginlin.

Ganyan ko nakitang tumanda si ama,
Hindi napupudpod ang sinasalungang
Hinagpis at lumbay laksang pagdurusa;
Kaya naglagalag ang kalyuhing paa
At aking hinanap guhit ng lumina
Upang mapakinang bayag ng pag-asa.

Mahabang sandali ang aking ginastos,
Naroong mangigkig sa hapdi at kirot
Ang tiyang maukdo’t lipas nitong antok.
Hanggang isang gabi’y mayroong natisod
Na kumpulang pikat at basang alabok,
Matamang minasid at t’yagang nililok.

Doon nagsimulang hiling ay makamit,
Walang salang oras pag-inom ng tubig;
Bagawbaw ang plato nitong panaginip
Ang ibang nakalos ay itinatahip
Sa di makasumpong ng unan at banig.
Laking pasalamat sa labit na guhit.

Bawat umaamot sa palabigasa’y

Hindi nabibigo’t meron pang pang-ulam,

Ngunit pasubali’y huwag  kalimutang

Tumawag nang taos sa Poong Maykapal

At guhit ng bayag ay laging dumantay;

Ganyan ko nahimok ilap-kapalaran.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: