Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 31, 2009

Kuta Ni Tata

Kuta

Halika na Paraluman sa kuta kong binalangkas,
Itinayo nang palihim sa lungki’t k’wengkang madawag;
Kogon lamang at palipod pumasok kang buong ingat
Dahil ito’y marupok pa’t baka ikaw ay masilat.

Dati akong  tagalungsod na ang hanap ay tahimik,
Isang buhay na payapa at malamig na paligid;
At dito ko natagpuan sa baranggay mong maliblib
Palagay ko’y ang hininga’y dito na rin mapapatid.

Katalik  ay alaala’t kayakap ko’y mga hangin,
Sa tudla ng silangana’y naliligo itong aliw;
Kapiling ko’y mga ibong dumadayaw ng awitin
Kalaro ko’y mga isdang sumisisid ng malalim.

Alingawngaw ng batingaw ang hudyat ng dapithapon,
Ito’y tunog panalangin sa pagdatal ng orasyon;
Lawiswis ng kawayanang sa kuta ko’y lumalambong
May himig din ng awiting kumakaway sa maghapon.

Sa bintana ng kuta ko’y natatanaw yaong ulap,
Sa wari ko’y may kundimang gusto itong ipahayag;
Na ang tubig na kinandong  nahihirapan pagbuhat
Kaya kanyang ibubuhos sa batisang  parang igat.

Sa paglipas nitong gabi nagkalat ang libong bitwin,
Ulila kong pag-iisa’y inaalis ang panimdim;
Sa ilaw na mahiwaga na sa langit ay tanawin
Sa diwa ko’y nagigising  nakaraang nahihimbing.

At ang buwang nag-iingat ng dusa ko’t kasawian,
Nagsasabog sa kuta ko ng sanlaksang bulalakaw;
Ito rin ang nagsasabi sa gunitang nakahimlay
Ng gilawgaw na pagliyag  sa ‘yo aking Paraluman.

Ang anas kong pagdarasal  humahagdan na palangit,
Harinawa ay tanglawan  ng nagkumpol na Pliyades;
Sa atin ay maghuhudyat upang ating pananabik
Sa kuta kong binalangkas doon tayo magniniig.

Umasa ka Paraluman sa pagbubukangliwayway,
Ang mundo mo’y magbabagong walang lungkot, walang lumbay;
Sa kuta kong binalangkas anak nati’y isisilang
Upang sa ating pagtanda sila’y maging kaagapay.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: