Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hunyo 29, 2009

Tudyo Ni Abueva

W ABUEVATudyo ni Abueva

Mag-iisang taon na pala itong ginawa kong anekdota para kay National Artist Napoleon V. Abueva, nakita ko lamang sa file ng kompyuter kaya na ipost ko na rin.

Enero 15, 2007, pumunta ako sa birthday ng pakner kong si PJ Alix at nakipagbirthday ako sa kaniya sa Pook Ricarte Zone C at kumain ako ng hapunan kasama namin ang mga tropang Kolokoy ng UP Law Center, kantahan, kuwentuhan at nang medyo alas siete na ng gabi ay nagpaalam na ako at tumuloy ako sa UP Shopping Center upang mag ATM sa bangko. Nang pumarada ang scooter ko ay nakita ko si National Artist Napoleon “Billy” V. Abueva at ako’y binati at tinanong kung naggagawa pa ako ng eskultura. Tinanong ko siya kung may ipagagawa ulit at sabi’y magpunta ako sa kaniyang studio sa Tandang Sora sa may Proffessor Village kinabukasan at may ipagagawa siyang Lady of Justice.

Alas onse ng umaga kinabukasan ay nagpunta ako sa kanila at may ipinakita sa aking larawan ng isang babaeng may tangang talaro at espada, iyon daw ang gagawin ko sa material na kahoy. Humingi ako ng down payment at binigyan ako ng isang libong piso na panggasolina daw at siya na rin ang nagpresyo kung magkano ang labor at materyales. Nagkasundo kami sa baratang 18 thousand pesos at” para daw sa bayan” halos panabay kaming umalis ng shopping center dahil may pupuntahan pa daw siya.

Kinahapuna’y nagpunta ako sa Taytay Rizal sa aking bayaw at kumuha ng kahoy upang gawin ang ipinagagawa ni ser Abueva. Dalawang linggo kong ginawa ang Babaeng Hustisya at tatlong beses na dinalaw ni Abueva ang ginagawa ko at nakabale ako ng tatlong libong piso. Nang matapos na ang babae ay nagsulat siya ng kaniyang pangalan sa papel at ipinalagay sa akin ang kaniyang lagda sa eskultura kong ginawa. “Abueva 07” sa gawing kanang bahagi ng palda. Kukunin daw niya pag natapos na lihahin ang mga nilagyan ng epoxy na may mga putok at dugtungan..

Mga isang buwan ang lumipas ay hindi nakipagkita sa akin si Ser Billy, pinupuntahan ko siya sa studio niya ngunit laging hindi ko abutan, at nang minsang matiyempuhan ko siya at ipinakukuha ko na ang eskultura na sabi ko’y kailangan ko na ang pera total kako ay tapos na halos ang ipinagawa niya. Kumamot lamang siya sa ulo at sabi’y saka na raw at wala pa siyang pera. Sinabihan ko siyang ganyan ka na naman ser, di ba ‘kako iyong project natin sa Balanggiga Masaker na ginawa ko noong 2003 ay isang taon ninyo akong hindi sinipot nang matapos ko at ibigay sa inyo ang mga sundalo.(Ang hindi niya alam ay naitago ko ang isang sundalong may hawak na baril na siyang tumingala sa kampana ng simbahan ng Balanggiga nang kunin nila ng trak sa bahay ang walong rebulto noong maiuwi galing sa Samar at pinasinayaan kahit hindi pa tapos.) Muli, umuwi akong walang nakuhang pera. Abril ay inoperahan ako sa puwit dahil may lumabas na pigsa sa loob ng puwit ko, sinubok kong tawagan upang singilin at ipakuha ang rebulto ng babae ngunit hindi ko na siya makontak hanggang sa maoperahan ako ng tatlong beses pa sa National Kidney Institute.

Nang gumaling-galing ako ay pinuntahan ko siyangt muli at tulad ng dati wala akong nakuha, ang naging katwiran ko na lamang ay nasa akin naman ang eskultura at may naibigay naman siyang pera kahit kaunti, okey lang. may pirma pa niya. Itinago ko na lamang ang eskulturang ipinagawa niya sa bahay. Hanggang

bawat pagkikita naming ni ser Billy ay laging parang limot na ang aming ginawang Lady of Justice. Minsan, muling nagtagpo ang aming landas sa Cultural Center of the Philippines, may isang book launching siyang dinaluhan at ako naman ay nakasama sa Chromatex Reload na kung saan ay nag display ako ng isang eskulturang babaeng nanganganak na nasa ataul kasama siya na ang naidisplay niya ay sina Jose Rizal at Josephine Barkley na nagtatalik na yari sa kahoy at nagperform kaming dalawa ni ser Vim Nadera. Muli, wala lang. nagpakuha pa kaming dalawa ng litrato at binulungan akong may ipagagawang muli sa akin. Nginitian ko siya.

Hanggang sa magtayo ako ng sariling munting galeriya, iyong hindi rin niya kinuhang sundalo ng Balanggiga Masaker na ginawa ko noong taong 2003 na siya ang gumawa ng resin na ulo ay idinisplay ko kasama ang Lady of Justice. Inimbitahan ko siyang dumalo sa soft opening ng aking galeriya noong April 20, 2008 sabi niya ay may naka-schedule siyang puntahan ng oras na iyon kaya hindi raw siya makararating. Balak ko sanang ipakita sa kaniya ang mga gawa naming may pirma siya at makita niya ang itinago kong Balanggiga Masaker na sabi ko sa kaniya noong 2003 ay nawala at ninakaw.

At noong Hunyo 10, 2008 ay nagkita kami ni ser Abueva sa Administration Bldg. ng UP at niyaya kong magmeryenda sa galeri ko’y pina-unlakan niya ako at nang makarating kami sa galeriya ay ipinagtapat ko na na hindi ninakaw ang Balanggiga Statue kundi itinago ko lamang dahil hindiya kinumpleto ang bayad sa akin. Natawa siya at tatango-tango lamang sabay sabing: malaking pera na iyan ngayon. At nang makita niya ang Lady of Justice na may pirma niya ay hinagod niya ito at sabay sabing: “Lugi ako dito a!” sabay tawa at kumamot sa ulo. Sabi ko naman ay kuhain na niya at kailangan ko ng pera. Sa akin na lang daw at ibenta ko na lamang sa magaling na abogado.

Kahapon, nagkita kami ni Jun Vicaldo sa Robinson Cainta Rizal, dating kasama ko kay Abueva noong ginawa namin ang mga eskultura ng 6th Asean Square Sculpture Symposium noong 1989 kung saan si Ser Billy ang over-all na namahalang eskultor. Si Jun ang taga-gawa ng model ni Abueva at naikuwento ko sa kaniya ang mga ginawa sa akin ni Ser Billy, iyong sa Balanggiga, iyong sa Lady of Justice, iyong mga katatawanan naming naranasan habang na kay Abueva kami noong 70’s hanggang 80’s at iyong kami ay magkasama ni kuya Joven Escuadro na pina-ikot-ikot kami hanggang sa Maynila. iyon din pala ang ginawa sa kaniya, pare-parehas daw kaming nakatikim ng “tudyo” ni Kulot tawag naming ke ser Abueva. Sabi pa ni Jun na pag namatay daw si ser Billy at saka namin ilabas ang mga ginawa naming may lagda niya at tiyak na malaking pera iyon. Natawa lamang ako at sumang-ayon sa sinabi niya.

Isang araw , nagulat ako nang mabalitaan kong naistrok si Ser Billy at nasa St. Luke’s Hospital, dinalaw naming siya kasama ko sina Junv at mga tropang dating katrabaho kay ser Billy Abueva. Naawa ako sa kaniyang kalagayan. Huli kong nasabi sa kaniya’y: Pagaling kayo ser at marami pa tayong gagawin para sa bayan.

Mga tudyo ni Abueva

Eksena: Studio sa may Vargas Museum noong ginagawa naming ang eskultura ng Brunei para sa 6th Asean Square Sculpture Symposium 1989.

Abueva: Pong, Raul, baba nga kayo dito sa ibaba at nawawala ang salamin ko sa mata!

Baba naman kami ni Pong mula sa 25 feet na kinaroronan naming sa eskultura ng Brunei at hinanap naming ang kaniyang salamin sa mata sa lahat nang sulok ng studio sa may likod ng Vargas Museum. Naka-ilang minuto rin kaming tatlo sa paghahanap ng salamin niya nang mapansin kong suot pala niya ang salamin…

Tata: Ser, ayan ang salamin mo sa mata mo.

Abueva: Sige, sige balik na doon sa itaas at ituloy ang trabaho.

Eksena: Nang ia-unveil ang mga ginawang eskultura ng 6th ASEAN

Nasa studio kami sa likod ng Vargas. Apurahan si ser Billy sa pag-alis para mag-unveiling sa Cultural Center nang Makita kong hindi magkapaa ang suot niyang sapatos.

Tata: Ser hindi magkakulay ang sapatos ninyo, isang brown at isang black.

Abueva: Ha! Sabay kamot sa ulo. (Kumuha ng putik at ikinulapol sa kulay brown na sapatos at ayun takbo na kami papuntang Cultural Center. Hindi naman nahalata ang sapatos dahil alam ng tao na ganun talaga ang mga artist.

Eksena: Sa studio sa may Pook Amorsolo iyong kauna-unahang studio ni Abueva sa UP na giniba ng UP dahil sa patakaran.

Naniningil kami ni kuya Joven Escuadro ng halagang 8 thosand pesos na kulang niya sa ginawa naming mural sa Commission on Audit .

Kuya Joven: Ser, kunin ko na yung kulang mo.

Abueva: Sunod kayo sa akin. (Camarong kulay pula ang dala niyang kotse) ang dala namin ay Lancer na L type ni kuya Joven. Humarurot bigla si Abueva papuntang Philcoa, sunod kami, hanggang Q av, sunod kami, hanggang Calavite sa litsunan ng baboy sa La Loma, sunod kami, sa may City Hall ng Maynila, sunod kami, ayaw huminto pag oovertake kami hanggang maubusan kami ng gasolina ni kuya Joven. Akoang nahirapan dahil ako ang naghanap ng gasolinahan upang maka-uwi kami.

Kinabukasan:

Abueva: O, hindi kayo nakasunod sa akin kahapon? Mabagal pala ang Lancer mo. Nakangiti si kuya Joven habang nagbibilang ng pera si Abueva na pambayad sa amin ni kuya Joven.

Hunyo 30, 2008 Raul Funilas

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga kategorya

%d bloggers like this: