Ipinaskil ni: Raul Funilas | Mayo 19, 2009

Luha Ng Alon

Alanganing lahat ang daigdig kong ginagalawan noon, malabnaw pa ang sabaw na bumabatis sa puklo ng aking kiwal na ilog, marami pang katanungang umuukilkil sa aking diwang minsa’y ikinapipikit at ikinatutuwa ng mga mata at loob ni ama. Minsan, itinanong ko sa kaniya ang paggalaw ng tubig upang maging isang gumugulong at karaka’y nagtutumiyad na alon. Hinipan niya ang aking dalawang mata’t hindi ako nakailag sanhi upang pumikit at umalon ang talukap ng aking mga mata. Lahat nang kilos at winiwika ni ama’y aking kinalulugdan.

Marami akong natutuhang bagay-bagay na alam kong hindi nabubuklat sa apat na sulok na pahina ng akademya. Halos ang katanungan ko hinggil sa mga laman ng lawa ay isang makapal na librong binubuklat niya sa kaniyang mga labi na may tagong mga ngiti.

Maging ang katanungan ko hinggil sa himpapawid ay isa-isa niyang hinuhugot ang buntunghininga at ilalabas niyang parang isang ulap na may kandong na samut-saring hanging umaampiyas ang bubog at bula ng katotohanan. Kaya niyang hulaan ang oras sa pamamagitan ng kiling o puwesto ng mga bituin, kaya niyang sabihing may darating na sigwada sa pagtingin sa dagim ng kalawakan at kaya niyang magtantos kung magiging taghirap o tag-igi ang darating na mga buwan ayon sa pagkakak ng di niya pinangalanang ibon. Kaya naman puspos kong kinilala at tinandaan ang mga inaanas niyang mahihinang bulong kapag ako’y nakikita niyang lumuluha. “Huwag kang iiyak anak, hayaan mong ang mga alon na lamang ang lumuha.”

Nang lumakad ang araw, buwan at ang taon ay hindi ko namalayang isa na pala ako sa mga pinagkukuhaan ng mga naninigil sa lungki at dalampasigan ng pulo kung may pangitain akong nakikita sa araw at gabi ng kanilang pamamalakaya na lipos nilang hinahangaang hindi nagbibisala ang mga tarol ng aking may koronang salita. Hindi mabilang sa daliri ang mga gaid at gaot na binigyang lunas at sa pingkian ng alimuom ng pagtatalo’y ang diklap ng liyab ang ipinakakalong sa kanila upang siyang gawing tanglaw sa landas ng ipagkakasundo.

Minsan, dinag-as ako ng isang kamag-anak upang sabihing pumanaw na si ama. Maraming nakiramay sa aming pangungulila, higit akong nagdalamhati sa dahilang maraming taon ang ginugol ko sa ibang lugar na di siya kasama ngunit pinangingiti ako ng mga alaalang iniwan niya sa akin, mga alaalang kami lamang ni ama ang nagkakaintindihan sa pamamagitan lamang ng galaw ng aming mga mata.

Ang huli kong titig sa kaniyang mukha ay may kahalong panalangin, hindi ako lumuha at hindi ko ikinurap ang aking dalawang mata kahit na ang sari-saring hangin ay bumabalag at bumabaldig sa aking mukha, nais kong kahit sa huling sandali ay tumindig ang aking sariling hindi matitinag ng kahit anong hangin ang aking pangungulila. At higit sa lahat, hahayaan kong ang mga alon na lamang ang lumuha.

Sa susunod na buwan ay kaarawan ni ama, ipagtutundos kong muli siya ng isang kandila sa pusod ng laot kung saan ay muli kong hihilingin sa alon na: “Kayo na lamang ang lumuha!” Mayo 20, 2009

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: