Ipinaskil ni: Raul Funilas | Abril 13, 2009

Kaming Magsasaka

Kami’y mga magsasakang ang lupa ang binubungkal,
Ang pawis ay laksang patak sa dibdib ay bumubukal;
Ang lakas ay nanggagaling sa bisig na nangangalay
Sa paghawak ng ararong minana pa sa magulang.
Ngiti namin sa umaga’y gumigising nang marangal,
Ang pagkai’y kinakadlo sa apoy ng aming dulang;
Nilalagok ang inuming dalisay ang pagkalinaw
Na nanggaling pa sa balong utak namin ang humukay
Ang gabay pagpuntang bukid ay ang aming kalakian,
Inspirasyo’y mga supling na lipos na minamahal.
Pagsapit ng dapithapon isipa’y may katanungan,
Bakit hindi maka-usad itong aming pamumuhay
Gayong kami’y masisikap, masisipag na maglinang
Ng bukiring siyang langit nitong ating mamamayan?
Bakit kaya? Bakit kaya ganito ang kapalaran?
Laging dusa’t pagkahapis parang sumpang tinataglay
Ang kumapal itong sakong at maglipak itong kamay
Gayong kami ang s’yang dahil kung bakit naglulungtian
Ang bukiring siyang tanging bumubukal nitong buhay.
Saan kami paroroon? Saan kami nangagkulang
Upang kami’y maka-usad nang bahagyang pamumuhay?
Saan kami paroroon o, Diyos na minamahal?
Kami ba’y ipinanganak na sadyang ang kapalara’y
Lapastanganin ng ilang sa lupa ay nangangamkam
Upang kami ay umahon sa laot ng kabunduka’t
Maglabit ng tanging lunas sa tindi ng pagkalumbay?
Kami ba ay sadyang laang ang sandata ay tanganan
Upang aming ipaglaban ang prinsipyo tanging dangal?

Abril 13, 2009
UP-Diliman


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: