Ipinaskil ni: Raul Funilas | Marso 26, 2009

Pagsusubo sa Isinubo

Lagareng Hapon lagi ang buhay ko, paru’t parine sa mga lugar na dapat kong puntahan kaya naman lagi kong akibat ang pinaka-iingatan kong Ulikbangon. Subok ko na ang aklab ng bisa nito.

Isang linggong sakto na ang nagdaan (Marso 18, 2009) mulang mabundol ako ng rumaragasang dyipni sa kahabaan ng DMMA o Komonwelt sa Matandang Balara. Mahaba-haba ang tinilapunan ng aking katawan kasama ang aking Honda motorcycle, alam kong nabangga ako kaya nang itapon ako ng impact ay pilit kong kinontrol ang kabigatan ng motor ngunit sadyang disgrasya, umilalim ang kaliwa kong paa hanggang hita at ginawang preno ang kaliwa kong siko sabay tama ng manibela sa aking kanang dibdib. Bago ako mawalan ng ulirat ay nakita ko ang parating na isang bus na ako ang sinusuyod hanggang nahawakan ko ang kahita ng aking Ulikbangon at iyon lang at wala na akong matamurawang alaala.

Nagising akong nasa isang dyip kasama ang motor ko, dinala pala ako sa ospital (Malvar General Hospital) ng mga taong nagmalasakit at nakakita sa pangyayari. Inapuhap ko ang celfon ko at pilit kong tinawagan ang mga mahal ko sa buhay, una kong nakontak ang isang kaibigang alam kong malapit sa lugar ng aksidente at ang pangalawa’y ang aking mga anak. Narinig ko ang mga anasan ng mga kasakay ko sa dyip, akala daw nila ay patay na ako ng maalaala ko ang aking Ulikbangon, napangiti ako at nagpasalamat, muli na naman akong binuhay ng aking “alaga.”

Dumating ang matalik kong kaibigan kabuntot ang anak ko na may kasamang mga imbestigador hanggang sumapit kami sa usapang sasagutin na lamang lahat nang nakabundol sa akin ang gastos sa ospital na kinasadlakan ko.

Ngunit isang linggo na ang lumipas ay narito pa rin ang kirot sa kanan kong dibdib ang sakit nang tumamang manibela. Pag-ubo at paghigit nang hininga’y tila may mapupunit sa loob ng aking katawan, masakit talaga. Nabanggit pa ng mga anak ko na noong oras na ako’y mabundol ay kasalukuyan nilang tinatabas ang aking itinanim na sampalok sa aming bakuran kung saan ay may himala ding dulot sa aking pagkatao. Tuwinang pinupulak ang mga sanga at ito’y sinusugatan ay himalang dumadampi rin sa akin ang sakit na natitikman ng punong sampalok. Alam nilang may buhay din akong nakatago ng lihim sa lilim ng punong sampalok. (Sabi ni tatay ay inilipat daw sa akin ni lelong Oyong na kapatid ng lelong kong tunay noong ako’y maliit pa ang asim at tamis ng birtud ng sampalok na hawak nito.)

Kaninang umaga, muli kong binuksan ang kahita ng aking Ulikbangon. Napagmasdan kong mga payat na ito at dapat nang pakainin, kumislap sa aking diwa na malapit na nga pala ang Mahal na Araw na siyang panahon ng pagpapakain ng orasyon sa aking Ulikbangon. Alam ko, iilan na lamang ang pinanghahawakang buhay ng aking pinaka-iingatang Ulikbangon at mawawalan na ito ng bisa sa sandaling sumapit ang aking ikasiyam na buhay.

Kaya sa darating na Biyernes Santo, katulad ng ginawa ko noong nakaraang dalawang Biyernes Santo, (sa bayan ng Angono ko tinesting ang aking Ulikbangon kung saan kinuhaan pa ng video sa studio ni Rommel Wire Tuazon ang pagpapakain ng orasyon sa aking “alaga.”) Papakainin kong muli ang akin”alaga” sa aking itinatayong Kuta ni Tata Arts Center na nasa pulo ng Talim sa sityo Tabon Mainit, Bgy. Tabon Malamig, Binangonan, Rizal at imbitado kayo upang saksihan ang hiwaga ng Ulikbangon sa aking buhay. Marso 27, 2009


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: