Ipinaskil ni: Raul Funilas | Marso 18, 2009

Ilang Sawi(kain)

Kayraming habilin lipas-nakaraan

Sa bao ng isip ay nangagsalisaw,

Daliri ng paa’t sa ‘king mga kamay;

Hindi magkasiya’t malaki ang kulang.

Himagas na wika’y may koronang putong:

“Ang mahabang baro’y dapat na maputol,

Kung maikli naman dapat na magdugtong.”

Mga sawikain ng aming kahapon.

Mga kawikaang dapat na bigkisin—

Tulad pag nagluto ay dapat alamin;

Kung may nakahandang panahog na asin

At kung wala nama’y sa luha magdildil.

H’wag daw hahasain ang purol ng dila

Sa ganyak salita’t pangahas na wika,

Dahil pag lumigwak at hindi nagawa;

Sa Diyos at tao ay kahiya-hiya.

H’wag ding hahamakin ang isang basahan,

Dahil may panahong ito’y kailangan;

Kumbaga ay isang masamang tinapay

Lahat kinakain kung magkaibigan.

Sapagkat ang isip ay hawig sa itak,

Hasa ka nang hasa’y lipos tumatalas;

Ngunit tandaan ding kahit anong talas

May batong katapat na sobra sa tigas.

Merong umiiwas masugba sa baga,

Ngunit sa maalab na apoy napunta.

Parang pag-iiwas sa isang sakuna,

Napaghahandaan ito nang maaga.

Kung kayo ay dukha subalit kaytamis,

Langit, lupa, dagat ay inyong kapatid;

At sa buong mundo ay walang kagalit

Apoy mang hawaka’y wala itong init.

Maging batong-buhay na sakdal ng tigas,

Kahit anong lakas ay hindi mabasag;

Subukan ang ulan na tila alamat—

Sa tikatik-amp’yas pilit naagnas.

Hawig sa naglako ng isang panindang

Labis pagkatabang may pait pang dala,

Ngunit kung matamis kanyang pag-anyaya’y

Sinong di titikim sa pusturang ganda.

Buti pa’ng asawang ni walang paggiliw

Kaysa sa asawang mapanibughuin,

Ngunit panibugho’y lason ang kasiping

Na kapag sumobra’y patungo sa libing.

Hindi ba’t ang wika’y: Ang katotohanan,

Itago’t ilibing malalim na hukay;

Tabunan man ito ng lihim mong taglay

Pilit na lilitaw pagdating ng araw.

Iyan ay ilan lang sawikaing bigkas

Ng mga ninunong siyang nangag-ingat,

Ngayo’y masigabong aking tinutuklas;

At sa panulaa’y aking mai-ambag.

Marso 19, 2009

UP-SURP Diliman


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: