Ipinaskil ni: Raul Funilas | Marso 14, 2009

Balintataw Sa Nayong Tabon

Papunta ako sa Balitangan isang araw na umuwi ako sa nayong Tabon nang harangin ako ng gurong si Ms. Marina R. Mesa, asawa ng isang kamag-anak. “Kuya, baka naman puwedeng igawa mo kami ng tula para sa mga bata patungkol sa ating nayon ng Tabon at lalapatan namin ng musika para maging opisyal na awitin sa aming paaralan.” Kinahapunan ay iginawa ko siya ng isang tula. Heto:

Sa May Balitangan
(Sa Tabon Mainit at Tabon Malamig)

A-ng munting alamat ng mahal kong nayo’y
N-agbuhat sa isang sinaunang ibong
G-ustong kinakai’y masangsang ang amoy.
N-ayong kinalak’ha’y maraming kawayan,
A-ng lungki’t paligid puno ng halaman;
Y-aman nitong laot isdang nagsalisaw,
O,- ang nayong Tabon lipos kagandahang
N-apapakalatak ang dagsang dumalaw–
G-amundong paghanga ang nangingibabaw.
T-alino ng bata’y likas at matuwid,
A-ng dalagaha’y tapat kung umibig;
B-inata’y masipag mabikas tumindig.
O,- mahal kong Tabong Malamig, Mainit:
N-awa’y di ka datnan ng libong ligalig.

Marso 8, 2009
Sa ibabaw ng isang batong korteng pagong
Sa gitna ng Balitangan Boulevard.
Pulo ng Talim, Lawa ng Laguna
Bgy. Tabon, Binangonan

Nagandahan siya ngunit sinabi niyang baka daw hindi maarok ng mga bata ang mga malalalim na tagalog kaya nakiusap siyang baka puwedeng pababawin ko ang mga tagalog at lumikha pa ako ng isa o dalawa pang pagpipilian sa aking tula. Heto ang nagawa kong tulang magiging opisyal na awit sa kanilang paaralan:

Batang Tabon

Di hadlang ang kahirapan
Sa matayog na pangarap,
Ang lunas ay t’yaga’t sipag
Nang makamit ang Tagumpay.

Kaming batang taga Tabon
May pangarap na umunlad,
Sisikaping maka-usad
Bago pa magdapithapon.

Pangarap ay igaod
Sa pusod ng aming laot,
Tagumpay ay ihahandog
Sa Panginoon nating Dios.

Marso 11, 2009
Sa bangka sa laot ng Tabon

Makaraan ang tatlong araw, umuwi akong muli sa aming munting nayon, hindi ko alam na muli kong makikita ang matagal ko nang ginawang busto ni Jose Rizal sa Mababang Paaralan ng Tabon.

Parehong panahon, taong 1999 ng ako’y maging panauhin sa Bgy. Tabon Elementary School upang magbigay ng mahalagang mensahe, matapos kong makapagbigay ng isang salitang naglalatag ng inspirasiyon sa mga batang mag-aaral ay nai-donate ko sa mga kaguruang namamahala ang isang busto ni Gat Jose Rizal para sa kanilang silid aklatan o kahit sa pukas na bulwagan ng paaralan na may kabuntot sa noo’y Head Teacher na si Madam Editha A. Dela Cruz na igawa nila ng “deed of donation” para may record ang nasabing busto ni Rizal.

Kahapon nga, umuwi ako sa aming maliit na baryo ng Tabon kung saan nakasakay ko ang prinsipal ng naturang paaralan na si Madam Letty Quinones, napansin ko ang kaniyang pagkamasayahin at tila siya isang taga Tabon, napag-alaman ko sa kaniyang tubong isla din siya sa Bgy. Kalubakan sa Cardona side ng pulong Talim. Kasalukuyan kong ginagawa ang aking ipinangakong tula na gagawing awiting pampaaralan sa Tabon sa bangka. Napansin kong marami siyang bitbit na pintura at ipinagmamalaki niya sa pahuldo-huldong kuwento sa mga nakasakay sa bangka ang kagandahang ginagawa ng kaniyang pinamumunuang kaguruan. Pahapyaw niyang nabanggit ang rebulto ni Rizal:

“Sino kaya ang gumawa ng rebulto ni Rizal sa eskuwelahan natin?” Narinig ko at magalang kong sinagot na ako po ang gumawa noon. “Nangungupas na kasi at kinakailangan nang pinturan pero dapat siguro, na iyong lumilok ang magpinta.”Sa ilang palitan ng kuwento ay napameryenda pa niya ako ng binatog. Matapos kong magawa ang pangalawang tula para sa paaralan ay ibinigay ko ito kay Ma’am Letty na ipinakiki-abot ko kay titser Marina.

Nagkataong may stock akong pintura sa bahay kaya kinahapunan ay pininturahan ko ang busto ni Rizal. Matapos kong pintahan ay pinapasok ako ng mga guro sa kanilang tanggapan upang magminindal. Napakaganda ng paligid ng dati kong paaralan, mula sa mga silid paaralan, kaligiran at ang di matawarang ganda ng entablado kung saan kasalukuyang pinipinturahan at nilalagyan ng drowing at mensahe ang mga dingding at endramada. Kahanga-hanga ang ginawang pagpapaganda sa aming munting paaralan sa Tabon ng mga guro sa pangunguna ng Punong Gurong si Ms. Letty Quinones.

Umuwi ako’y papalubog na ang araw at ihinabilin kong muli sa mga guro na wala pang “deed of donation” ang nasabing busto ni Rizal. Pahabol nilang ipinangakong igagawa nila ito ng “deed of donation” makaraos lamang ang kanilang naka-ambang pagtatapos sa taong 2008-2009. Marso 13, 2009

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: