Ipinaskil ni: Raul Funilas | Marso 5, 2009

Tatlong Tula ni Tata

1. Lunod Na Pangarap
(ni Irene Moreno)

Naglayag ka anak dala’y pagmamahal,
At sampu ng iyong buong katapatan;
Ang nobya mo’y tulo luhang humahagdan
May gawad pang halik ng pamamaalam.

Sakbibi ng lumbay sa laot ng dagat,
Nahihibas lamang ng laksang pangarap—
Solar at tahanang nais ibalangkas
Na pagtatangkalan ng dosenang anak.

Lumipas ang buwan hanggang isang taon,
Lakbay ng pangarap makabagong celfone;
Hanggang sa dumatal ligalig na bulong
Ang iniwang hirang iba ang may kandong.

Nang ikaw’y bumalik ang hirang ay wala.
Sayang na pangarap nilunod ng luha.

Marso 5, 2009
Bgy. Balakilong, Laurel, Batangas

2. O Manigna

Ay, nagdurusa,
Ay, nagpipita,
Ay di humihinga
Nang iluwal ka
Ng inyong ina.
Ay, nakamata,
Nakalamina,
Ay umaasa,
Sa isang umagang
Napakaganda.
Isang selosa
Pag menopos na’t
Nagiging lola’y
Naiimb’yerna.

Pebrero 27, 2009, 2009
Sa altar ng Saranggumong
Bgy. Banao, Bacacay, Albay

3. Hangin

Habagat,
Sabalas,
Amihan,
Salatan,
Salikwa,
Timugan,
Manuwid,
Buhat-araw.

Kami ang hudyat
Pagkilos ng lakas.
Usad ng ulap,
Tiyad ng dagat,
Diklap ng kidlat.

Ungot ng tulos,
Kislot ng agos,
Kilos ng unos.

Taghoy ng kahoy,
Himaton ng ibon,
Ugoy ng alon.

Alimbukay ng kabundukan,
Ingay ng bulkan,
Dayaw ng puwitan,
Dighay ng lalamunan,
Kalam ng tiyan.

Hiningang nagpita,
Masayang sigwada.

Delubyong bagyo,
Bibong ipuipo.

Uli-uli’t bahaghari.

Pebrero 28, 2009
Sa kilikili ng Bulong-hangin
Bgy. Binatagan, Ligao, Albay

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga kategorya

%d bloggers like this: