Ipinaskil ni: Raul Funilas | Marso 2, 2009

Sa Dako Pa Roon (Ang Ina Mo)

Sa dako pa roon,

Hindi ko sasabihing akong ina mo’y para sa aking sarili lamang.

Hindi anak, hindi mo pa lipos na nauunawaan ang lahat.

Huwag mong paniniwalaan at isasaloob na ako’y isang inang

Walang pag-ibig o walang muwang bilang ina

Dito sa daigdig.

Sa aking paroo’t parito sa kusina, banyo o silid tulugan;

Huwag mong sasabihing wala akong silbing ina o bilang babae

Sa isang haliparot at naglalarong mundo.

Huwag mong sasabihing ako’y isang pangitain lamang

Tulad ng isang kisapmata sa bawat sulok ng tahanan.

Huwag mo ring isiping sa iyong gunita

At isiping ako’y isang pangarap lamang

Na nakikipaglaro sa iyo.

Nang una mong imulat ang iyong dalawang mata’y

Maraming bagabag na nanigil sa aking damdamin.

Alam ko,

Wala ako sa mga gabi ng iyong pamamaluktot sa pagtulog,

Wala ako sa tabi mo upang awitan ka ng malambing na oyayi;

Sana , maunawaan mo ako bilang isang ina mo.

Akong ina mo’y di isang bunton ng salita,

Ni nagbigay liwanag sa iyong pagluwal;

Ngunit isusubi ko at igagawad ang lahat nang angkop

At pang-unawa sa kagalingan mo

Upang mabatid mong kahit kailan ay hindi kita nalimutang

Pinakamamahal na anak.

Sa dako roon,

Akong ina mo ang maghahambing sa iyo ng mga bagay-bagay

At mga pangalan sa buong paligid.

Huwag kang mabahala anak,

May pinuntahan lamang akong hindi maipagpapaliban,

Isang matinding digmaang dapat kong pagwagihan

Upang ang sariling damdaming kailangan ng katupara’y mabigyang lunas.

Labanan ng siphayo,

Kalumbayan at pagkahapo

Na dulot ng tadhanang mapagbiro.

Sa dako pa roon,

Sa panahong ikaw’y maraming pagtatanong,

Mauunawaan mo ang aking sinasabi.

Na bakit ako lumahok sa matinding digmaan?

Bakit kita iniwang batbat ng hapis?

At marami pang katanungang ikaw lamang ang makasasagot.

Sa dako pa roon,

Maglalaro din tayo;

Tayong dalawa lamang.

Hihimigan kita ng matimyas kong awit,

Iuugoy kita sa duyan ng aking pagmamahal

Hanggang ikaw’y pumikit at makatulog sa aking bisig at dibdib;

Upang ang nawala kong sandali’y idantay sa iyong katauhan.

Makikita mo,

Akong ina mo ang nagsasabing magiging ina ka rin,

Doon mo malalaman ang lahat

Na ikaw ri’y lalahok sa isang matinding digmaan

Sakaling ang anak mo’y nagtatanong ang mga biloy

Ng kanilang pang-unawa.

At sa pagsilang ng iyong magiging anak sa iyong sinapupunan,

Tatanawin mo ang dako pa roon;

Upang matutuhan ang pagiging isang tunay na ina.

Pebrero 28, 2009

Sa dako pa roon ng matayog na bulkang Mayon

sa mahabang parangan ng Ligao Albay.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: