Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 27, 2009

Mga Tula ni Tata

1. Mga Damong Makahiya At Damong Alanghiya

Mimosa Pudica ang bansag ng mga Pantas.

Andibaing sa Pangasinan,

Babain o Dilgansusu sa Ilokos

at Damohia sa Tagalog.

Dikut-malamarine sa Pampanga

at Harupai o Kirom-kirom

sa Samar-Leyte Bisaya.

Huya-huya o Tuyag-tuyag

sa Panay, Sipug-sipug

sa Subanon at Turog-turog sa Bikol.”

Ilaga ang hinugasang puno ng Damong Makahiya,

Laguking tama at baka biglang mawala ang bisa.

Ito’y mabisang gamot sa mga taong mahiyain,

At kapag sumobra ang inom, ang dapat gawin

ay uminom ng Damong Alanghiya.Pigain

nang pigain ang katas at piliting nguyain.

Dahil kung hindi, matutulad ka sa pinuno

ng bayang nakainom ng sobrang kinatas na puno

ng Damong Makahiya.Wala na pa namang tumutubo

dito sa bayan natin na Damong Alanghiya. Nakupo!

Palagay ko, nasobrahan ang mga pulitikong walang

ginawa araw gabi kundi ang ngumata nang ngumata

ng Damong Makahiya.Kaya dumami ang mga walanghiya.

Sa palagay po ninyo mga kaibigan ko at kamakata?

2. Alon

Lumilikha ng puyong uli-uli ang mahahagok

Na gaod-panunudlong ng pawisang Maninibog,

Papuntang laot ang lampitawang* tinaliptip-lumot-

At gumuguyod ang kawang taksayan** sa anlog***,

Hihip ng sabalas ang nagpatiyad sa malawak

Na dagat upang humalakhak at hitik-itikwas

Ang lutad mong moog na perlas. Ang habagat

Ang dumantay ang lakas upang makapamiglas.

Salikwaang amihan at manuwid ang nagpa-alsa

Upang humilab ang bikilang ahas at dumamba

Sa Maninibog na hindi maka-ursa sa buhos-sigwa

Ng wala sa panahon mong pag-gising sa umaga.

Humuhuni ang tayubak sa gumigimbol na tikiw,

Nagsasaraw ang buwili’t tayakaw sa loob ng samil.

Ulang- hipon sa tubig tabang

Anlog-maliliit na nagsasalubong na alon

Salikwa-paiba-ibang direksiyon ng hangin

Ursa-galaw, kilos

Tayubak-lungting ibon,tikwi

Saraw-kasayahan sa gabi

Buwili- klase ng suso

3. Mga Taon Ni Lelong

Unang taon,

Kumukunday ang kamay mong naghahangad na lumikha,

Walang putal sa pagkipil ang palad sa tuyong lupa;

Naglulubid yaong litid sa butos-brasong nagdaga

Na ang lakas ay nanggaling sa araw na bumabango’t

Nanunudla.

Taon-taong

Namalimping, kalyong sakong sa tumanang walang bukal,

Asada ay kumukuko’t ang bitak ang binubungkal;

Hinahangal nitong uhaw ang lalaugang humingal

Lumagumba ay ang pawis sa anit ay sagadsarang

Bumubukal.

Gitnang taon,

Tigmamanuki’y dumayaw sa kuwagong nakatitig,

Lumalabyaw ang sandali sa namagaw na kuliglig;

Napipigtal ang pag-asa sa magdamag na pag-idlip

Mga lugong puting buhok sa tenga’y isinalaksak,

Ikinikig.

Huling taon,

Ilalantad na ang lastag na katawang nahuhukot,

Upang ito’y ipayapas ng habagat sa naglakbay

Na alabok.

4.Ang Lawa’y Laway

Isang malaking bibig ang lawa ng Laguna

Na sa pusod ay may nakabalatay na ulay

At ang hugis nito’y balaraw ng isang Raha.

(Para itong dilang apaw sa panis na laway.)

Humihikayat ito nang naglalakihang insektong

Gustong simsimin at simutin ang daloy ng maantang

Agos. Kulumpong naggigitgitan sa mabahong puwesto

Upang hindi makalapit ang iba pang nais makalasa.

Tiim bagang namang laging nakatikom

Ang bibig ng lehitimo’t taal, sumasago

Ang laway sa nalulumang sulok ng panahon;

Hindi makahakbang ang pananabik na lumpo.

Kahit kidlat ay dumidiklap ang pagnanais

Makalahid ng lasa.(Kulog pa ang di mainggit?)

5. Ang Filipinas Ay Nakatawa

Nakatala sa pahina:

Ang Filipinas ay isa

Sa mundo na nakatawa

lagi. Kahit may trahedya.

Subukin at makikita

Sa t
elebisyon sa sala,

Lalo’t may tutok-kamera

Sa naganap na sakuna;

Kakaway pa’t ibubuka

Ang bibig. Ganyan talaga

Tayo Igan at Kakosa.

Ang Pilipino’y masaya.

Parang laging may pagoda

Kahit may luha ang mata.

6. Ang Hunta Ni Francisco Balagtas Jr.

(Pagkaraan ni Rio Alma)

Mula nang husgahan ng Partidong Lihim,

Bintang na mahayap, humiwang matalim;

Dahil kanyang tala’y naglumen ang ningning

Sa ginintong punong Adarna’y humimpil.

Ipot na bumagsak ay naiilagan,

Ng di maging bato ang bikas na taglay;

Gigil pagnanasang umaga’y sumilay

Upang ang layuni’y kaniyang makamtan.

Kumumpas ang kamay nilaslas ang dayap,

Pinigang salita’y umantak ang sugat;

Nagising ang diwa’t yuta ang binigkas

Lalong naglagablab itong Piedras Platas.

Akusang matabil sa tindig nagbantog

Sa rurok ng sining tanaw ang lambayog.

7. Mga Sigaw At Bulong Sa Nayon

a) Nanganak Ang Baka

Ay! Po’y iina-ina,

Nanganak po ang baka!

“E, ano ba ang anak?”

Ay! Baka rin po ina.

b) Sa Manginginom: Babala (SMB)

Sa

Aming

Nayon,

May

Isang

Guwapo;

Uminom…

E,

Lasing.

Pati

Ako

Lasing.

Elising

Paikot-

Ikot…

Lumipad

Sa

Ere…

Nabagsak.

c) Sa Pondahan

Halo-halo mo’y masarap?

“Oo naman Kabangkilas;

Lalo’t aking ipapatak

Ay buhat sa susong-gatas.”

8.SONA

A-nak naman ng puta,

B-akit pag nagwewelga

A-ng mahirap na masa’y

P-inipigil ni Gloria?

U-gali na talagang

“T-ang ‘na sa pulitika

A-ng magsa-kalabasa.

N-agnanakaw na sila’y

G-ugungungin ka pa.

I-ipunin ang k’warta

N-a ninakaw sa SONA

A-t kunwari’y didipa

N-a parang santo’t santa.

“Y-an, “yan ang SONA nila,

O-y, mag-iba na ng drama.

9. Dalawang Pilyego Ng Sanaw

Yapak ng kalabaw

ang siyang umuka sa tiyan ng daan

upang magkaroon ng maiinuman

yaong Mananabas sa dawagang gubat.

Kahit ilang linggo, ito’y nagsasanaw

huwag lang maamoy ng ligaw na musang

na inalinsangan.

Sa bigat at bagsak–

gulong ng sasakyan at ulang pumatak

kaya nagkauka’t nagsanaw kaagad

sa kaminong daan ng puyat na lungsod.

Dito sumasahod ang tambay at tamad,

sombrero’y baligtad kunwari’y nagtambak

at satsat nang satsat.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya