Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 22, 2009

Santiago (Kabayong Lumilipad)

Sa pulo’y may pook ngala’y Balitangan,

May gintong kabayong dito’y namamahay;

Tuwing hatinggabi’y pagaspas ang kampay

Nitong gintong bagwis bago humingalay.

Ito ang Santiagong kabayong may pakpak,

Na kung mahuhuli’y aamo nang ganap—

At mauutusang ikaw ay ilipad;

Magiging amo ka sa lahat ng oras.

Maraming nagnasang ito ay madakip,

Subalit pandama’y lisik at mabagsik;

Tiyad lang ng alon sa tenga’y ulinig

Balanang naghangad, naghalukipkip-p’wet.

Minsan ay dinayo ni amba kong Indong

Higit na kilala sa birtud na subo,

Lahat ng diwatang nanago sa pulo’y

Sa kanyang asintos ay pinadadapo.

Hindi rin iilan ang buhay na saksi,

Mailap na hayop kanyang hinuhuli;

Gamit ang talismang hiwagang pasabi’y

Ulupong ma’t sawa ang bangis ay pipi.

Matagal nang hangad ang Santiagong bantog,

Na gustong masakyan upang makalibot

Sa hindi narating malayong lupalop;

At upang matimbon sa inipong birtud.

Isang hatinggabi ay kanyang sinadya,

Lugar Balitangan sa aplayang lawa;

Labit ang orasyong Ikapitong Wika

At latigong gawa sa buntot ng isda.

Tahimik lumapit sa tulog na hayop,

Sa Buhay na Bato’y doon nakayupyop;

Nang di sinasadya si amba’y natisod

Ang kabayong ginto’y agad nabulabog.

Bumuka ang pakpak at sumisingasing,

Subalit naghanda ang amba kong taring;

Kambal na umigkas ang latigo’t anting

Napipilang ganap ang damba’t halinghing.

Kumuha sa batok ng gintong himulmol,

At saka umusal mahikang orasyon:

Latin 8*

“ET INCARNUM HELE-HELE SACOLELEM

LEOC-LEOC LEAM-LEAM ET VIRGO MARIA

HELE-HELE LEOTIBUS RATOR NINO HELE-

HELE LATA-LATA SINTOC SINTOC TIBI DOMINI

JESUKRISTI, AMEN.”

Utos sa Santiago ay halos pabulong:

“Ilipad mo akong iyong panginoon.”

Ang araw, ang buwan, ang tao’y lumipas,

Hindi na narinig Santiagong pagaspas;

Maging Balitangan ay umaliwalas

Walang pangingilag sa buong magdamag.

Biglang nagkapa
kpak ang lipad-balita,

At maraming saksing hindi haka-haka;

Na si ambang Indo ang nag-aalaga

Ng gintong kabayo na napayupapa.

Ang bulung-bulungan sa pulo ng Talim,

Habang naliligo sa aplayang pritil;

Itong ambang Indo’y niyayang tunguhi’y

Isang kapistahan at doo’y mangilin.

Habang papalayo grupong mamimista,

Sigaw ng matanda: “Kayo na’y umuna!”

Subalit ang mangha’t ipinagtataka’y

Nadatnan na nila si amba sa misa.

Latino 8*- Awitin ni Inang Mariya tuwinang patutulugin Niya nang mahimbing ang Anak na si Hesus

Isang tula sa kalipunan ng tulang nagwagi sa UP Centennial Literary Prize 2008

Ang Balitangan ay matatagpuan sa pagitan ng dalawang nayong Tabon Mainit at Tabong Malamig sa pulo ng Talim sakop ng bayang Binangonan Rizal kung saan may isang malaking bato na kawangis ng isang pagong at binubukalan ng pinakamainit na tubig sa pulo ng Talim. Dito hinuli ng lelong ko ang Santiago noong kabangisan ng kaniyang birtud.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: