Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 14, 2009

Oda Sa Pulo Ng Talim (Sa lawa ng Laguna)

Alam kong Durungaw ang dating pamagat

Ng iyong kariktang bulkang sobrang taas,

Sa iglap pagyanig ito’y sumambulat;

Tumapong malayo ang lupang napilas

At ikaw’y naiwang parang isang dilag—

Sa yanig ng lindol nakatulog agad.

Naukang kaldera ang iwing kariktan,

Hanggang sa sumupang lubog-sikat araw;

Ang ukang paligid pinuno ng ulan

Upang maging lawang lipos karangyaan.

Balang makakita sa hugis mong punyal

Talim ang pamansag bawat kaisipan.

Dinayo ng ibon tuwing takipsilim

Naglulungting gubat na animo’y Birheng

Malukong ang dibdib sa pagkakahimbing,

At lugay ang buhok sa halik ng hangi’t

Ang dalampasiga’y kaysarap samyuin

Ang hanging dayaray yakap ay kaylambing.

Sa bawat paglipad ng ibong nabusog,

Hindi maiwasang magbagsak ng ipot

Sa sikal na sanaw ng tubig na impok;

Dito napipisa ang sa isdang itlog

Na luwa ng puwit nitong dayong hayop,

Hanggang sa kumapal isda sa palibot.

Birhe’t amang amang walang pumuputol

Nitong malalabay at tigasing kahoy,

Mulawin at naga kakawate’t dampol,

Dalingdinga’t tan-ag himbabao’t katmon.

Merong ligaw-prutas langkawas ang kumpol,

Kaya mga hayop hindi nagugutom.

Sumibol sa parang dalisdisang gubat

Ang laksang halamang sobrang halimuyak

Ang masamyong amoy ng bawat bulaklak

Na nagpapasigid sa gilawgaw-kulag

Ng hanging amihang sa gubat pumungas

At mayuming hanging habagat sa dagat.

Ganyan ka kalantay, ganyan kang mahalin,

Ganyan ka kayaman sa biyayang angkin;

Ganyan ka karikit, O, pulo ng Talim.

Ganyan ka kalusog, ganyan ka kagiting,

Walang dumarating sa ‘yong salamisim—

Noong ang ganda mo’y walang umaangkin.

Raul Funilas

Enero 15, 2009

Kuta ni Tata Art Center sa Pulo ng Talim

Sitio Tabon Mainit, Bgy. Tabon Malamig, Binangonan, Rizal


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: