Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 14, 2009

Iglap Dumatal Ang Sakuna

Malakas ang simoy ng habagat habang binabaybay ng isang bangkang may pangalang ¡°Wilma¡± na puno ng mga tao ang kipot ng pulo ng Talim papuntang kabayanan ng Binangonan. Bawat isang sumasakay ay humihipo at nag-aantanda bilang pagbibigay galang at pananalig sa isang iskayolang eskultura ng ¡°Holy Family na nakadikit sa may endramadang proa ng bangka.¡± Bago lamang humihilig ang Tala sa Umaga at bawat madaanang nayon ay maririnig ang salitang pagtilaok ng mga tandang.

May sumisenyas na alimagmag ng liwanag sa maninikin ng bangka sa pritil ng Bgy. Malakaban sabay senyas sa timonero ng kaliwang palad upang dumaong sa nag-aalitaptap na senyas. Nakita ng maninikin ang sumakay na medyo hapay lumakad, intindidong malagihay ang lalaking sumakay sa bangka at nahawakan ng palad ang eskultura ng ¡°Holy Family¡± at ito¡¯y napilas sa gitna sabay bagsak sa lunas ng bangka. Umaangil ang makina ng bangka sa pag-atras upang muling mamalimping papuntang bayan. Nakita ng maninikin ang taong sumakay na humiga sa batangan ng bangka. ¡°Huwag kang mahiga diyan at baka ka mahulog, malakas ang hangin at malalaki ang alon!¡± Binalewala ng lalake ang atas ng maninikin.

Tanaw na ang kilapsaw at dagitab ng bayan nang biglang may sumigaw na matandang babae: ¡°Mahal na Inang Birhen may nahulog na mama sa tubig!¡± Nagkagising lahat ang nangatutulog sa upuan at gasa ng bangka. Sumisigaw ang timonero: ¡°Ano daw? Ano daw?¡± Nang mahimasmasan ang lahat ay napag-alamang iglap na nahulog sa tubig buhat sa batangan ng bangka ang taong malagihay na sumakay. Mas higit ang angil ng makina ng bangka sa pag-atras upang balikan at sagipin ang taong nahulog sa bangka. Marindi ang haplit ng hangin at hampas ng alon sa bangkang umaatras.

Naglabas ng flashlight ang timonero habang inaaninag ng maninikin ang lugar kung nasaan ang taong nahulog.Kinuha ng isang lalake ang flashlight sa timonero at sinuyod ng mapusyaw na liwanag ang sunod-sunod na tumitiyad na alon. Hanggang sa nakita ang taong nahulog sa tubig na nakataas ang isang kamay habang nakalutang sa tubig ang isang bag na sukbit pa sa balagat ng kaniyang balikat. ¡°Hagisan mo ng tikin!¡± sigaw ng timonero sa maninikin. Sumalibsib ang pisigang kawayang tikin sa tubig ngunit hindi ito kinapitan ng taong nahulog sa tubig na lumalangoy at pilit na sa katig ng bangka lumalapit. Nakita ng mga tao ang putok na sugat sa gawing noo ng tao na dumadaloy ang mapulang dugo. ¡°Mahal na Inang Birhen may sugat ang tao!¡± sigaw ng isang matandang patuloy na nagdarasal habang hawak ang mga butil ng rosaryo.

Nang mai-ahon ang tao ay kinausap siya ng mga nakakita sa nangyari at naawa sa kaniya. Walang tugon sa lahat ng tanong na ipinukol sa kaniya maliban sa mga patak ng luhang sunurang humahagdan kasama ng malamig na tubig ng lawa at katagang: “Ang Mag-ina Ko!”. Inalwas ng lalake ang laman ng bag at tumambad sa mga naroon ang isang paet, katam at martilyo. Bawat isa¡¯y nagtataka dahil nakita nilang lahat na nakalutang ang bag na kinalalagyan ng mga gamit pang-anluage.

Payapang nakadaong ang bangka sa pritil o pantalan ng bayang Binangonan, namangha ang lahat nang salubungin ang lalakeng nahulog sa tubig ng dalawang babaing umiiyak ang isang talo-bata at nakatingin naman ang ikalawa na waring nagtatanong.

Niyakap ng lalake ang dalawa sabay hagulgol nang iyak. ¡°Asawa Ko! Anak Ko! Muntik na ninyo akong hindi makita nang buhay. Isinusumpa ko ang alak!¡± Pahimakas ng lalakeng nahulog sa tubig buhat sa batangan ng bangka.Lumakad ang tatlo hanggang sa mawala sa paningin ng mga kasamang pasahero ng bangkang ¡°Wilma.¡± Lahat ay nahahabag at nagtataka.

Ito ay isang tunay na pangyayari habang kami ay bumabagtas sakay ng bangkang ¡°Wilma¡± papuntang bayan isang madaling araw ng Lunes Enero 12, 2009 sa laot ng Bgy. Ithan, Binangonan, Rizal sa lawa ng Laguna. Raul Funilas Enero 15, 2009


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: