Ipinaskil ni: Raul Funilas | Enero 12, 2009

Oblation Sestina (Ang Lalaking Hubo Sa Diliman)

Talisman kang itinundos nang matatag

Sa lugar na mapalanas ang parangan.

Kasaysaya’y nainirahan sa madilim,

Katawan mo’y nagpatina nitong dunong;

Libong utak daantao’y nagsibantog

Pagtingala ng orasyon mo sa langit.

Ang orasyong sinagap mo galing langit,

Ibinangan sa ‘yong diwa nang matatag;

Ibinulong mo sa hangin at bumantog

Sa lungsod na mauunlad ang parangang

Nananabik na makamit itong dunong—

At umiwas na palihis sa madilim.

Ang mata mo’y inaninag itong dilim,

Hinahanap ang liwanag nitong langit;

Himpapawid ang kadluang karunungan.

Nagsikap kang magpundasyon nang matatag

Sa malawak na isipan ng ‘yong parang;

At balana’y dakilain ang pagbantog.

Marami ang nakasaksi sa pagbantog

Ng katawang nakadipa sa Diliman.

At ang ibang naglalakbay sa paranga’y

Naghahangad na maabot ang ‘yong langit

Sa adhikang bumanyuhay na matatag,

Hahamiging isanlaksang karunungan.

Estudyante’y nagkorona’ng karunungan

Sa nakitang malambayog mong pagbantog,

Naglalayong tumikas din at tumatag

Sa kaminong umiikot sa Diliman.

Ang paghanga niyang lipos abot-langit,

Ang pangarap, naglalaro sa parangan.

Mga guro at kawani sa ‘yong parang,

Ang sipag ay kusang loob at ang dunong

Ay palaging umaangat pasalangit.

Masisigla sa ginawang mapabantog,

At ingatang h’wag masadlak sa madilim.

Ikaw lamang, O, Oblation ang may tatag.

Ngayong ikaw’y antigo na at tumatag

Sa sandaang taong singkad sa Diliman,

Tagumpay ka sa ‘yong birtud na bumantog.

Isa sa mga tulang nagwagi sa Centennial Literary Prize 2008 na may dating pamagat na Noi T. Albo


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: