Ipinaskil ni: Raul Funilas | Disyembre 24, 2008

Mga Tula ni Tata

1.Balada Sa Kumparsa Ng Manunugtog

Wala kayong gagawin kung hindi ang umindak.
Kayong nasa parangan, kabundukan at s’yudad,
Isalisod ang paa’t kamay ay ipalakpak
Sa tuwing daliri ko’y nasa bagting na k’werdas.

At pakinggan ang bagting nitong bagong panahon,
Alimaymayan ninyo ang kakaibang hugong;
Tila mga himigin sa duyang umuugoy
Kahimig din ay tubig na lagaslas sa talon.

Maghapon at magdamag kayo ay magsisayaw,
Sa prusisyo’t Karakol, sa Trumba’t kapistahan;
Dahil ngayon ang takdang ang Bandurya kong hiram
Ay hindi na sasaliw.(Kupas na’t namamagaw.)

Huwag kayong titigil ng pagsayaw sa tugtog,
Kahit panahong bagting ay laos at namaos..

2. Ikaw Ang Puntod Ng Aking Pag-ibig

Bakit mo nililikom ang aking kasalanan
Kung ikaw’y masasaktan sa aking nakaraang
Iyong binabalikan? Anong gustong patunay
Ang aking gagawain upang di ka malumbay?

At kung pagkakasala ang aking pagtatapat
Na ako’y narahuyo sa panahong lumipas,
Ang hingi ko at samo’y ang ako’y mapatawad;
At kung mamarapati’y agad ngayong igawad.

Ang aking nakaraan ay aklat na natiklop,
Kaya h’wag nang bubuksa’t matagal ko ng limot.
At ngayon, inaakda’y sa bagong iniirog
Na bumagbag sa pusong masasal ang pagtibok.

Ang aking pakiusap sa salita’y manalig—
Na ikaw ang pamuntod ng wagas kong pag-ibig.

3. Minsang Bumaba Ang Buwan Patungo Sa Akin

Nagbaga ang buwan kagabing tinitigan kong nagliliyab
Ang aking matang pinag-alab ng nakikitang alaala.
Nagsimula lamang sa isang diklap ng apoy sa batong nahulog
At kumiyakis sa natunggkab kong ulo.

Matayog ang lipad ng ibong Masamang Babala
At naririnig ng ibong Kaawa-awang Hinala ang kakak nito.
Binabantayan ng Masamang Babala ang buwan
Sa mataas pa sa ulap na papawirin upang hindi siya mailigaw
Ng kumpulang alapaap na tumatabing sa kabilugan.

Subalit laging may lambong na lamlam ang limbo ng buwan
Dahil alam nitong magiging kalungkot-lungkot kay Kaawa-awang Hinala
Ang paniningalang pugad sa kaniya ni Masamang Babala.

Narinig ko ang usapan nila nang minsang inaaninaw
Ko ang lawang naglulumen ang bubog
At nakikita kong may binubuong babala
Si Masamang Babala kay Kaawa-awang Hinala.

Hindi siya pansin ng buwan.
Natuwa ako.

Nang makita kong may gumugulong sa dahikang rumurumbong alon
At kinimis ko ng dalawang palad ang nasa humbak nito at isinaboy
Sa batong buhay na nakapatong sa tumangwa ng bundok .

Huli na ang lahat,
Nang biglang umusad ang malaking bato
At gumulong nang gumulong hanggang matungkab ang aking ulo.

Bago mahuli ang higit ng aking hininga’y tinitigan ko ang buwan,
Ang pula ng aking mata’y naglagos sa kulumpong ulap
At salikwaang hangin sa himpapawid, nadarang
At tinalo ko ang lamig ng buwan upang ito’y bumaba
Sa aking kinalalagyan.

Doon ko siya kinausap nang masinsinang
Si Kaawa-awang Hinala ay aking napupusuan.
Sinabi kong lahat sa kaniya ang naganap sa amin
Mulang noong ang kaniyang limbo
Ay nagluluningning ang bilog tuwing ang gabi’y namamanglaw
At dinadalaw ang aming kalungkutan.
Doon nagsimula ang lahat.

Nagwagi ng Unang Gantimpala sa Kabuwanan ng Buwan Poetry 2008 sa Expo
Cubao, Performanc Poetry with 2ft Trophy and cash


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: