Ipinaskil ni: Raul Funilas | Disyembre 14, 2008

Regata sa Lawa ng Laguna

May usapan kaming magbayaw ni kuya Abet Fajut, sa Rayap kami magtatagpo. Hiniram ko ang de cincong bangkang pagukpok ni pareng Tinggo Liwanag at sinubok kong paandaring mag-isa ang makina. Umandar naman at komo bagong nakasasakay na muli ng bangkang may makina, narahuyo ako sa haping pabilisan, nang nasa limang hampas tikin na ang layo ko sa pampang ay ginaltang ko ang hapin upang pabilisin ang takbo. Halos wala pang limang minuto ay narating ko ang pantalan ng Bgy. Habagatan, ang pinakadulong bahagi ng pulo ng Talim.

Sinalubong ako ng tricycle ni kuya Abet at nagpa-ihaw ng isang kaigihang dalag at dalawang malapad na tilapia. Nag-agahan kami habang pinag-uusapan ang ipinatistis kong mga kahoy sa Bgy. Bagumbong, Jala-jala, Rizal. Matapos kumain at mag-usap ay niya akong muli sa Bgy. Habagatan at sa isang baltak sa makina ng bangka ay muli kong nilayag nang mas mabilis ang pag-uwi sa nayon ko ng Tabon Mainit.

Sinalubong ako ni pareng Tinggo at nakangising naghihimaton: “Puwede ka palang makinista para bukas pare, matatag kang sumakay ng bangka, may karera tayo bukas ng pagukpok kalaban si kagawad Ariel Aragoncillo at isang kahong kuwatro cantos ang pustahan. Apat daw sa kaniya, apat kay Danny Lerona at apat ang pusta ko.” Kako’’y sige at matagal na nga akong walang praktis sa regatta. Hugong ang balita sa dalawang nayon ng Tabon Malaki at Tabon Mainit na ako ang aangkla sa bangka ni pareng Tinggo, maraming nagtanong, nagtaka, nanghusgang baka daw di ako marunong dahil ang mga bagong sibol na kabataan ay hindi ako masyadong kilala na sa lawa na tibuan ng taliptip at di maiwasang alipunga.

Kinatanghalian ay pumalaot kaming tatlo nina pareng Tinggo at kasamang Seyong dela Paz sa namumukot ng palaisdaan upang dumaluyong o mamakaw ng kanduli at ayunging malalapad. Pinababa ko munsa kubo sa laot ang dalawa at nagpraktis akong gumiya sa bangka upang paghandaan ang regatta kinabukasan.

Alas siyete pa lang nang umaga ay pulu-pulutong na ang mga taong gustong manood ng karera ng bangka habang itinaas namin ang lunday na gagamitin ko upang sipatin at pakainin ang elisi ng makina naming gagamitin, nagtulos na rin si Atoy Olinares ng may banderang puti sa laot na tanda kung saan matatapos ang regatta. Naggigiriang manok ang aming bangka nang pumalaot si kagawad Ariel Aragoncillo sakay ng kaniyang kulay berdeng bangka, sinipat ko ito at nakita kong mas malaki at mas mahaba sa aking dalang bangka. Sabi ng iba sa nayon ay mas bentahe daw sa karera ang bangkang mahaba at mabigat dahil pagsalida ay mas matulin lalo na kung mahaba ang karera. Nag-usap kami ni kagawad Ariel kung saan magsisimula at kung saan matatapos. Nakikita kong dagsa ang mga taong nanonood sa dalampasigan, waring ngayon lang makakikita ng isang karera ng bangka.

Ang gusto ni kagawad Ariel ay magsisimula kami ng karera sa dunggot o tangos ng Bgy. Binitagan, naisip ko ang sabi ng iba na mas bumibilis ang mahaba at malaking bangka kapag malayo ang karera kaya ang sabi ko sa kaniya ay sa dulo’t dulo na lamang ng aming dalawang baryo kami magsimula at magtapos na kung susumahin sa takbo ay wala pang tatlong minuto kumpara kung sa bgy. Binitagan na mga limang minuto. Umayon naman si kagawad Ariel sa mungkahi ko na iikot kami sa pulang bandera at doon magsisimula ang laban. Nagtulos pa ng isang kawayang may banderang pula sa dulo ng Tabong Mainit na kapapat ng isang tulos ding may banderang puti naman sa Tabong Malaki.

Nang maka-ikot kami sa pulang bandera ay nagtanguan kami ni kagawad Ariel na hudyat ng simula, sabay higit ko sa mismong silinyador na nasa karburador mismo, masigabong umilambo ang tubig sa bilis ng aming bangka, nananalapsap kapuwa ang ilalim ng proa, ramdam kong may ibubuga pa ang gasolina ko kaya isinagad ko ang hila at unti-unti akong gadangkal na umaabante sa katunggali ko, alam kong naiiwan siya ng tatlong dangkal at wala nang ihirit ang kaniyang makina. Nang maramdaman ni kagawad Ariel na naiiiwanan ko siya ay kusa na siyang bumitiw at sumuko, paderetsong tinalunton ang dulo ng pantalan ng kabilang Tabon Malamig habang nakataas ang kaniyang dalawang kamay.

Umikot muna ako sa dalawang Tabon upang kumaway sa mga nanonood na halos buong dalawang nayon. Nang makadaong ako sa kayangan o hilahan ng bangka ay sinalubong ako ng mga kakampi ko sa pustahan at bawat isa’y pinupukol ako ng salitang nakabibighani. Kahit daw pakiling ang araw ko sa kanluran ay hindi pa ako laos pagdating sa tubigan. Sabi nga ni tatang Rudy Capili e: “ Si Tata pa e, iyan ang lumilok kay Ayel na nagbabantay sa ating lawa.” Maraming nabaghan sa tinuran ni tatang Rudy, higit ang mga kabataang nakikipaniya sa dalampasigan. Hindi kasi nila alam kung sino si Ayel. (Inang Lawa) bago ako puma-Maynila ay nakita kong labit ng mga taga kabilang Tabon ang isang kahon ng kuwatro cantos upang tumalima sa kanilang pagkatalo. Disyembre 15, 2008


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: