Ipinaskil ni: Raul Funilas | Disyembre 2, 2008

Mga Tula ni Tata

Oyayi Ng Amang Mangingisda

Raul Funilas

Setyembre 4, 2006

Ang sinintang bunso’y may iminum’westra,

Palahaw ang iyak sa antigong kuna;

Kinarga’t namasyal sa may pala-pala’t

Saka hinimigan ang ungot ng kanta.

Ang sinintang bunso’y aayaw kumain,

Ang idinadahil hilaw daw ang saging;

Ang bulong ko nama’y hinog na ang saging

Ang sinintang bunso’y kay-ganang kumain.

Ang sinintang bunso’y aayaw maligo,

Ang idinadahil pudpod na ang gugo;

Ang bulong ko nama’y tatapyas ng gugo

Ang sinintang bunso’y kay-sayang naligo.

Ang sinintang bunso’y hindi makatulog,

Ang idinadahil wala siyang kumot;

Ang bulong ko nama’y yayakapi’ng kumot

Ang sinintang bunso’y payapang natulog.

O, sinintang bunsong lipos kong minahal,

Ang irog mong ama’y pasapagaspasan;

Himbingan ang tulog ako’y manggagalay

Upang may pang-ulam tayo araw-araw.

Larawan

Raul Funilas

Setyembre 5, 2006

Alaala ng nagdaa’y di malimot,

Naroroo’t nakasabit sa may sulok;

Guhit yaong ngiting sabik sa pag-irog

Lawalawa’y kumakapit sa palibot.

Ang larawang pinakupas nang panaho’y

Rumetinang balintataw. Naroroon

Ang matudyong mga ngiting nakalambong,

Walang lunas sa damdaming may linggatong.

Ang matitig mong pagtingi’y hindi sapat

Na lumipas ang gunita natin liyag,

Guniguning pumapasok na kay-timyas;

Ikaw sinta’y di lilisan ang ‘yong wakas.

Tandaan mong ang larawa’y nakasabit,

Ohales na nakalilip sa ‘king dibdib.

Biyaheng Buwisit

(Sa JAM Transit)

Raul Funilas

Setyembre 5, 2006

Laking gulat nitong drayber ng JAM Transit,

Nang uradang nakisiksik ang may kipkip

Na bibliyang sina Mary at si Jose
ph

Sa isang bus sa may Edsang ubod trapik.

Sumusulyap sa salamin yaong drayber,

Sabay bigkas nang pangaral at habiling

Binabasa itong Mary. Nanggigigil

Ang balanang pasaherong nakatingin

Sa kandunga’t puting sobreng inilagak.

May talatang: “KONTING TULONG SA MAHIRAP.”

Nang matapos ang pagsermon ay tumalak

Ang konduktor. Baba kayo! Hinayupak!

Nang biglaang sumilbato’y isang Pulis,

At lumapit na ang hawak ay pang-ticket.

Gansal Ng Papel

Raul Funilas

Setyembre 5, 2006

Maraming palad

Ng manunulat

Ang yumayakap

Sa ‘yong busilak

Na tinataglay,

At ipedestal

Ka sa dulaang

Pampaaralan.

Sa panulaan,

Sa karangala’t

Kadalisayan

Ng katauhang

Di natitiklop

Sa sansinukob.

Taling At Haka Ng Buhay

Raul Funilas

Setyembre 7, 2006

Taling-haka ng tao

Paglakbay sa kalbaryo.

Sinulid ang pananaw,

Karayom ang pag-asa.

Nauuhaw ang puso,

Lunod ang kasiyahan.

Lumilipad ang utak,

Natutulog ang isip.

Matapang ang pang-amoy,

Ang panlaban ay bibig.

Sakit ng kalingkingan,

Traydor ang hintuturo.

Nagagalit ang ngipin

Sa matabil na dila.

Nagtetengang kawali,

Kumukulo ang dugo.

Busilak ang damdamin,

Maitim itong budhi.

Bunganga’y pumuputak,

Ang palad, pumalakpak.

Nangangalos ang tuhod,

Alak-alaka’y lasing.

Ang sakong ang kargador

Ang pansunong ay anit.

Balikat ang nagpapasan,

Ang ulo ang nagpawis.

Ganyan lamang ang buhay,

Hindi maunawaan.

Sari-Saring Damo Sa Kaligiran

Raul Funilas

Setyembre 7, 2006

May lungtiang damong tumubo sa parang dumaming kay-bilis,

Natuwa ang kambing, ang baka’t kalabaw sa nayong Maliblib;

Komida’t tanghali’y hindi maubusan ng pang-os pagligis

Hanggang sa hapuna’y aayaw sumingkaw sa batak ng lubid.

Sa pukas ng parang laruan ng batang lipos ang halakhak,

Ang damo’y lapatan ng paang malikot lalo’t hinahagad;

Kung minsa’y higaan kapag napapagod ang bubot na yapak

Ang mayuming damo ay tila kondesang sila’y niyayakap.

Makahiyang damo’y iba ang paraan ng pagpapapansin,

Kapag hinihipo’y nagiging mabining daho’y titiklupin;

Subalit kaingat kung ang humihipoy may tangkang maitim

Tinik sa katawa’y hagkis na tutusok sa lilong damdamin.

Minsa’y ginagawang panlunas sa sakit ng hilong mahirap,

Daho’y ilalaga, dikdiki’t katasin ang nagsangang ugat;

Upang ipamahid, itapal sa bikil at butong balagat

Hanggang sa matighaw o kaya’y sumapit ang takda ng wakas.

Sari-saring ibon dito yumuyupyop at nanginginain,

Kung minsa’y pugaran ng pugo at tika ng ulok at tikling;

Munting alitap dito nagsisindi sa gabing madilim

Ang bibong kuliglig dito tumutukaw ang himig awitin.

Kay-gandang pagmasdan sa dalisdis gubat ang damong talahib,

Animo ay along tumiyad, gumulong sa hanging humalik;

At kapag nanungaw ang puting bulaklak tiyak kang iibig

Dahil ang paghilis wari ay dalagang puso’y nang-aakit.

Yaong damong kogon sa bikilang bundok lipos ang halaga,

Sa nayong Maliblib taklab na pambubong sa tahanang aba;

Pamangkol ng dingding, taguan ng ginaw ng pusong dalawa

Mahalas man ito’y malaking biyaya sa tamang pagsinta.

May damong nawiling diligin ng rangya’t haplusin ng puri,

Sa bakurang puno ng orkidya’t hasming may ngiti sa labi;

Laging pantay-pantay ang hilerang lungting nakabibighani

Maging taga-araw man itong dayong damo’y laging bumabati.

May damo ring tikiw sa lawak tubigang dito ay kulumpon,

Agulo sa liling inianod-anod ng mayuming alon;

At kapag sumadsad sa dalampasiga’y dito humahapon

Ang nahapong pakpak sa maghapong lipad nitong pupong ibon.

Ang damong kawaya’y tila naghahambog at gustong maibig,

Daho’y ibinusog sa dulang ng puso’t sa parang ng dibdib;

Naroong bulungan ang hanging amihang siya ay ihilig

Sa damong bermuda upang madantaya’t kanyang makaniig.

May luksang pag-iyak ang damo sa parang ng lapida’t puntod,

Masakit sa ugat ang luoy na diwang walang humahaplos;

Kundi ang kasalong antuking magdamag at ulilang hamog.

(Kung minsan ay talim ng pala at paang galit manalisod.

May damong mabagsik, lason sa isipan ang mabangong usok,

Lipana sa liblib, sa magulong lungsod at saang mang sulok;

Hindi masawata dahil may pang-akit ang tuksong alindog

Kaya kabataan: damong marijuana’y ibaon sa limot!

Ang pamumulaklak ay bukad at tanda nang pamamaalam,

Ng nakabighaning amoy sa talulot na tila kumaway

Sa puting paparo, tutubing karayom, tipaklong na ligaw;

Upang ipasamyo yaong halimuyak bago pa malusaw.

Mga Unang Kislap Ng Supot Ni Hudas Ni Rio Alma

Raul Funilas

Setyembre 7, 2006

Parang bantayog ng lumang panahon

Hindi maiintindihan nina Impo’t Ingkong

Mga limampung hakbang pa’y natanaw ko ito,

Umuulan-umaarawmay sakit marahil ang janitor ng parke.

Naakit pumasok ang matandang pari

Wala akong linamnam, paliwanag ng malmag

Ngunit, walang malinaw na pakinabang?

Parang Biyernes Santo.

Pinakakain tayo ng kutsa-kusaritang sindak

Mula sa Marawi, sinasayaw

Tulad ng karaniwang hilig ng mariwasa

Namamatay ang mga bituin

Darating ang araw, ninuno ka

Kahit dito, hindi magkakatotoo

Pag me tumawid, away! At tatlo

Mula sa kapuluan ng purong ulap,

Sino ang nagpinta ng lungti sa pagitan ng dalawang mabigat na bato?

Orakulo ng isang magubat na gabi: Oyayi, limokon, sabsaban

Namamangha pa rin tayo sa daigdig

Ito ang wakas ng tungkulin ng dagat:

Dumating na ang diyos. Narinig ito ng lupa at tila takupis na

Lumubog ang bituin sa dagat at lumitaw sa iyong bintana

Tila malaking praskong tigib sa mga alitaptap ang langit.

Pista ng Itim na Krus

Pinapawisan ang mga gatilyo.

Muntik na nating lusawin ang isa’t isa

Inuusig ng simoy ang tigang na paligid

Kapag may umalis nang walang paalam

Lagi kang nagmumuni sa simula ng daigdig

Wala akong tiwala

Waring umaapaw sa tubig ang daigdig

May pitong bangin ang buhay sa lupa,

Walang tumatawid muli, wika ni Heraklitus, sa iisang ilog.

Nagkamali dito ang mga Griyego. Hindi pito kundi sansupot na hiyas ang

tinitingala ko

Kumukupas ang talulot

At tulad ng maraming di-akalain, umibig ang bato sa palad;

Bantulot akong pumasok sa salamin

Mahina ang tao….Darating ang araw, malimit kayong lilingon at

ihihimutok

Aanhin pa ang damo… aanhin ang dagat na walang layag?

Ang kabataan,

Angkop na angkop ang guhit mo bilang telon

Mayumi, matimpi,

Mapuputi’t matitipunong hita,

Ako noon ang batang naligaw sa kusina

Ngunit sino ba ang nag-atas na dapat tayong mag-iwan

Magha-maghapon kong tinutuklas ang hugis ng damdamin

May dalawang paminhian ang pag-ibig:

Panahon na ng pag-ibig, Panginoon,

Naghihingalong muli ang aming hari, Panginoon,

Ginagawa niya tayong walang-kamatayan. Tigib sa liwanag

Lumalakad siyang kasinlaya ng mandirigmang mga baging,

Tinandaan kitang sagana sa tubig, ulap, at lungtian;

Pinili ko ito sa halip na Windsor o My Fair Lady

Kumikiwal ang palikpik ng isip sa pusod ng pandama

Ang layo ng kalyuan ay ang kalayuan ng layo mo sa sarili…


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: