Ipinaskil ni: Raul Funilas | Nobyembre 24, 2008

Hiwaga ng Bote

Maaga akong nag-alay ng bulaklak sa mangingibig at manunulang si Jose Corazon de Jesus kahapon sa andas na ginawa ko sa lahat na kinilalang makata at mambibigkas. Tulad sa tuwinang lalahok ako sa tunggalian ng pagtula, hindi ko nalilimutang mag-alay ng bulaklak at magtundos ng kandila sa bantayog na eskulturang busto ni Francisco “Balagtas” Baltazar sa liwasang lugar sa may Paco Maynila.

Napulot ko sa kumpare ko at Tarikang Manunulat at pinakabatang Hall of Famer ng Carlos Palanca na si Bobby T. Anonuevo na ipinasa din lamang sa kaniya ni Pambansang Alagad ng Sining sa Literaturang si Rio Alma. Nasubok ko ang kahiwagaan nang ipinagawa sa akin ni pareng Bobby nang mag-alay ako ng bulaklak at magturay ako ng kandila sa harapan ni Balagtas noong manalo ang tula kong Ulikbangon sa Komisyon sa Wikang Filipino, Talaang Ginto, Gawad Collantes.

Higit akong nahiwagaan noong lilukin ko mismo ang busto ni Balagtas na ipinagawa rin sa akin ni pareng Bobby, araw-araw yata akong nanganganak ng tula na ang minimum ay tatlong tula isang araw, ginigising ako ng mga ideyang nangangalabit sa malikot kong pagmumuni. Walang larawang malinaw na lumitaw si Balagtas at ang pinagkuhaan ko ng ideya ay mismong si Rio Alma na ang hiwagang dumagil sa akin ay nang hinuhubog ko na sa terra cota ang mukha ni Rio Alma ay may umuukilkil sa aking imahinasiyong patandain ko ang ginagawa ko at iyon ang hagwis ng larawan ni Balagtas. Nakaapat na kongreso na ang Unyon ng Manunulat sa Pilipinas o UMPIL at ang bustong iyon ang laging nakapalanta sa harap ng mga dumadalong manunulat. Kinuha ko lamang ang busto at inilagak sa andas ng mga makata at manunulat sa Kuta ni Tata noong magtapos ang termino ni Ser Vim Nadera sa Institute of Creative Writing bilang Direktor.

Kagabi, kaarawan ni Huseng Batute at sama-sama kaming nag-alay ng mga tula sa batikang mangingibig at manunula. Bumigkas ng tula sina Alfred “Krip” Yuson, Jimmy Abad, Cesare Syjuco, Maxine at Jean Marie Syjuco, Siege Malvar, GP Abrajano, Yol Jamendang,U.P. Speca Syke, Tugista, Alitaptap, Jayne Feyton Keane, at sempre ang pinali ay ang Hari ng Balagtasang si Teo T. Antonio. Naroon din sina Prof. Wendell Capili, Kath Tolosa, Betty Medina Ydia, at Francisco Balagtas Jr. na laging nangangantiyaw at sumasabay sa mga tulang likha ni Batute. Host ng programa si Vim Nadera habang patingin-tingin lang si Rock Drilon, ang may-ari ng Magnet-Cafe. Habang magkaharap kami nina Rio Alma, Teo Antonio at Vim Nadera sa tig-dalawang San Mig Lite.

Paggising ko kaninang umaga ay nagulat ako nang mabuglawan ko sa harap ng nilililok kong Man of Justice ang isang tula na nakasulat sa isang papel na nasa talaro ng eskultura ko.

Mahilig sumingkaw ang kidlat sa bakal at tansong makinang,

(Alalaon baga’y hintayin ang kulog na nakikiramay.)

Lalo’t nagngangalit yaong papawiring hinalu-halukay

Ang pisngi ng langit at buntis na ulap na sinapupuna’y

Merong pumipintig at naninikatik na ulang luluwal.

(Ito ang natanaw sa may papawiring may hanging amihan.)

Ganyan din ang taong gustong makasungkit sa ganda ng buhay.

Tinanong ko mga anak ko ngunit di daw niya alam kung sinong naglagay, nang makita ng apo ko ang papel ay sinabi sa aking ako daw ang gumawa habang nakaluhod ako sa rebulto ni Balagtas. Lintsok talaga ang epekto ng dalawang boteng San Mig Lite. Akala ko pa naman nagpakitang hiwaga ulit si Balagtas.

Nobyembre 25, 2008

UP-Diliman


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: