Ipinaskil ni: Raul Funilas | Setyembre 16, 2008

Walong Patak na Luha

Ubod ng halaga sa akin ang walo,

Singhalaga ng buhay ko at totoo

Isinilang nang ganap na ika-walo

Ng umaga, ‘ka-walo ng ‘kawalong b’wan.

Walong taong gulang nang unang mag-aral.

Ang aking larua’y wawalong piraso:

Paraw-parawan, pagulong, saltik, trumpo,

Pasilpok, patitig. Borador at palmo.

Walo ang paboritong ibon sa gubat:

Kilyawan,pipit, matangbayani’t tagak,

Kandarapa, kakayog, sipaw at tarat.

Ang gusto ko’y walong masarap na isda,

Ayungin, bakuli, kanduli at biya,

Hito, talilong, dulong at talaisa.

Walong prutas ang hilig kong nasa gubat,

Bignay, bitungon, senador, kasindagat,

Galo,morado, tabugong, hinlalagak.

Nilisan ang isla’y Hulyo ika-walo,

Naningalang pugad ng mga prinsipyo;

Walong talinghaga ang aking natamo

At siyang ginamit sa mundong mabagal,

Lungkot, pag-ibig, baka sakali’t tapang,

Babang loob, duwag, masaya’t hinayang.

May takdang panahong araw ay kikiling,

Isang dapithapo’y uuwi sa Talim;

Luhang walong patak aking hihilinging

Sakali’t pumanaw ang hiram kong buhay,

Ito’y papatakin sa lupang natigang

Sa gilid ng puntod na aking himlayan.

8 Agosto 2004

UP-Diliman


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: