Ipinaskil ni: Raul Funilas | Setyembre 16, 2008

Limang (5) tula ni Tata

1. Ama

(Kay amang Pasyo)

Si ama, wala na! Wala na si ama!

(Anak na nag-iwi, anak na nagmahal,

anak na sumunod sa kanyang magulang.)

kay-sakit sa pusong mawala ka ama!

Ikaw! Ikaw na naglantay ng aming isipan;

Ngayon ay pumanaw sa mundong ibabaw.

Ang dalit ni ama ang aming kanlungan,

Ang awit ni ama ay kaligayahan;

Ang lambing ni ama’y aming kinalugdan

Ang bagsik ni ama ang sadyang gumabay

At naging hagdanan ng aming tagumpay.

Ang tudyo ni ama ay yakap ni inang,

Ang yakap ni ama ay gamot ni inang;

Ang halik ni ama ay tuwa ni inang

Ang tuwa ni inang ay mahal ni ama.

Ang hunta ni ama ay bida ng buhay,

Sa mga kapatid at pupong kapinsan;

Lagi siyang bida sa aming tahanan

Na ang bala’y wikang aming tinuntungan.

Mahal na ama ko, sa iyong paglisan,

Iyo nang baunin laksang kapansanan

Ng anak at apong sa iyo’y nagmahal—

Ibulong sa Diyos: Huwag nang idantay

Sa iyong iiwan libong kalungkutan.

At sabihin mo rin sa Poong Maykapal

Na tanggap na namin ang iyong pagpanaw,

At ang pahimakas naming pagdarasal

Ikaw amang Pasyo ay Kanyang ilagay

Doon sa luklukang Banal nating Altar.

2. Katuwiran at Damdamin

Ang ating katuwiran at damdamin

Ang natanging ugit at silbing layag

Ng ating naglalakbay na kaluluwa.

Kung masisira ito’y mamalasing

Magpalutang-lutang sa hihip ng sabalas,

Dahil ang katuwiran ay nauuring isa.

At ang damdamin, kung ito’y hindi natin

Kayang masinop ay isang apoy na maliyab—

Hanggang sa kaniyang sariling pag-iga.

At kung pagmamasdan ang alipatong pumasahangin,

Tila naghahambog na abutin ang alapaap

Upang mapanunghan ang mga nanalangin.

Kaya hayaang sukdulang umimbulog at pumarurok

Ang damdamin at katuwiran hanggang maging alikabok.

3. Kalayaan

Sa tabi ng umaalipatong apoy,

Natanaw kitang nakaluhod at sumasamba

Sa sariling kalayaan.

Isa kang aliping nagpapaka-aba

Sa harap ng malupit na panginoon

At naghahandog ng papuri—

Bagaman namamatay ang iyong pagkatao.

Oo, naroon ka sa halamanang templo

At sa silim ng moog ay may sinag

Na malayang unting bumabaklas

Sa isang pamatok at rehas na posas.

Natutuwa ang aking puso, dahil magiging

Malaya ka—ngunit, matutupad

Lamang kung hindi na babanggitin

Ang kalayaan bilang hangarin

Ng isang kaganapan.

At kung ang isang maniniil

Ay iyong ibabagsak, tiyakin mo

Na maigugupo ang kaniyang tronong

Itinayo sa iyong sariling katauhan.

Dahil kung ang iyong takot

Ay aalisin, ang luklukan

Ng takot na iyon ay nasa iyong puso

At wala sa kamay ng kinatatakutan.

4. Paghanga

Ang libo mong pagdurusa ang pagkabasag

Ng rabaw ng ilog na bumabalabal sa iyong pang-unawa.

Kung ikaw ang bunga ng kahoy at sidhing

Matungkab upang ang puso

Mo ay malayang tumindig sa araw

At mapanatili mong tumatampok

Sa maya’t mayang himala ng buhay,

Ang iyong pagdurusa ay higit

Na kahanga-hanga kaysa iyong kasiyahan

At makapamamansin ka nang payapa

Sa nagiginaw mong dalamhati.

Ang tungkos ng iyong pagdurusa

Ang hihimay ng iyong sariling kagustuhan.

5. Arrie Alboro

(Ang babae sa aking panaginip)

May isang babaing kay-tagal natulog

Ang pusong inantok kay Hambog na irog,

Sa araw at gabi’y laging may bangungot

Mulang lisya’t selos humaplos kay Hambog.

Tuwing magigising may umaaligid

Na tila bubuyog may bulong sa bibig,

Na ang inihugong lilong panaginip—

Nakapagsisikip sa hinga ng dibdib.

Tumangis ang diwa’t lumambong ang dagim,

Kanyang katauha’y may tundos-panimdim;

Agad iginasang mapurol na pangil

Upang ipanila sa kay Hambog.(Suwail.)

Sinugba ang apoy na may pagmamahal,

Iskong Amorseko ang takdang sandigan.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: