Ipinaskil ni: Raul Funilas | Agosto 21, 2008

Labing-anim (16) na tula ni Tata sa Kaligiran

1. Kabuwan(g)an Ng Buwan

Nagbaga ang buwan kagabing tinitigan kong nagliliyab
Ang aking matang pinag-alab ng nakikitang alaala.
Nagsimula lamang sa isang diklap ng apoy sa batong nahulog
At kumiyakis sa natunggkab kong ulo.

Matayog ang lipad ng ibong Masamang Babala
At naririnig ng ibong Kaawa-awang Hinala ang kakak nito.
Binabantayan ng Masamang Babala ang buwan
Sa mataas pa sa ulap na papawirin upang hindi siya mailigaw
Ng kumpulang alapaap na tumatabing sa kabilugan.

Subalit laging may lambong na lamlam ang limbo ng buwan
Dahil alam nitong magiging kalungkot-lungkot kay Kaawa-awang Hinala
Ang paniningalang pugad sa kaniya ni Masamang Babala.

Narinig ko ang usapan nila nang minsang inaaninaw
Ko ang lawang naglulumen ang bubog
At nakikita kong may binubuong babala
Si Masamang Babala kay Kaawa-awang Hinala.

Hindi siya pansin ng buwan.
Natuwa ako.

Nang makita kong may gumugulong sa dahikang rumurumbong alon
At kinimis ko ng dalawang palad ang nasa humbak nito at isinaboy
Sa batong buhay na nakapatong sa tumangwa ng bundok .

Huli na ang lahat,
Nang biglang umusad ang malaking bato
At gumulong nang gumulong hanggang matungkab ang aking ulo.

Bago mahuli ang higit ng aking hininga’y tinitigan ko ang buwan,
Ang pula ng aking mata’y naglagos sa kulumpong ulap
At salikwaang hangin sa himpapawid, nadarang
At tinalo ko ang lamig ng buwan upang ito’y bumaba
Sa aking kinalalagyan.

Doon ko siya kinausap nang masinsinang
Si Kaawa-awang Hinala ay aking napupusuan.
Sinabi kong lahat sa kaniya ang naganap sa amin
Mulang noong ang kaniyang limbo
Ay nagluluningning ang bilog tuwing ang gabi’y namamanglaw
At dinadalaw ang aming kalungkutan.
Doon nagsimula ang lahat.

(Wagi ng Unang Gantimpala sa Kabuwanan ng Buwan sa Expo Cubao 2008 Performance Poetry)

2. Minsa’y may Hikbing Taglay ang Himpapawid

Halinang pagmasdan ang abuhing ulap,
Isiping sa diwa ang gandang namalas;
Mula sa umagang araw ay sisikat—
Parang inihagod ng pinsel sa kanbas.
Anong mahika ka kiming kalawaka’t
Panay salimbayang kaway ng amihan
Ang iyong pagbati sa tulad kong mangmang?
Wala akong alam…pero may bulungang:
Ikaw daw ay likha sa sangkatauhang
Di dapat pintasan pag may hikbing taglay.

3. Himasmas Ng Hanging Habagat

Sa may lungking hulong kalapit ay batis,
May galit ang himig ng pipit sa siit
Na pulang kasama’y ang kapulapuwit;
At nag-aagawan sa bulateng kapit
Ng dalawang tukang pahilis ang tulis.

Nang biglang pumutok sa gawing ibaba,
Agad nagpanlipad sa takot kapuwa;
Ang bulateng kagat nabagsak sa lupang
May taklang damulag sariwang sariwa’t
May uod na gutom at handang lumapa.

Ang bisong asinta’y ulo ay kinamot
Lipos nanghinayang. Nagtungo sa ilog,
Nag-abang ng pusag sa hugos ng agos;
Ngunit ang nakita ay dagsang kuyagot,
Laking panghimutok nang di nakaputok.

Pamuling nagbalik sa siit na pula’t
Kanyang binantayan ang ibong dalawa,
Laking pagkagulat! May dalawang sawang
Tila siya naman ang inaasinta.
Karipas nang takbo’y waring nagsa-usa.

Sa tumangwang hulo siya ipinadpad,
Sa hirap at pagod katawa’y lumatag
Sa simoy na buyog ng igtad-habagat;
Agad pinatulog ng hanging kay-sarap
Nawala ang puyos ng kurtadong utak.

4. Hudas sa Langit

Sa bawat bituing lumitaw sa langit,
Ukilkil sa diwa’y nais kong masungkit;
Para maihandog kay Neneng inibig—
Opalong aranya sa bikilang dibdib;
Talang maririkit na walang kaparis.

Nahihiwagaan bawat makakita.
Ikaw ba’y Mapulon o Hudas talaga?

Halina’t tanawin ang kumpulang tala,
Upang magliwanag ang subyang na diwa;
Dapat na makita’y tagong talinghaga
Aking iipunin ang ningning. Itala,
Sinupi’t bigkasin na parang makata.

5. Nanggigising Ang Mga Makata

Dakong paumaga,
Ako’y ginigising ng pupong makata’t
Ipinatatago ang libro ng tula.
Sila ay hilerang
Kay-ganda ng bihis animo’y bathalang
May koronang laurel sa lupa’y bumaba.

“Ikaw ang mag-ingat
Nitong aming librong nilabit sa langit,
Nilalama’y tula at di mga awit.
Kung nais mabuklat,
Ikaw ay malayang bigkasin ang titik;
Upang aming akda’y sumahimpapawid..

Habang tumutula,
Ikaw ay lilingon sa lahat ng sulok;
Suyurin ang dagat, ang batis, ang ilog.
Huwag kang luluha
Kung iyong makita ang ulap sa bundok
Na kami ang lulan. (Paakyat sa rurok.)

At kapag natapos
Ang iyong pagbigkas, itago ang libro
Sa antigong kaban at lagyang kandado;
Upang may madukot
Pagdating ng araw ang anak at apo;
Bayaang bigkasin sa tanghalang bago.

6.Lumalabo Ang Lawa Ng Laguna

Lumalabo itong lawa sa paglurok nitong ulan,
May ragasa yaong bahang nanggaling sa kabundukan;
Dahil walang sagkang ugat libong punong ibinuwal
Lupang pikat ay naagnas, umaangkas, gumagapang
Na ang alam kong puntahi’y ang puntod ng aking bayan.

Lumalabo itong lawa sa hampas ng Maninibog,
Nawiwiring kawang isda sa putika’y sumusubsob;
Unti-unting nahuhukay ang banlik na natutulog
Kalamay na hinahalong ang tabsing ay natatakot,
Sa anlog di’y may giyaot ang ligating Mamumukot.

Lumalabo itong lawa sa basurang ikinalat,
Laksang taong nagliwaliw sa tubigang ubod-lawak;
Ang agos ay nalulumpo sa mabahong nagpayatas
Isdang tabang nangamayat hanggang ito’y mangabulag
May makain pa ba kaya ang hagdan kong sintang anak?

Lumalabo itong lawa sa romolyong uli-uli,
Na lumambal ang mapusok na daluyong ng buhawi;
Nahihilong toneladang gilik- burak sasandali’y
Naging dagim itong kulay ng lawa kong itinangi,
Matapang man ang loobi’y sagrado ang aking budhi.

Lumalabo itong lawa ng Lagunang may pang-akit,
Sa dahilang kaming taal matagal ang pagkapikit;
Hindi namin nabantayan ang tubigang may hinagpis
Kaya ito’y unti-unting nalulupog. O, kay-sakit
Na malamang ang lawa ko’y mamamatay sa ligalig.

7. Pamituin*

Nang miminsang dumadalaw ang ulayaw ng nagdaan,
Napagmasdan ko ang lawak nitong lawang kinagisnan;
Ang dalisay tubig-tabang at kumpulang ibong ligaw;
Salibsiba’y papawiri’t kawan-kawang kumakampay
Humahanga ang balanang taga pulong makatanaw.

Ang pagdatal nito’y dagim ang kulay sa papawirin,
Animo ay mandirigmang eroplanong ubod tulin;
May indayog ang imbulog ng liparang pagliwaliw;
At domino ang bulusok sa tubigang namamansing
Ang ligating Manggagalay—hindi ito pinapansin.

Hinahagad sa pangarap ang pagdapo nitong ibon,
Pasalapsap sumalubong sa gulong ng pikong alon;
Dili kaya’y sumagitsit paitaas yaong hantong;
Upang hindi mangadakma nitong batang humahabol
Na pawisang gayong sila’y sa tubig ay lumalangoy.

Ako ngayo’y naririto sa lawa at naghahanap,
Nitong huni o pugad ma’t balahibong nangalagas;
Pinintuhong patong layas nasagap ko sa pangarap;
Sa maghapo’t sa magdamag walang bakas na matuklas
Nasaan ka panaginip ibon ka rin bang lumipad?

*wild duck o pato

8. Sagipin Ang Lawa Ng Laguna
(Doon Po Sa Amin Sa Pulo Ng Talim)

Nagngalit ang bulkan! Pumutok! Sumabog,
Sa bundok Durungaw na napakatayog;
Naukang kaldera ang buong paligid—
Subalit naiwan sa gitna ay tumpok
Ng lupang kawangis ay punyal-panusok.

Lumao’y nagsanaw napuno ng tubig,
Nalilok ang pulong hugis ay kahawig
Ng isang dalagang ang buhok ay lugay;
Nakahiga’t tampok ang kumbo ng dibdib
At ang minamasid ay lawak ng langit.

Naglungti ang bundok, dalisdis at parang,
Sari-saring ibon ang sumasalimbay;
May labit ang paang dinagit na isdang
Nahulog ang itlog. Napisa’t lumuwal
Sa kalmanteng lawa’t pumusag, umigpaw.

May taong natuksong maglayag sa lawa,
Upang mangatarol ang laksang biyaya;
Hanggang sa manigil sa kuwengka’t lungki.
Agad na gumawa ng sasakyang bangka’t
Palakayang kitang. (Pang-umang ng isda.)

Bulunga’y kumalat may umid na ngiti,
At nangahikayat dito mamalagi
Sa pulong kay-gandang animo ay taling
Sa pusod ng lawang bukod itinangi’t
Tila gintong alay sa namalsang lipi.

Padambang nanagwa’t sumisid sa lalim
Ng tubig. Namansing nang usal dalanging:
Nawa ay magtagal ang biyayang hasik
Sa buong palibot sa pulo ng Talim;
Kalakip ay ngising animo’y may lihim.

Hanggang sa umulan, lawa ay tumangis,
Nang tao’y dumagsa sa wawang kadatig.
Inakyat ang gubat ng ungas-palangas,
Pinulak ang punong ugat ay namitig
Bumaha’t yumakap ang banlik sa tubig.
Wala na… wala na… wala ng masalap,
Wala ng masuro litong mananakag;
Wala ng kumibit sa paing bulate
Naming Manggagalay at nangamimiwas,
Sa dunggot at lambak nagkalat ay linab.

At nakipamuhay piladong nagsabing
Sila’ng sasaliksik kung anong mabuti
Sa lawang hininga’y tila humuhuldo
Ang pintig ng pusod. Wala ring nangyari
Sa dilang bulaang daang estudyante.

Kaming taga pulo’y tila minumulto,
Laging natatakot yaring pagkatao;
Kung anong darating sa lawang naaba.
Hindi makahambog, walang maik’wento
Sa piladong anak at libo kong apo.

Ang hiling ko’y hugasan ang kamay at paa,
Sa tubigang kandong ay yutang parusa;
Upang kasalana’y siyang makagamot
Sa sugat na dulot nating taga isla’t
Piliting isalba ng ito’y huminga.

9. Hayuma

Matagal ng sira ang Lambatang Bayan,
Hindi bulag ang isda upang labasan
Ang butas ng tarupit* nang matakasan
Ang propitaryong nagkamal nang yaman.

Nagkakatuwa ang mamemewang** ng pukot,
Wala silang balak hayumahin kahit patutos
Ang lambatan, dahil sa sandaling gumuyod
Ang isda pa-igpaw sa pukot, ibinubunsod

Ng hirap na mangingisda ang bangka;
Upang umangan ang nakatakas na isda.
Nanunudla ang ningas ng silangan sa wawa’y
Nagsusunong ng bakol ang digatong natutuwa.

Hangga’t may butas ang lambat at di nahahayuma,
Patuloy na nakangiti ang pag-asa ng hiblang hininga.

*ipunan ng isda
**taong humihila ng lambat

10.Walang Bahaghari Ngayon

Puting alapaap,
Inyo pong salain ang dumi ng usok
Na nasa itaas, nakasusulasok;
Ang kulay kong taglay ay hirap na hirap.
Utusan ang hangin na galing sa bundok
At parang ng dagat na sigwa’y ibuhos.

“O, hanging sininta,
Sabalas, amihan, habagat, manuwid;
Inyo ng isaboy ang lakas ng ngitngit
Sa gusgusing pulbos na umaalagwa.
Upang makapinta ang sining ng langit
Na di maka-ingkat sa hagdanang bawig.”

Ngunit pati hangin
Ay dagling napagod, iglap huminahon—
Dahil sa nangapos ang silindrong sipol
Sa tindi ng lasong nasa papawirin.
Bahagharing setro’y lansakang naputol,
Nang ito’y magtangkang maging isang pintor.
.
11. May Ibinubulong Ang Gulong Ng Alon
(Sa Lawa Ng Laguna)

Ang mahinang bulong ng gulong ng alon,
Inyong ulinigin at bigyang halaga.
“May kipkip na sungit ang bagong panahon…

Kailan titigil ang hampas-daluyong
Na laging mabagsik ang dalang parusa?”
Ang mahinang bulong ng gulong ng alon.

“Ayaw nang umigpaw ang kawang talilong
Na nangaglalaro’t lipos ang sasaya,
May kipkip na sungit ang bagong panahon.

Malabo ang rabaw na lagi kong kandong,
Dahil naglangkawas ang yangkaw-basura.”
Ang mahinang bulong ng gulong ng alon.

“Takot pumalaot yaong Maninimong
Bihasang tumarol sa along masigwa,
May kipkip na sungit ang bagong panahon.

Kaibigang hangin saan paparoon
Ang bigat-balumbong laging dinadala?”
Ang mahinang bulong ng gulong ng along
May kipkip na sungit ang bagong panahon.

12. Sa Gabi Naliligo Ang Ulap

Gabi kung maglunoy ang alapaapan
At ang pagnanasa’y laging dumadantay,
Hudas man ay hubong may lubid na tangan;
Ahas na gumapang sa tungko ng kalan.
Sisihin ang mundong katawan ay lastag,
Asahang lulubha ang sintong balubad;
Isisilang ngayon ang libong halakhak
Na sa bawat sulok may luhang papatak.
Malasing matagal yaong paliligo’t
O, ang walanghiya’y sa ilog yumuko.
Sugbahin ang dila’t liyab ay pupugin,
Ibuhos ay init sa lidyong damdamin;
Yayamang gahol na yakapi’t siilin
At bigyan ng laya ang atas ng gigil.

13. Kawayan Sa Dalampasigan

Sa batlag ng ilog o saan mang tubig,
Doon ihuhugos kawayang kinalis;
Upang ihilera sa pasiga’t dahik
Dito babalsahing kapit-magkabigkis.

Tulos, panibulos, bural at palipod,
Kawayang lumangoy sa pusod ng laot;
Saklit, sakag, salap tarupit ng pukot
Sa patutong baklad laging namumukod.

Tungulan at pisig ang labong na anak,
Bulbol na naglisag ay sadyang kalasag;
Ang paninilanghad ay di matitinag
Sa hihip at dantay amiha’t habagat.

Hayaang umanod ang kawayang balsa
Sa lawang kasama’y limot na ligaya.

14. Kuweba Ng Matalinting
(Sa Isla Ng Talim)

Dito ko inukit
Ang mga hugis ng nakaraang
Kababalaghan.

Ayon sa kuwento
Ng nunong hukluban: Ang butas
Daw nito’y tumatagos sa utong
Ng bundok ng Susong Dalaga
O Tagapo, subalit nang pangahasan
Kong pasukin at alamin ang inihunta;
Ito’y pawang pagmamaang lamang.

Dito ko inukit ang nakaraang
Kabaliwang kami mismong taal
Na taga isla ng Talim ay napaglalangan
Ng mananakot sa maraming mangmang.

Itanong ninyo kay Limahong
Na tulisang ang kuweba ng Matalinting
Ay ginawa nilang himpilan.

15. Katahimikan

Nang kumalma ang dagat
At natulog ang gubat
Ay payapa ang ulap.
Nagbantulot ang sinag,
Naudlot ang liwanag
Nahimbing ang magdamag
At umidlip ang s’yudad.
Nanganlong ang sabalas
At nagkubli’ng habagat,
Sabay hikab ng ahas
Sa naglunggang bayawak.
Walang kibo ang baklad
Nang lumutang ang igat,
Namanuto ang uwak
At dumating ang Pantas,
Nagsalikop ang palad
At tumitig sa andas;
Ang dasal: Pahimakas.

16. Lulan Ng Alon Ang Paglalayag

Lulan nitong alon ang kanyang pag-alis,
Upang maidaong sa ibayong datig;
Hindi niya pansing may dagim sa langit
Paapupa palang siyang tumatawid.

Nang biglang sumimoy ang hanging amihang
Sa labak ng bundok nakipagyakapan,
Di niya nadala ang yakal na sagwan;
Dahil paniwala’y may kalmang timugan.

Lulan nitong alon ang bigong pagbalik,
Di niya nakita ang linaw ng tubig;
Walang maglalayag sa lawang tahimik
Dahil ang regata’y kumapit ang banlik.

Dinala ng alon ang luhang nanimdim
Sa paglayag niyang hindi nakarating.

Mga tula sa kaligiran


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: