Ipinaskil ni: Raul Funilas | Agosto 21, 2008

Daniel Cristobal

Taong 1964 nang minsang hangaan ko ang isang grupo sa bayan ng Binangonan partikular sa makitid na Pritil kung saan dumadaong ang bangkang kinalululanan naming mga taga isla ng Talim kapag sumusuba kami pabayan. Mga lais na lais ang buhok na animo’y ginagaya si Elvis Presley at pawang nangakamahabang manggas ang polong nagagapos ang laylayan sa hapit na hapit na sinturon. Sila ang “Siga-sigaan” ng bayang Binangonan na kundi man kinayayamutan ng mga sing-edad nila’y hinahangaan naman ng isang tulad kong nagbabagong-tao pa lamang.

Sina Daniel Cristobal, Lando Salonga, Nanding, Edgar, Dante at ang sumikat na si Victor Wood ang tinutukoy kong grupo. Matagal namayagpag ang grupong ito sa buong bayan ng Binangonan hanggang lumaon ay pinalitan naman ng ibang lumitaw na grupo kung saan ang mga mag-aaral na mga taga isla ng Talim o iyong nakikipamabayan lamang ay lipos ang katakutan sa mga kabataang bayan dahil laging pamansag sa aming mga taga isla ng Talim ay mga “tanga-isla.”

Noong Lunes (Agosto 18, 2008) habang ako’y naghihintay ng papa-alis na bangka sa bagong gawang covered waiting shed sa dulo ng daungan at naka-upo sa isang mahabang upuan may nalinga akong paupo sa aming bakanteng tabi na isang lalaking paika-ikang lumakad at maraming bukol sa buong katawan at nakatingin sa akin at sa isang higit sa beynteng edad na babaeng may kalong na batang lalake. Kilala niya ang babae at sa puntong Binangonan ay tinanong: “Iyan ba ang anak ninyo ni ano? “ Tumango ang babae na parang nagkaka-intindihan sila ng taong umupo sa pagitan namin. Hanggang sa inginuso ng babaeng may kalong na bata ang isang lalaking lais na lais kahit halata na ang katandaan.

Isang kanina pa nakikiramdam na lalake ang nagtanong ng di mawaring tanongsa kalapit kong lalaking maraming bukol.” Iyon ba si ano, iyong noong araw na tindera ni ano?” Tumangong parang nagka-intindihan sila ang lalaking maraming bukol. “Taga saan daw?” Humigit ng isang malalim na buntunghininga ang lalaking maraming bukol at matagal-tagal na tumugon. “Tatala.” Nang makita ng lalaking lais na lais na halos pahapay na ring tulad ng lalaking may bukol ang edad ay dumukot sa bulsa at inabutan ng dalawang papel na tig-beynte pesos ang lalaking maraming bukol. “Salamat “Gay.” Anas ng lalaking maraming bukol.May pabuntot pang: Ang tao nga naman, pag susuwertehin.

Hinihimas ng kalapit kong lalaking maraming bukol ang perang ini-abot sa kaniya ay taas-baba ang mukhang sa akin nakatingin. Tinanong ko siya: Taga rito po ba kayo?” “Aba’y ho u naman! Taga diyan sa Libid” baldig niyang sagot at tuloy na nagkuwento:

Magkakabarkada kami noon, kami ang “Siga-sigaan” dito noon sa bayan, kaming tatlo na lamang niyang sina ‘Gay at Victor Wood ang natitirang buhay sa barkada. Itinanong ko kung saan niya nakuha ang marami niyang bukol. “A, sa tigas ng ulo sa magulang at palamara sa katawan.” E, hindi po ba kayo nakalalapit kay Victor Wood na sabi ninyo’y barkada ninyo? Naku, marami na akong atraso doon, nakahihiya nang lumapit.”Dati taga Munting Bundok iyang mag-ina ni Victor Wood at nagtitinda lamang ng sigarilyo at kendi ang nanay niyan dito sa pasiyo ng bayan at iyang si Victor Wood, laging natatalo iyan sa amateur singing contest at kaya lamang iyan sumikat ay may naipakilalang isang baklang dumayo dito sa bayan pero nagtitigil sa Maynila. Hayun, mula noon naging Victor Wood na iyan.Noon ngang tumakbong vice Governor iyan ay naambunan din ako ng konting biyaya pinuntahan ako sa amin sa Libid at nagdala ng kapirangot na panggastos

Tatlo ang naging anak namin nang lumayas kong asawa, at naku! Wala, kung ano pala ang ginawa mo sa magulang mo e, ibabalik din sa iyo ng anak mo, hu! Mga saragateng lumabas ang dalawa kong lalake at iyong nag-iisang babae, Nakow! Hahali-halipaw diyan a, parang eroplanong lipad nang lipad.” Natigil ang pabibida at nagtanong sa akin: “Taga saan ka ba “igan?” e, taga Tabon Malamig po ako, tanga-isla po.” May ngiting lihim na namutawi sa kaniyang namamarilong na labi. “ Naku, sinabi mo, noong araw e minamata lamang dito sa bayan ang mga taga isla pero tingnan mo ngay-on, ang mga may-ari ng mga bahay at tindahang malalaki e panay na taga-isla.” Sabay pagpitada ng bangkang lululanan ko papuntang isla at nagpahabol ako ng isang pahimakas na tanong: Ano pong pangalan ninyo? Hinigit na malalim ang balikat at isang buntunghininga ang pinawalan sabay sabing: Daniel Cristobal po. Raul Funilas Agosto 22, 2008

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: