Ipinaskil ni: Raul Funilas | Agosto 20, 2008

Mantik*

Umuwi akong muli sa isla ng Talim matapos makapiyesta sa nayon ko ng Tabon Malamig at Tabon Mainit dahil sa ipinabubutas kong isang poso 0 artesian well sa napundar kong solar noong 1998. Habang sakay ako ng isang pagukpok at naghihintay ng isang kasamahan ay nakita kong muli ang pagmamantik o paglalaro ng isda sa tubig sa katabi ng anod na bulang. Hindi na tulad ng dati ang mantik, maliit na ang bilog na kanilang pinaglalruan, walang kahalong luksong magtitigib sa diwa ko ng isang masayang alaala, kulang ang kanilang siglang tila humihigit lagi sa rabaw ng tubig ang kanilang ngasab ng sariwang hanging magdudugtong sa kanilang lakas upang kahit paano’y makita ko ang kanilang ipinamamalas na pagmamantik.Alam kong sinalubong ng mga nagmamantik na isda ang bulong kong: Tinutula at ikinukuwento ko ang buhay nilang nagaganap sa lunas ng tubig, doon po sa amin sa lawa ng Laguna sa pulo ng Talim.

Mantik*

Kaylaon kong hinanap ang inyong paglalaro.

Magmulang ang lawa ng Laguna’y lumabo

Bihira ko nang kayo’y makita at maituro

Sa mga dumarayo at sa lawa’y nakikisuno.

Ilang tag-amihan at ilang bugsong habagat

Ang sinalida ko sa di mabilang na paglayag

Doon sa bulangan at dalampasigang latag

Na ang alon at hangi’y laging nagyayakap.

Kahapon, ang kalmanteng diwa’y tigib ng ligaya,

Dahil kumpulang muling kayo ay nagpakita;

Ngunit ang malikmata kong ipinagtataka’y

Di tulad ng dati ang inyong liksi at sigla.

Humayo pa kayo sa matining na tubiga’t

Sa kabangkilas ko: Ang laro’y iparamdam.

Agosto 18, 2008

* paglalaro ng isda sa rabaw ng tubig


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: