Ipinaskil ni: Raul Funilas | Agosto 9, 2008

Trespikong Ocho (Sa Aking Kaarawan)

Sibsib na ang mapulang araw nang dumating sa aking munting galeriya ang mga kasawiling eskultor na mga dating kasamahan kay National Artist Napoleon V. Abueva at iba pang sikat na eskultor upang batiin ako sa aking kaarawan kagabi, ikawalo ng trespikong buwang Agosto 2008. Naunang kumatok sina Mike Haloc at Nonoy Gepte na pawang abot sa tenga ang ngiti habang bumabati. Umaaso naman ang aming kusina sa nilulutong Binuo,(isang lutuing paborito sa Bulakan kung saan ang nagluto ay ang aking natatanging Diwata sa galeriya) pansit, sweet and sour na lapulapu at may namumula sa dugong tuna sa ref na gagawing pulutang sashimi with wasabi.”

Wala pang limang minuto’y kasunod nang dumating sina Jun Vicaldo(ang pinakamaestro ng grupo) Tito,Doming, Jun Bareno, Rey Bareno, Adel, Jojit, at bunso kong lalaking si Peter. Mga nobatos sa lugar kaya alam kong mangha silang pinagmamasdan ang mga eskultura kong kaiba sa kanilang ginagawang eskultura. Hanggang sa magbuo ang tropa na muling ulitin ang isang “Nude Casting” kung saan kukuha kaming muli ng isang babaeng model upang ihulma sa iskayola o plaster of Paris at dito namin gagawin sa mahabang Dulang na pinakasentrong atraksiyon sa aking galeriya.Matitipunong halakhakan ang pumapailanlang sa tagayan ng Rhum at beer.

Nasa kasarapan ang kuwentuhan at tagay namin nang dumating sina National Artist sa Literaturang Virgilio S. Almario, aka Rio Alma, at mentor ko sa entablado at Father of Modern Philippine Performance Art Prof. Vim Nadera at ang modelong diwatang si Yanna Acosta. Mangha si Rio Alma sa ginawa kong rebulto niya dahil hindi niya batid na nililok ko siyang kaiba sa nakapamihasnang tradisyunal na busto. Ipinaliwanag ko sa kaniyang pinalabas kong isang makatotohanan ang kaniyang hitsurang nakatimo ang hintuturong kanang daliri sa sentido habang may lumalabas namang papel na bumalumbon pababa hanggang sa maging isang ganap na akltat na napapatungan naman ng kaniyang kaliwang kamay.

Nagpropose si Prof, Vim Nadera na itong busto ni Rio Alma ang dalahin sa gagawing parangal sa pagiging isang Doctorate Honoris Causa ni Rio Alma sa kanilang bayan sa San Miguel Bulakan sa Setyembre 8, 2008 kung saan tahimik at walang kibong tatango-tango si Rio Alma habang tumutungga ng lite beer at namumulutan ng sashimi. Ayaw niya ng inihanda kong redwine. Ang huling pinag-usapan naming ay ang paglulunsad ng kaniyang librong “Mga Biyahe, Mga Estas’yon kung saan ay ilulunsad sa LRT2 sa Santolan Pasig City kasama ng programang” Tulaan sa Tren” ng National Book Development Board (NBDB) na ipinablis ng Anvil Publishing House. Hindi nagluwat ay nagpaalam na si Rio Alma nang makadalawang beer at pumirma sa aking ‘Dulang” ng simpleng “RIO” habang nagpaiwan naman sina Yanna at Ser Vim.

Ilang minuto pang nagkakatuwaan nang basagin ang malulutong na halakhak sa aking kaarawan ng isang text sa aking celpone: “On d way na kami pare.” At di naglipat minuto’y dumating ang aking matagal ng kumpareng tuwinang kaarawan ko’y hindi pumapalyang pumunta at bumati, si Pareng Nilo dela Cruz aka Sergio Romero na Hepe ng kaliwang grupong Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade (RPA-ABB) kasama ang kaniyang maybahay na si mareng Gina, isang reporter na base sa Hongkong at tatlong mapupulang alalay na sina ka Rudy, ka Eric at ka Joel.

Ipinakilala kong isa-isa ang mga kasawili at mga kasama kong manggagawang eskultor o “alilang kanin” ng mga sikat na eskultor kay pareng Nilo na tuwang tuwang nakihalubilo sa mga kasamang manggagawa. Habang lumalalim ang gabing hindi naman hinuhukay ay bumabaha ng laway sa tawanan, tudyuhan at ang iba nama’y nagiging malagihay na sa inihanda kong Generoso Rhum at beer. Bawat isa’y nagsasabing magdidisplay ng kanilang likhang eskultura sa aking galeriya kung saan ay tinanguan ko. Nasa rurok ang tagayan nang dumating ang mga kasamahan ko sa LIRA na sina Mao dela Cruz na malapit nang maging abogada, Dai Miranda (na ang unang dinakma ay ang ibon sa balikat ng eskulturang si Saint Francis de Assisi at kumanta pa ng: “Put your bird on my shoulder.”) Enrico Villasis, at mga dating fellows ng LIRAng sina Karla Bersola at JC Sola na piming nagngingitian.

Nang umalis sina pareng Nilo ay nag-iwan ng isang pangakong ipasusulat niya sa isang kasamang reporter sa Inquirer ang kabuuan ng aking galeriya at ilang oras lang silang naka-aalis ay nagtext na sa aking nakausap na niya ang taga Inquirer at pumayag daw na isulat ang aking ipinagmamalaking galeriya.

Lahat na pumunta sa aking kaarawan ay nag-iwan ng mensahe at lagda sa aking pinakasentrong “Dulang” sa galeriya na halos magdadalawang daang taon na ang tanda ng pagkakahoy.

Isinara ng grupong LIRA ang tabing ng aking kaarawan dakong ikalawa’t kalahati ng umaga na pawang umi-ekis ang mata sa antok at Generoso.Raul Funilas 08-08-08

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: