Ipinaskil ni: Raul Funilas | Agosto 9, 2008

Mga Biyahe, Mga Estas’yon ni Rio Alma at Sabwatan nina Vim, Tata at Khan

Puyat sa nakaraang kaarawan, isang ingay ang pumukaw sa aking pagtulog dahil bumagsak ang nagba-vibrate kong celpon na lumikha ng isang kalabog, nang tingnan ko ay may call na si Ser Vim Nadera ang na-alimaymayan ko sa kabilang linya.

Oy, Ser Vim! “Tata, wala ka bang pupuntahan ngayong sabado?” Tatapusin ko iyong busto ni Jun Balde. Balikwas kong tugon. “May deadline ka ba d’yan? E, me buklawntsing ngayon si Rio Alma sa LRT Santolan, p’wede ka bang magperform? Tayong tatlo ni Khan. Tutula ka at tutugtog si Khan at ako naman ay magpipinitens’ya.” Sige Ser, wala naming deadline ‘tong rebulto ni ser Jun Balde. Pagpayag ko.

“ Magsuot ka ulit ng Pari attire at kunwari ay nagmimisa ka pero ang babasahin mo ay ang tula ni Rio Alma habang si Khan naman ang tutugtog, basta tulad ng dating gawi.” Ok Ser kako.” ‘Yung celpone ko nga pala?” Narito na sa akin Ser dalhin ko mamaya. “Ok, mga alas dose daanan kita, magtaksi na lang tayo kasama ko ang pamilya ko.” Opo ang huli kong tugon sa kaniya.

Hinanap ko ang aking damit-pari sa aming kumoda at nakita kong nakabalot pa sa plastic bag, huli kong ginamit pagpi-perform noong di pa ako na-oopera sa tiyan noong isang taon sa F Fashion sa Kamuning kung saan kaming apat nina Ser Vim, Khan, at John Torres ang sama-samang nagperform ng isang makabagong halaw sa Pasyon at pagsesenakulo.

Lampas alas-doce na nang dumaan si Ser Vim habang ako’y napa-idlip na sa tumba-tumba kong rattan. Nakabihis-pari na ako para kako hindi na ako magbibihis doon at tulad na rin ng dating gawing dadating akong magmamano halos lahat ang hindi ako nakikilalang isa palang impostor na pari.

Nagkandaligaw kami sa pag-akyat namin ng mag-anak ni Ser Vim sa LRT2 Santolan dahil doon pala sa Depot ng LRT gaganapin ang book launching ng librong Mga Biyahe, Mga Estas’yon ni Rio Alma. Mabuti na lamang at naigiya kami ng isang supervisor patungo sa lugar ng okasyon. Muli, may nagkamaling magmano sa akin na pina-uunlakan kong bendisyunang animo’y tunay na pari at ang iba namang matamang nakamasid lamang habang sinusuyod ko ng tingin ay magalang na iniyuyukod ang kanilang mga ulo tanda ng paggalang. Ngunit sa mga nakakikilala sa akin ay panay sabik na ngiti ang ipinupukol kasama ang pagkaway. Maging ang mag-asawang sina Julius Babao at Tintin ay nagpukol din sa akin ng pagyukod. Napag-alaman naming ni Ser Vim na alas-cuatro pa pala kami magperform kaya nang matapos ang kalahati ng palatuntunan na ang kasunod ay ang pagbiyahe sa tren papuntang Recto pabalik muli sa Santolan ay naghubad muna ako ng damit-pari at sumama sa hugos o daloy ng taong makikipaniya sa Tulaan sa Tren.

Bago sumakay sa tren ay panay ang kindatan ng mga celpone at makabagong Kodak na kasamang nagpapakodak kina Julius Babao at Tintinn pati nga kami ni ate Betty Medina ay nagpakuha rin. Habang naglalakbay ay umaalingawngaw ang mga tula ng mga kasamang makata na ang mga tumula ay ang mga artistang kasakay namin sa tren samantalang sina Ser Rio Alma at Jimmy Abad ay pawang masasayang pinakikinggan at ginagawa pang trumpeta ang mga palad upang maulinig ang lumalabas na tinig sa speaker ng radio ng tren. Nang dumating ang tren sa Recto ay pinagawi kaming lahat sa dakong unahan ng tren pabaligtad at doon namin nabasa ang lahat na paskel ng mga tula ng mga kasamang makata tulad ng tula nina Rio Alma, Vim Nadera, Teo Antonio Jimmy Abad at marami pang iba.

Nang humimpil ang tren sa Santolan ay iginiya kaming muli pabalik sa pinagdausan ng programa kung saan ang huling bahagi ay ang paglulunsad ng lirong Mga Biyahe, Mga Estas’yon ni Ser Rio Alma. Kinuha ko ang damit-pari ko sa kotse ni ate Betty Medina at muli akong nagbihis pari kasama si Ser Vim na nagbibihis na rin ng kaniyang costume sa CR. Hindi pa kami nakapagtatapos pagbibihis nang pumasok at nagwewe si Rio Alma at kami’y tinudyo ni ser Vim: “Talaga kayong dalawa, oo, gusto lamang ninyong makalibre ng libro kaya kayo naggaganyan.”Sabay tawanan naming tatlo. Pabuntot pa niyang salita’y:”Sabagay, kayo lang naman ni Tata ang nagkakaintindihan sa ginagawa ninyong sabwatan. Galingan ninyo!” Habang lumalabas sa CR si Ser Rio Alma.

Nakipagsabwatan kami sa isang nakapolo barong na guard at isinama namin siya sa eksenang siya ang dadakip sa maingay na si Ser Vim habang kami ni Khan ay nagsasabwatang kumakanta ng tula at tumutugtog. Nang marinig naming ni Ser Vim na tumutula na si Haring Teo Antonio ng Aral ng Talampakan na siya din naming ipi-perform ay nagbago kami ng babasahing tula, pinalitan namin ng Estranghero kung saan mas maiksi kesa sa nauna.

Aaminin ko, hindi kami handa ni Khan dahil wala kaming ensayo man lang, impronto-uradang bahala na ang gagawin namin. Malakas ang sigawan nang tawagin ang mga pangalan naming tatlo ng host. Huli naming tatlo ang kiliti ng mga nanonood kaya bigay-todo, kaniya-kaniya kaming bisti sa performance at nang matapos ay mas maingay na palakpak ang ipinukol sa aming pagtatanghal.

Tama ang sabi ni ser Rio Alma, binigyan kami ng tigi-igisang librong Mga Biyahe, Mga Estas’yon ng namamahala sa paglunsad. Habang papauwi kami sakay ang mag-anak nina Ser Vim at Maam Elay ay pinag-uusapan namin ni Ser Vim ang aking passport kung natapos na ang renewal sa DFA. “Malay mo isama kita sa biyahe sa abroad upang magtanghal.” Buntot na wika ni Ser Vim. Pabiling-biling ako sa higaan dahil sa puyat sa nakaraan kong kaarawan subalit pinasasaya ang diwa ko ng huling salita ni Ser Vim. Raul Funilas 08-09-08


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: