Ipinaskil ni: Raul Funilas | Agosto 7, 2008

Buwan Ng Pambansang Wika Sa UST

Dalawang araw ang ginasta ko paroo’t parito sa St Raymund Bldg.sa UST upang tumalima sa isang paanyaya ng mga Faculty sa College of Commerce upang maging

huwes at maging isang tagapagsalita sa kanilang ginanap na pagdiriwang sa Buwan ng Pambansang Wika na may temang:Wikang Filipino at Komers’yo: Magkatuwang sa Pag-unlad.

Hindi na banyaga sa aking paningin ang mga naroong kasama kong magsasalita ngunit ang naging kapingkian ko ng mga pangungusap sa aking kaliwang tagilirang dalawang dakilang tarikan na sa haligi ng Panitikang Filipinas ang naging tapang ko upang bumigkas ng mga pangungusap na kailangang mabatid nang higit isang daang mag-aaral at pupong mga guro ng UST. Sa totoo lang kinabahan ako, iba pala ang entablado ng performance art at iba ang entablado ng akademiya.

Sina Abdon Balder Jr. at Dr. Efren Abueg ang nagpalakas ng loob ko upang ibahagi ang kahalagahan ng isang wika sa pangangalakal. Sa ilang oras naming pagbubulungan ni Ser Efren ay marami akong natutuhang ideya at taktika kung paano mahalin at kupkupin ang sariling wika higit ang Filipino, simula pa noong bago pa lamang silang namamayagpag ang kanilang kabataan ay higit silang kinakitaan ng mga mahihirap tarulin o aruking talinghaga, maging ang kani-kanilang maestro at maestro ay namamalikmata sa mga dalumat at retorikang pinaglalandas nila sa kanilang dila at kaisipan, ganun daw sila nagsimulang kilalahin ang kanilang larang. Kumbaga’y habang mahirap intindihin ang kanilang isinusulat ay mas bumabanyuhay ang kanilang pagiging manunulat.

Higit namang nagpasilakbo ng kaalaman si G. Jun Balde na isang Consultant ng National Bookstore kung alin-aling librong nakalimbag sa wikang Filipino ang mas higit na bumibenta sa NBS maging ito’y ditto sa ating bansa at iba pang bansa. Sa maniwala kayo’t sa hindi ay ang mga kuwentong kababalaghan, kuwentong pambata, Noli Me Tangere, at iba pang maninipis na libro ang higit na tinatangkilik na sa loob ng isang taon ay milyong piso ang pumapasok sa kaban ng NBS sa bawat isang libro.

Nagbigay din ng mahahalagang punto si.Bb. Sarah Jean Grutas, Editor ng Fox Literary House at isang mag-aaral ng UP at nagmamasteral sa Malikhaing Pagsulat sa Filipino, pinasaringan niya ang NBS na noong minsang magpasik sila ng mga akdang erotica na may mga nakasulat na puki, utong, libog at ilan pang nakapipiping bahagi ng tao ay ni-reject nila ito samantalang nang minsang bumili siya ng isang librong ingglis na pinayagang ibenta ng NBS ay nabasa niya sa salitang banyaga ang mas higit pang nakalilibog at nakagugulat na imaheng pagkadusta sa puki, suso at utong na nagnanaknak at ilang maselang bahagi ng babae. Na sinagot naman ni Jun Balde na wala pa siya sa NBS noong mga panahong iyon.

Inihunta ko naman ang mga minana kong kuwento kay lelong na isang salawikaing tagalog na: “Nagiging isang kayamanan ang wikang pinakokoronahan.” Simpleng kuwento lang ng karanasan kung paano kumikita at naipangangalakal ang isang wikang may korona ang aking ibinida. Mula sa sinaunang anting-anting na binabayaran ng malaking halaga noon makamit lamang ang isang birtud, higit kung ito’y nasasawi o gustong makapag-asawa ng kanilang napupusuan. Lumalabas din ang mga bulaklak ng dila kapag nagtitinda ng isang kalakal at higit sa lahat, ang aking paglalagay ng mga tula sa aking ginagawang eskultura. Ipinabatid ko ring panay taga UST ang kapural upang marating ko ang pagiging isang makata dahil ang nagdala ng una kong manuskritong Halugaygay sa Dalampasigan ay ang pamosong Varsitariang si Director Vim Nadera kung saan ay siya din ang nagdala sa akin sa entablado ng performance art hanggang sa pelikula. Si Tarikang Roberto T. Anonuevo naman na taga UST rin ang nagpadulas ng mga hulagway sa aking tula sa pamamagitan ng pagtaas ng baso na may lamang beer at alak sa sulok-sulok ng siyudad ng Pasig at Quezon City kung saan ay ipinagkit niya ang makabagong panimulang salitang may ekwasiyon sa aking libro. Ipinamarali ko ring nakasalang ngayon sa UST Publishing House ang nagsegunda sa Gawad Likhaan 2008 ng UP Literary Prize Contest na akda kong higit limampung tula na may pamagat na Mahiwagang Bulong Sa Sinapupunan ng Himpapawid upang maging isang ganap na libro. (Kung may awa ang Panginoon.)

Nagbigay din ng kabusugan ang pahayag ng isang Cluster Manager ng Goldilocks na si G. Ferdinand Mendoza na gumulat sa aming lahat na ang Goldilocks pala ay hindi lamang dito sa ating bansa naghahandog ng kanilang masarap na cake meron din sila sa Mindanaw, Visaya at Luzong mga tindahan, marami din daw silang nakaturay na sangay sa ibang bansa ng Canada at Amerika. At higit na natuwa ang mga mag-aaral nang mamahagi siya ng supot-supot na tinapay.

Makabago namang teknilohiya ang ipinakita ni G. John Rojo at sa pamimilipit na wikang Filipino ay naihatid niya nang maayos ang gusto niyang iparating sa mga naroon kung saan ay nagbebenta ang kanilang kumpanyang Bayantel ng isang landline na celpone. Higit na mahugong ang anasan ng mag-aaral dahil ginagagap nila ang mga patalastas sa telebisyon kinopya at isinilid sa dalang laptop ni G. Rojo, sinasabayan nila ang mga galaw at salita ng mga karakter ng patalastas ng Coke, McDo na ang wika ay malulutong na Filipino bagaman na ang may-ari ng mga dambuhalang kumpanya ay mga dayuhan.

Si Ser Efren Abueg naman ang lumagom sa lahat na sinabi naming mga tagapagsalita kung saan inihayag niya na higit nating pagyamanin ang sariling atin dahil hindi ito mamahalin at tatangkilikin ng mga dayuhan, ipanahimig din niyang may hinanakit sa mga kabataang kung hindi sila ang magmamahal sa ating sariling wika ay sino pang mga batang susunod sa kanilang henerasyon ang maka-iintidi sa kahalagahan ng ipinaglaban nilang gamitin ang sariling wika.

At ang panghuli ay ang pagbibigay parangal at sertipiko ng pagkilala sa mga nagwagi sa Dagliang Talumpatian at Sanaysay na pinangunahan ng mga masisipag na guro ng UST College of Commerce na sina: Prop. Beverly Siy, Prop. Corazon E. Pura, Prop. Lucila S Raquepo at Prop. Cathrene T. Cortez na sinundan ng isang meryendang ubod ng sarap. Tata Raul Funilas Agosto 8, 2008.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: