Laging naririnig ang kanilang dayaw
Sa buong paligid nitong santuwaryo—
Buhat nang dumating ang tagak na ligaw
Na hangad sakupin ang silaang trono.
Kahit lawinsunsong ay nagsabing: Sila’ng
Umuka’t nagpugad sa koronang tigas
Ng tangkaring kahoy kaya marapat na
Ihabla na lamang ang may huning malas.
Habang nakakulong ang tigmamanuki’y
Sibasib manila ang migranteng tagak,
Ang kanaway nama’y sumuba sa hangi’t
Ang matang matalas ay nangagmamatyag.
May galak ang tagak dahil sa nabundat
Nang makapangahig sa lungtiang ilat.
Advertisements
Mag-iwan ng Tugon