Ipinaskil ni: Raul Funilas | Agosto 4, 2008

Paglisan

Musmos na isipa’y tumingkad sa lawang maganda’t marikit,
Magtimbol mamalsa sa saha ng saging humugis ng putik;
Aplayang laruan maraming ayungin biya at kandirit
Aking kalaruan, kayakap, kapiling ay along mabagsik.

Dito rin tumimo ang aking pangarap pagdating ng araw,
Sa aking paglayo sa piling ng alon kukuni’y tagumpay;
Doon sa malayong paninimbulan ko upang maka-igpaw
Na ang tanging labit ay katotohanang may sipag at tapang.

Sa aking paglisan hingi ko’y bendisyon kina ina’t ama,
Masasal na hikbi ang tanging pabaon nina ate’t kuya;
Ang latak na bunso panay lang ang ngiti’t namamalikmata
Ang tanging habili’y: “H‘wag kang magtatagal babalik ka kuya.”

Dumaan din ako upang magpaalam kina lola’t lelong,
Inulit ni lelang ang gawad sa aking debosyong bendisyon
Ang usal ni lelong bakit ka aalis iiwan ang nayon?
Di baga’t ikaw ang mamana ng aking hirap na inipon?

Di ko na natiis ang kanyang sinabi’t ako ay nangusap,
Kaya po lilisan ayaw kong manahin ang pagdadahulap
Ang inyong kadenang huran-hurang lagi ang dusa at hirap;
At ang tanikala ni ama ay mana sa inyo ring ganap.

Lumibid rin ako sa aking kasuyong maganda’t may aliw,
Ang tanging pabao’y luhang tumutulo at isang wikain:
“Sakaling tagumpay pupuntahang lugar p’wede mong limutin
At kung bigo nama’y narito lang sinta’t kita’y hihintayin.”

Nang ako’y sumakay sa kaskong layagan akin ding nilingon,
Ang bundok Tagapo kubkob nitong ulap sa duloy nagtimbon;
Waring nagtatago aayaw pakita’t siya’y nagmamaktol
Paglisan ng isang tutudla ng buhay sa malayong layon.

Sa bubog na lawa ako ay dumungaw aking nasalamin,
Ang ulap sa langit taboy ng habagat ay napakadilim;
Bumuhos ang ulan walang pasintabing siya ay darating
Ito’y nagbabadya ng pangungulila sa anak ng Talim.

Akin ding natanaw sari-saring isda ay namamaalam,
Tumutulo’y luha sumanib sa bubog nitong lawang kristal;
Ang ngasab na ngiti’y ipinapahayag bula’t kalabusaw:
“Bakit ka aalis kami’y iiwan mong sa lawa’y mapanglaw?”

Nasaksihang lahat ang pangungulila sa aking paglisan,
Magmula kay ina, kay ama, kay ate, kay kuya, at latak
Kay lelong, kay lola, kay sinta , sa isda, Tagapo at ulap;
Alam kong aayaw na ako’y umalis sa lawang nilingap.

Aking nililirip magulong isipan ako ay bumalik,
Hindi kakayahin ang pamamaalam na angkas sa dibdib;
Ako ay nagpas’yang di ko lilisanin ang islang marikit
Hanggang ang bibinga’y dito na malagtas hininga’y mapinid.

Sino ang sisinop ng maiiwanang pamana ng lawa?
Kundi kaming taal mismong taga-Talim mga magpapala,
Kami ang tatayo at ipagtatanggol sa mga sasagka’t
Lilipol ng lamang napakasagana sa bundok at lawa.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: