Ipinaskil ni: Raul Funilas | Agosto 3, 2008

Dalawang Tula sa Tubigan

1. Bulong ng Tubigan

Bumubulong ang inang lawa.
“Mitig na ang aking pusod,
Wala nang maaninaw sa laot,
Wala na ang tabsing,
Lupog na ang hinga ng tubig.

Itangkal muna ang laman ng lawa.
Isda, suso,kuhol, lumot at mga iba pa,
Pati yaong nakahulagpos na lamad sa mga tampalasan.

Tastasin ang hayuma ng pukot at sakag,
Pakuluan ang mga lunday sa dagta ng kahoy gubat;
Ibangkiki pansumandali-
Upang di mapawi sa alaala
Ng mga sisibol na lahi
Sa aking pampangin.

Di ko alam at di nababatid
Kung hanggang kailan ang aking pagkalunod.
Sana, ang mga sisibol sa hugis balaraw na pulo
Ay may bagong anyo ng kasiglahan.

Na magtuturing sa mga sasamlang na muli
Na isang kabalahuraan ang kanilang naiwang alaala.
Sa mga yangkaw sa kadawagan ng laot,
Sa mga kadawagang dalisdis ng gubat,
Sa mga bunggang nag-ayap at nag-aantawan
Sa kalawaan kong di man lang nila sininop;
Upang ang lupog kong hinga’y maibsan
Kahit kapirangot lamang
Upang maisiwalat ko ang aking pananamlay

Kahimanawari dirasal.

Mahal na Birheng pinagpala,
May lumuwal pa sa aking kapatagan
Na magbabanlaw sa mga burak ng pighati,
Upang ako’y muling mapagtampisawan
Ng mga taga isla ng Talim

2. Ghazal Ng Tubig

Sapupo ng lawa, ilog at karagatan,
Ang tubig ng buhay ng natatanging buhay.

Nagpatingkad ng kulay nitong bahaghari,
Tubig na malinaw at tangi nating buhay.

Malayang humugos, ilambo’y walang patid,
Ang tubig na tanging kaloob sa may buhay.

Aranya ng talon ang humanga’y banyaga
Sa lagaslas ng tubig tanging tanging buhay.

Pantimpla sa alak at umalsang negosyo—
Ang tubig ang tanging nagpabago ng buhay.

Sariwang dumantay sa pitang kultura’t
Tubig Ay iTinAngi sa buhos ng buhay.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: