Ipinaskil ni: Raul Funilas | Agosto 2, 2008

Kaming Mga Alilang Kanin

Gasgas na sa aming mga kasawiling eskultor ang salitang “Alilang Kanin.”

Alaala, ipinagawa sa akin noon ni Prof. Froilan Madrinan ang isang rebultong tanso ni Presidente Jose Laurel para sa lalawigan ng Batangas na may kalahating pulgada ang kapal. Galante si Ser Froilan sa mga nakokontrata niya at ipinagagawa sa tulad kong hindi sikat na eskultor. Sa isang busto na nagagawa ko ng isang araw ay binibigyan niya ako ng labindalawang libong piso(12,000.00) at may kasama pang kuwento noong nag-aaral pa lamang siya sa UP College of Fine Arts kung saan ay kinukuha ang utak at lakas niya ni Napoleon Veloso Abueva bilang “alilang kanin.”

“Alilang kanin lamang ako noon brad (Brother ko nga pala si Prof. Madrinan sa isang samahan) at bigyan hindi ni Billy Kulot.” Baldig kong tugon: Ako nama’y hindi brad, siya (Kulot ang tawag minsan kay ser Billy Abueva,) ang nagpi-presyo kung magkano ang gusto niya na noon naman ay malubha ang aking pangangailangan dahil kasalukuyan akong nagpapalaki at nagpapa-aral ng anim na anak.Pag sinabi ni Ser Billy na para sa bayan at para sa Diyos ang ginagawa namin, ibig sabihin noon ay babaratin ka niya.

Tulad noong ginawa kong Balanggiga Masaker sa Samar. Urada niya akong pinuntahan sa bahay at sinabing may project siya sa Balanggiga Samar at pinagawa niya ako ng siyam na sundalo at dalawang Pilipinong may hawak na itak at sibat.Nagdrowing siya ng isang sundalong may hawak na baril at nakatingala sa isang kampanang naging hudyat upang sumiklab ang Balanggiga Masaker noong 1901, binigyan niya ako ng mga larawan ng sundalong nabuhay noon sa nasabing masaker na siyang paggagayahan ng gagawing eskultura. “Ol, bigyan kita ng walong libong piso kada isang tao, akin ang materyales.” Malumanay na untag niya sa akin na ginagawa ko sa loob ng isang araw ang isang tao puwera ang ulo, siya ang gumagawa ng ulong resin at ipinadudugtong na lamang niya sa akin. Natapos ko ang trabaho ngunit kulang ang bayad. Pag nakasingil daw.

Ang nangyari’y lumipas ang inauguration etsetera ay di pa ako binabayaran, panay vale at maniwala kang inabot ng isang taon bago niya ako binayaran kung hindi ko pa tinawagan at sinabing ipadya-diyaryo ko na siya. Takot siya kapag magsusumbong ka na sa mga taga diyaryo. Maraming “alilang kanin” akong nakitang manggagawa sa kaniyang studio na minsa’y sa akin naghahambing ng kanilang karanasan at kagipitan: Kaya lamang di sila maka-alis kay Kulot ay mahirap ang buhay at mahirap maghanap ng trabaho. At kaya lamang makapupunta sa isang tulad ko para magpagawa ay pag tinakbuhan nang ibang “alilang kanin” o skilled workers si Kulot. Katunayan, may isang artikel na lumabas sa Kule ( Philippine Collegian) noong panahon nina Jaja Arumpac at Richard Gappi hinggil sa pambubusabos ng ilang sikat na eskultor sa kanilang mga kasawiling eskultor na may pamagat na ANONIMO.

Medyo nakabawi naman sa amin si Kulot noong 1989 kung saan dito sa bansa natin ginanap ang 6th Asean Square Sculpture Symposium at isa ako sa pinuntahan ni Kulot upang magturay ng dalawampu at apat na piyeng eskultura ng delegado ng Brunei na ngayo’y makikita sa tagiliran ng Cultural Center of the Philippines (CCP) na tinawag nilang Liwasang Asean. Mahigit kaming dalawampung kasawiling eskultor na lumilok ng mga eskultura ng mga bansang Thailand, Malaysia, Singapore, Brunei, Indonesia at Philippines kung saan ang suweldo namin ay tumataginting na dolyar. Wow! Doon sa proyektong iyon ko napundar ang una kong owner type jeep at ilang kagamitan sa bahay.

Nagretiro na sa pagtuturo si brad Froi at paminsan-minsan na lamang kaming magkita sa tagiliran at loob ng simbahan ng Krus na Ligas pag araw ng linggo at laging sumisenyas na malabo na raw ang mata niya. Nabanggit ko ang itinayo kong munting galeriya at tuwang tuwa siyang may pagmamalaki para sa akin at nalulungkot siya sa ibang mga kasama kong “alilang kanin” na hanggang sa kasalukuya’y gapos pa rin ng ilang sikat na eskultor.

At nitong nakalipas na Biernes, Agosto 1, 2008, mahigpit ang imbita ng isang eskultor sa katauhan ni Seb Chua para dumalo sa kaniyang solo exhibit sa Artasia sa Megamall kung saan ang ilan sa mga kasawili niyang eskultor ay mga nakasama ko rin kay Kulot. Nakita ko at naikuwento ang maayos na pagtrato ni Seb sa kaniyang mga eskultor, mula sa suweldo hanggang sa pakikisama. “Mahaba ang pisi ni boss Seb.” Sabi ni Noy Gepte at Jun Vicaldo. Ginagastusan talaga ang mga obra at binibigyan ng pagkakataong sumikat ang mga tauhan. Pinasasali niya sa mga competition ang kaniyang tauhan na gamit ang mga materyales ng kaniyang kumpanya at kapag nakasungkit ng premyo ay kanilang pinaghahati-hatian.

Saktong ika-anim ng gabi kami dumating ng kasama kong alalay sa Artasia at maringal ang kinang ng bawat eskulturang nakapalamuti sa paligid, pansin din ang mga bisita ay mga mayayaman dahil sa kanilang mararangyang kasuotan at naniningkit na mga mata. May ngiting namumutawi sa mga kasawiling eskultor ni Seb lalo pa’t maraming pula at lungting bilog na nakadikit sa higit sampung eskultura na ang ibig ipakahulugan ay may nagpareserve at sold na ang obra. Binati ko si Seb at ipinakilala ko ang aking kasawiling alalay.

Nang dumating si Senador Edgardo Javier Angara ay sinimulan na ang programa, kasama ang mga opisyal ng UNICEF kung saan nagdonate si Seb ng Mother and Child sculpture. Malulutong na halakhak at masigabong palakpakan ang ibinabato ng mga nanonood sa bawat salitang umaalingawngaw sa bulwagan ng Artasia. Hanggang nagsipila na sa pagkain ang mga tao. Nang nakapila na ang mga kasawiling eskultor ni Seb at sempre kasama ako ay may isang babaing pumukaw sa aking pandinig sa malutong niyang salita nang makitang nakapila ang mga taong sanhi upang magkaroon ng isang solo exhibit si Seb Chua.

Nakahanay sa pilahan ng pagkain ang mga gumawa ng eskulturang nakahilera sa bulwagang sina: Rey Bareno, Francis Hapilis, Tito Obor, Jun Bareno,Jun Vicaldo, Miguel Haloc, Jojit, Domingo at ako nang umusal ng isang makapangyarihang tinig ang isang babae: Mamaya na kayo pumila, paunahin muna ninyo ang mga bisita!” Itinanong ko sa isang kahilera ko kung sino ang nagsasalita at ang malumanay niyang tugo’y: Iyan ang asawa ni Seb Chua.

Raul Funilas Agosto 3, 2008, Megamall, Pasig City


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: