Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 30, 2008

Iba Talaga ang Tarikang si Bobby Anonuevo

Maaga ang pasinaya ng p’re kong Tarikan sa aking ika-‘pu’t pitong kaarawan sa susunod na linggo dahil walang itinapong isa mang salita sa ginawa niyang Paunang Salita sa panganay kong librong Halugaygay sa Dalampasigan na inilathala ng UST Publishing House.

Maraming nagulat at nagtatanong sa ginawa niyang hindi man kalabisan ay masasabing kauna-unahang pagtatasang naiiba dahil sa ekwasiyong pinagpakis-pakis niyang nilansi ang mambabasa at sa bandang huli’y tuluyang maniwala ang balanang nag-iisa si Bobby Anonuevo sa larangang ginagalawan.

Higit na nakagugulantang na sa loob nang maikling panahon ng kaniyang “dakilapinoy blog” ay higit sa limampung libong (50,000) mambabasa ang dumalaw dito upang namnamin ang sarap ng hagod ng kaniyang naiibang akda.

Inaamin kong malaking bahagi ng buhay ko sa panitikan ay galing sa bukal ng kaniyang mga pangungusap, iba ang kaniyang malumanay na salitang halos pabulong kung bigkasin subalit uukilkil sa malikhain mong diwa ang halaga ng kaniyang anas at doon pa lamang ay gumigitaw na isang alimbukad ang kumpulang ideya.

Naiiba siyang kumilatis ng tula tuwinang tumutunghay ng mga tula ng kasapi at fellows ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo o LIRA. Walang ligoy niyang binibigkas ang “ekis” kapag walang pinupuntahan ang tula at walang gatol din niyang sinasabing “maganda” ang isang tulang nakikita niyang sa mga unang taludtod pa lamang ay nagigising at bumabangon ang persona at sa paglilipat saknong ay tumatakbo na ito sabay ng paglipad sa sinapupunan ng talinghagang gusto nitong tunguhin.

Kaiba talaga ang kumpare kong Tarikang kauna-unahan at pinakabatang hall of famer ng Carlos Palanca Awards sa pagtula. Iba ang tarugong bagwis na binaunan ng balahibo ng kaniyang pakpak, mukhang ibang lugar ang sinisipat: Ang makalipad sa sa ibang bansang kikilalahin ang bagsik ng kaniyang panulat. Palagay ko, hindi magluluwat ay makakamit niya ang mithing pangarap na bibigkasin niya ang dalumatang bayan sa ibang panig ng daigdig sa puro at dalisay na Filipino. Mabuhay ka pre! Imbitado ka sa tagayan sa aking kaarawan sa aking munting galeriya sa gabi ng 8-8-08 sa Don Antonio Hts Subdivision kasama ang mga mahilig sa sining at arte.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: