Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 27, 2008

Albinong Lili (Puting Waterlili)

Malala ang dalahit ng ubo ko nitong nakalipas na apat na araw kaya ‘t muling sumuba sa lawa ng Laguna upang humitit ng sariwang hangin at tumupad na rin sa kinagisnang kulturang dumalo sa Honlugan ng isang pamangking ikakasal.

Iba ang simoy ng sariwang hangin sa laot habang hinihiwa ng sinasakyang bangka ang nagiginaw na tubig sa patak ng maliliit na tikatik ng ulan. Gumigitaw sa diwa ko ang nakaraan naming pamamalakaya ni lelong sa laot ng dunggot ng pulo ng Talim dahil nakita kong muli ang isa sa palatandaan ni lelong kapag nagsusungit ang panahon, nakita kong muli ang “itim na karayom.” Ito ang isang maitim na tulis na tulis na balumbon ng ulap na nagbabadyang may unos na darating, halintulad tuwinang dadayaw ang tigmamanukin.

Naku! Kako sa timonero ng bangka, lalakas na naman ang amihang may kalong na bugsong unos. Bihasa sa sigwang sumasalpok sa proa ng bangka ang timonero, naigigiya niyang malumanay sa alon ang puwesto ng bangka upang hindi sumampa ang daluhong ng along limang talampakan ang humbak. Umaangil ang makina ng bangka tuwinang gumagataw ang bahagi ng kilyang may elisi nito sa alon. Nakatalungkong lahat ang sakay ng bangka at itinatago namin ang aming sarili sa hampas ng hanging may halong masakit manigid na ambon.

Iba na raw ang alon ngayon, kumikirong na sabi ng isang matandang ipinamumunas pabaligtad ang pagitan ng hintuturo at hinlalatong daliri sa umampiyas na tubig sa kaniyang mukha. Matalinghaga ang matanda alam kong hindi sasampung bikil sa noo ang pumagkit sa kaniyang nakaraang karanasan sa lawa. “Sira na ang panahon.” Pahabol niyang laging nakatingala sa papawirin.

Naka-alpas kami sa sungit ng unos nang magkubli ang bangka sa isang maliit na pulong tinawag naming Malahi, maraming tagak at bakaw na nakaangkas sa hinimay na lili nang may makita kami ng matandang isang inihuhugos ng agos na “albinong lili.” May takot akong nakita sa mukha ng matanda lalo’t napa-antanda siya nang lampasan namin ang “albinong lili.” Bumaling ang tingin niya sa kabundukan at tinatanaw ang tugatog ng Susong Dalaga. “Lumabas na ang pangitain.” Itinanim ko sa isip ko ang sinabi ng matanda.

Dumeretso ako sa kasalan at sinalubong ako ng isang pagbati ng nasa mikropono, higit sa limampung kalalakihan ang naka-upong nagtatagayan para sa Honlugan. Nang makakain kami’y pina-upo ako sa Honlugan at nakipagsaya at pinapago sa maaabot ng aking kaya sa bulsa. Saktong kinse mil pesos ang nalikom sa Honlugan at umuwi na kaming magpipinsan sa Rayap upang doon ipagpatuloy ang barikan.

Alas tres ng hapon, pumalaot kami sa munti naming palaisdaan upang alamin kung gaano na kalaki ang mga isdang nakakulong sa cage, doon ko binuksan ang kuwento sa aking utol na si Veckers kung siya ba’y nakakita na ng “albinong lili” sa itinagal niyang paninirahan at paglalayag sa laot. Wala pa raw siyang nakikita kaya pinuntahan namin ang pulong Malahi upang hanapin ang “albinong lili.” Hindi kami gumasta ng mahabang oras at nakita naming nasa pampang na ng batuhan ang “albinong lili.” Tuwang tuwa ang utol ko sa kakaibang lili kaya kinuha niya ito at isinampa sa lunas ng aming lunday.

Binilinan ko siyang itago mo ang kakaibang lili upang malaman natin kung bakit may ganyang klaseng lili. May mga katanungan siyang mahirap sagutin at may kasagutan akong mahirap paniwalaan. Subalit naroon lagi sa isip ko ang mga sinabi sa akin ni lelong noong una-unang namamalakaya kami sa dunggot ng Talim. “May mga palatandaang lilitaw sakaling may gustong ipahiwatig ang malinaw na tubig na inaalagaan nina Amal at Ayel.” Natatandaan kong laging inuusal ni lelong noon. Si lelong ang nagluwal kina Amal na sinasabi niyang Amang Lawa at Ayel na taguri niya sa Inang Lawa.

Naglastag ako ng katawan at sabay kaming sumisid ni utol upang kumuha ng putik sa lunas ng lawa, ginagawa naming lagi ito noong kami’y maliliit pa dahil naman sa bilin ni ama na lagi naming tatarulin ang lalim ng lawa upang malaman naming may mga papan at buwili pang gumagapang sa lunas ng tubigan at humitit din daw kami ng sariwang hanging magpapaluwag sa aming dibdib. Wala kaming mahaplos na papan at buwili sa rabaw ng putikan. Ang huli naming sisid at litaw ay nakagulat sa akin ng sobra dahil nang umangat ang kamay ni utol sa ibabaw ng lawa ay may kapit siyang isang bungkos na libag at nang alamin namin kung ano ito. Maniwala kayo at sa hindi, balutan ng jolibee na may kasamang pampers ang na-apuhap ni utol sa ilalim ng tubig.

Nakatatakot isipin sa aking pag-iisa ang kahuilugan ng “albinong lili, ano kayang dalang pahiwatig nito sa aming mga taga pulo ng Talim sa lawa ng Laguna?

Raul Funilas Hulyo 27, 2008

Albino- taong anak-araw


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: