Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 21, 2008

Tatlong Tula ni Tata

1. Kisap-matang Kumintang

Walang tarangkahang bukas
Nang ako’y dumating minsang
takipsilim sa Paanang Bundok.

May matang nagsilip sa pikit
Na bintanang namamahay ay kaba
Sa dibdib na dati ng takot.

Isang pagtighim ang aking pawala
Sa hingang malalim at ibinabadyang
Dinadalaw lamang ang aking kubakob.

Kumahol ang asong laging nakasilo
Ang lubid sa leeg na ang dinudulo’y
Nakalikaw-pugal sa tigasing tuod.

Hindi nakilala ang aking hitsura
Ng dating kasama sa kuwengkang
Languyan ng libong himutok.

Kahit ang kubo ko’y waring nanibago
Sa aking pagdating dahil ang dingding
At bubong ay binalot ng umok at bukbok.

At aking inihiga ang likod kong pata
Sa kawayang papag ng lumang pahulog,
Nawalang bagabag ay agad hinila nang antok.

Nang muling magmulat ang talukap ng mata’y
Tila umuulan sa labas ng bahay,dagling bumalikwas
Sa kinahihigaan at armas kong dala ay aking dinukot.

Huli na ang lahat pagkat ako’y dakma ng bilog na bakal
Na hindi banyaga sa tulad kong laging mailap
Na ibon ang nakakatulad sa sariling bundok.

Bgy. Dayapan, Lemery,Batangas

2. Marupok ang Tao sa Bawat Panahon

Ang tao’y marupok, kay-daling lumimot…

Hintayin ang panahon, dalasan mo ang pagbalik
Ng tingin at bibigkas kang sayang ang iyong panahon.

Lumilibot noon ang araw maghapon at nililinis
Ang kalawakan, walang duming umaaligid.

Nagpuprusisyon ang kiwal ng mga ilog at dumudugsong
Sa malapad na dagat, malinaw pa sa bubog na perlas.

Malalapad na bato ang nagsalansan sa bawat tarundon
Ng gubat, doon sumasayaw ang hangin at mga ibon.

May magagandang usbong ang bundok na nagluluwal
Ng tubig sa batis, doon naliligo ang kaligayahang nadarama.

Ngunit ano ba ang naganap? Marami kang katanungang
Hindi mahagilap ang kasagutan. (Maaaring nakalimutan mo lamang.)

Dahil, na Diyos ang sadyang lahat na Siyang nagdulot
Sa hindi inaasahang panahon, ang ikaw’y maging marupok.

3. May Ibinubulong Ang Gulong Ng Alon
(Sa Lawa Ng Laguna)

Ang mahinang bulong ng gulong ng alon,
Inyong ulinigin at bigyang halaga.
“May kipkip na sungit ang bagong panahon…

Kailan titigil ang hampas-daluyong
Na laging mabagsik ang dalang parusa?”
Ang mahinang bulong ng gulong ng alon.

“Ayaw nang umigpaw ang kawang talilong
Na nangaglalaro’t lipos ang sasaya,
May kipkip na sungit ang bagong panahon.

Malabo ang rabaw na lagi kong kandong,
Dahil naglangkawas ang yangkaw-basura.”
Ang mahinang bulong ng gulong ng alon.

“Takot pumalaot yaong Maninimong
Bihasang tumarol sa along masigwa,
May kipkip na sungit ang bagong panahon.

Kaibigang hangin saan paparoon
Ang bigat-balumbong laging dinadala?”
Ang mahinang bulong ng gulong ng along
May kipkip na sungit ang bagong panahon.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: