Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 11, 2008

Bright Idea (Busto ni Rio Alma)

Tatlong araw na akong umiiskiyerda sa aking kuta upang bigyang daan ang matagal ko ng proyektong ipinangako sa mga dakila at tarikan ng panulaang Filipino, higit kay Atyy. Dem Villanueva.

Tuwing Biyernes ng gabi, hindi kami pumapalya sa pagpunta sa isang kaibigang abogadong napakahilig mangolekta ng sari-saring paintings, sculpture at haling din sa pagtula. Si Atty. Redemberto Villanueva. Hindi lamang kaming grupong manunulat ang kaniyang nagiging taga-inom, taga-kain at taga-kuwento bagkus nilalanggam din ang gabi ng Biyernes sa kaniyang mga kasamahang Judge, Artista, Diwata, katropa sa Ateneo Law School, Mahistrado at iba pang buraot na kaut-utang dila.

Si Ser Rio Alma ang nagpakilala sa akin kay Ser Dem bilang isang eskultor, minsang isinama niya akong tumula sa isang nude painting sa kaniyang bupete sa roof top ng C.C.Castro International sa Timog Ave. makasaysayan ang pagpakilalang iyon ni Ser Rio Alma dahil sinubok ni Ser Dem ang aking kakayahan nang ipagawa niya ang isang larawan ng Lady of Justice na ililok sa material na bronze. Dalawang araw ang ginugol ko upang matapos ang eskultura at nang ipakita ko ito sa kaniya ay lipos siyang natuwa at mula noon, lahat nang gawin kong eskultura sa tanso at kahoy ay kaniyang binibili hanggang sa nakakasama na namin siya hanggang sa aking kuta kasama ang mga dakilia at tarikan. Ipinagmamalaki kong nakapundar ako ng isang katamtamang loteng tirikan ng bahay sa pagkahilig niya sa aking obra. Isa siya ang nagpanukala na lilukin ko ang busto ni Rio Alma nang lilukin ko ang busto niya sa kahoy.

Hanggang nabalitaan na lamang naming inambus siya sa ibabang parkingan ng kaniyang bupete at sa awa ng Diyos ay nabuhay siya sa walong tama ng kalibre 45 sa iba’t ibang parte ng katawan at maniwala kayong ang fatal sanang tama niya sa tapat ng puso ay ang nagsalba ay ang kaniyang fountain pen na humarang sa isang balang lalagos sana sa kaniyang puso. Mabait na tao si Ser Dem dahil marami siyang pinag-aaral na batang anak ng kaniyang mga kawani, bigay-pala siya sa mga nangangailangan at down to earth siyang makisama. Likas sa kaniya ang mapagmahal sa mga diwatang lumulusong sa batis ng kaniyang engkantasya tuwing Biyernes.

Natigagal ako nang mabatid ko ang halaga ngayon ng tierra cota at iba pang material gamit sa paggawa ng busto subalit dapat ko nang isagawa ang busto dahil lumalalim ang gabing hindi naman hinuhukay. Layunin ko’y umukit ng isang pambansang alagad ng sining bagaman marami na akong nagawang mga busto ng bayani tulad nina Rizal, Mabini, Aguinaldo at maging ni Hesukristo. Nais kong ako ang maunang lumilok kay Rio Alma dahil isa siya sa humubog sa akin bilang makata upang matupad ang pangarap kong magkaroon ng libro.

Naging ideya ko sa busto ang pagiging malawak ng saklaw ng utak o isip ni Rio Alma sa panitikang Filipinas kaya naisip kong dapat na kaiba ang lililukin kong busto sa kaniya kaysa nakapamihasnang tradisyunal na porma, hindi iyong nakatayo lang na putol hanggang dibdib at walang kamay na ang bikas ay isang bayani. Ginawa ko siyang buo ang dalawang kamay na ang hintuturo ng kanang kamay ay nakatuon sa tapat ng kanang sentido na may lumabas na isang diplomang papel na romolyo patungo sa kaliwang kamay na nakapatong sa isang libro at ang kaliwang kamay ay may hawak na pluma na sumasagisag na may pinag-aabutan siya ng kaniyang hawak. Pansamantala kong binigyang pamagat ng “Bright Idea” ang busto ni Rio Alma.

At kahapon, Hulyo 10, natapos ko ang tierra cota at kasalukuyang imomolde ko ito sa plaster of Paris upang maging isang ganap na busto nang tawagan ako ng isang dakila upang anyayahang makipagkuwentuhan sa harap ng tigatlong bote ng lite beer kay Sarah’s Place. Sina Jun Balde at Roberto T. Anonuevo ang kabarikan ko, maraming kuwento si Jun Balde at hindi siya nawawalan ng kuwento sa kaniyang bayan at higit sa kaniyang nayong nilakihan sa Bikol. Ganun din si tarikang Bobby, lumalabas na higit ang pagkatarikan ni pareng Bobby kapag nabubuntugan ng beer ang kaniyang bahay-alak, malalalim na pangungusap ang lumalabas sa kaniyang bibig na kapupulutan ng iba’t ibang kaalaman hinggil sa panitikan. Kumbaga’y halimuyak ng mababangong bulaklak at alimbukad ng isang bagong silang na buntala.

Natapos ang kuwentuhan at barikan namin sa isang kasunduang ilililok kong lahat ang mga tarikan at dakilang tropa naming at si Jun Balde ang isusunod kong pakatin at palasin ang mukha sa bukot at takuyan ng aking palad na hinabulan pa niya na :”H’wag kang mamumroblema sa pera sakaling ako na ang iyong nilililok.” Si Jun Balde ay isang Oragon na dating Inhinyerong naging kasangkapan sa pagtuturay at paglalatag ng mga gusali at kalsada sa buong Pilipinas bago naging isang tarikang nobelista. Hulyo 11, 2008 Raul Funilas


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: