Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 5, 2008

Mga Unang Tula sa Gawad Likhaan UP 2008

1. Noi T. Albo
(Ang Lalaking Hubo Sa Diliman)

Talisman kang itinundos nang matatag
Sa lugar na mapalanas ang parangan.
Kasaysaya’y nanirahan sa madilim,
Katawan mo’y nagpatina nitong dunong;
Libong utak daantao’y nagsibantog
Pagtingala ng orasyon mo sa langit.

Ang orasyong sinagap mo galing langit,
Ibinangan sa ‘yong diwa nang matatag;
Ibinulong mo sa hangin at bumantog
Sa lungsod na mauunlad ang parangang
Nananabik na makamit itong dunong—
At umiwas na palihis sa madilim.

Ang mata mo’y inaninag itong dilim,
Hinahanap ang liwanag nitong langit;
Himpapawid ang kadluang karunungan.
Nagsikap kang magpundasyon nang matatag
Sa malawak na isipan ng ‘yong parang,
At balana’y dakilain ang pagbantog.

Marami ang nakasaksi sa pagbantog
Ng katawang nakadipa sa Diliman.
At ang ibang naglalakbay sa paranga’y
Naghahangad na maabot ang ‘yong langit
Sa adhikang bumanyuhay na matatag,
Hahamiging isanlaksang karunungan.

Estudyante’y nagkorona’ng karunungan
Sa nakitang malambayog mong pagbantog,
Naglalayong tumikas din at tumatag
Sa kaminong umiikot sa Diliman.
Ang paghanga nilang lipos abot langit,
Ang pangarap, naglalaro sa parangan.

Mga guro at kawani sa ‘yong parang,
Ang sipag ay kusang loob at ang dunong
Ay palaging umaangat pasalangit.
Masisigla sa ginawang mapabantog,
At ingatang h’wag masadlak sa madilim.
Ikaw lamang, O, Oblation ang may tatag.
Ngayong ikaw’y antigo na at tumatag
Sa sandaang taong singkad sa Diliman,
Tagumpay ka sa ‘yong birtud na bumantog.

2. Ritwal

Pinasok ng inipong kababalaghan
Ang katawan ng Huklubang Taga-ilog

Isang higanteng alon ang pumaloob sa kaniyang bibig
At unti-unting iniluluha ng kaniyang nakapikit na mata.
Nakabibinging bulong ang ipinapasok sa kaniyang tainga
Ng hindi nakikitang espiritung humahalukay
Sa kaloob-looban ng kaniyang kaluluwa.
Nasisinghot ng kaniyang ilong ang nakasusulasok
At hindi maipaliwanag na amoy
Galing sa singaw ng kaniyang katawan.

Maraming naglalarong guniguni sa likaw niyang utak,
Ang matitipunong haligi at moog ng kaniyang nakaraan;
Pilit siyang iginugupo upang ihiga ang kamalayan.

Hanggang sa inilipad ng hangin ang kaniyang katawan sa kawalan,
Malakas ang sinasagupang sinapupunan ng hinog na hangin
Ngunit wala siyang madaramang pakiramdam—
Maliban sa isang nilikhang laging nakasunod na lumilipad
Subalit nakapikit ang mga mata, nakabuka ang bibig at gustong sahurin
Ang luhang unti-unting humahagdan sa dalawa niyang mata.
Nagbabantay ng ulinig na iluluwa ng bibig na may nagngangalit na ngipin
At nilalanghap ang masansang na amoy ng nangangalingasaw niyang
katawan.

Sumagad sa rurok ang kaniyang di matingkalang pag-ilanlang
At animo’y isang mandirigmang nalupig sa digmaang nilahukan.

Dumilat ang kaniyang kambal na mata at paragasang hugos bumuhos
Ang higanteng alon kasama ang isang walang kasimputing perlas,
Walang sinayang na sandali ang nilikhang sa kaniya ay nakasunod na
lumilipad;
Pumasok sa dambuhalang tubig at sinisid ng bibig ang busilak na perlas.

Nang mahimasmasan ang Huklubang Taga-ilog,
Hinihimas ang ulo niya ng nilikhang laging nakasunod na lumilipad sabay
sabi:
“Tagumpay!”

3. Mahiwagang Salita

I- Bahid Ng Dugo

Sa matandang baryong Cattagaman Viejo,
May isang huklubang tampulan ng tukso;
Dahil mali-mali’y laging tinutudyo—
Bulaga ng bata ay nagninilukso.
(Subalit may tagong lihim na talino.)

Subuking kamayan kahit aling palad,
Sa pulsuhang braso’y dugo’y nasusulat;
Kung anong pangalan ng palad na hawak
Tiyak kang hahanga’t takang magugulat.
(Sa lalim ng lihim ng tangang agimat.)

Siya ang ninunong salita’y minana
Sa kaniyang amang lipos na sumamba
Sa Krus ng pasakit ng tunay na Ama
Kaya napabantog sa aming probins’ya.
(Dito nagsimula ang lihim ni lola.)

II- Paghahandog

May ngiting mutawi sa lola kong labi
Nang aking ilabas ang dala kong tanging
Handog na salakot, alampay at hitso,
Natuwang isuot sa paa at ulo.

Dagliang nag-utos: “Magkatay ng manok,
Kulubi’t isigang sa dahong sampalok.”
Saka nagpasaing milagrosang bigas
Sa aming pininsang may kipkip na anak.

Sa tuwa ni lola ako’y isinama
Sa hilerang punong papayang mabunga,
Mata’y ipinukol sa bungang nagkumpol
Ibinalisungsong ang palad. Bumulong:

“JAIN PEOR CURUS
PIMIT YLIHOMIT
QUI JUE RHI JEL SUGTARAC.”

Bawat tingnang puno bunga’y bumabagsak,
Aking pagtataka’y ang baba’y banayad;
Waring nakalutang ang bunga sa hangin
At kusang naipon sa tabing pilapil.

Diwa ko’y gilaplap sa kanyang ginawa,
Gagap ang salitang: “Huwag kang mamangha’t
Ang simoy ng hangi’y sadyang mahiwaga
Dito sa pinitak ng Amang Lumikha.”

III- Pagluluto Sa Palad At Alak Ang Tubig Sa Balon

Alas tres, nagpapahinga
Kami sa may pala-pala
Nang mabulabog ang manok
Na sa pugad ay nangitlog.

Nakatuwaang kumuha
Ng isa at ibinuka
Ang kulubot niyang palad,
Ang itlog, doon binasag.

Lumapit sa nagniningas
Na dapugan at bumigkas:

“ORATIO PUER SANCTO OCCINOS.”

Nakita kong kumukulo
At ang itlog ay naluto

Ng orasyong mahiwaga.
Nang makita ko ang lumang
Balon sa gawing silangan,
Ito’y agad kong pinuntahan.

May naka-ikot na lubid
Sa kanopya, nakalawit
Ang isang galbanisadong
Timba. Dahil sumakit ang ulo

Ko, sinubok kong sumalok
Sa balo’t ihihilamos
Sa aking leeg at mukha
Ang tubig. Muling namangha

Sa ginagawa ni lelang,
Kaniyang binubulungan
Ang tubig kong kaaalwas:

“KAKAMATEVSIC CALA CALA
GEIKIRAS PEIG CUMI VOUSTE.”

Nang aking lasapin: Alak!

IV- Gintong Aklat

Matapos kumain kanyang inilabas,
Antigong libritong tatsulok ang hugis;
May imaheng lutang na lantay na pilak
At Latinong wikang titik naka-ukit.

Loob ay tiwalang sa palad ‘pinatong,
Tiplag ang damdaming may kislot at kulag;
At aking binuklat at takang nagtanong:
Bakit bawat dulo’y aking nabubuklat—

Tila may bisagrang dito’y nagbubukas?
“Hawak mong kahita’y Salita ng Diyos
Ang bawat pahinang diya’y nakasulat
Na mulang ninunong sa aki’y kaloob

Kaya bawat bulong na aking ihagkis
Ay sampalatayang dasal nakakamit.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: