Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hulyo 5, 2008

Huling Balada sa Gawad Likhaan sa UP 2008

53. May Bulong Sa Sinapupunan Ng Himpapawid

Mula sa sinapupunan ng himpapawid,
Lumuwal ka at isinaling isang Mahiwagang Bulong
Sa lundo ng salikwaang hangin at kristal na tubig;
Tuluyang pumailanlang sa kalawakan.

Nagpa-anod,
Umimbulog,
Umindayog,
Umikot,
Kumislot,

Naglaop

At

Bu

Mu

Lu

Sok.

Sinagap ang mga sariwang hangin,
Hinagod ang banig ng karagatan,
Umingkat sa bikilan at dalisdisan ng bundok
At nang mapagod ay nagpahinga at humimlay
Sa sinapupunan ng talino ng tao.

Daanlibong taon,
Natutuhan mo ang sumanib
Sa piling tao na mag-iingat ng iyong lihim.

Taong hindi hambog,
Hindi mayabang,
Tahimik ang panganib
Subalit may korona
Ang bawat salitang ipinutong
Sa lantay na kalooban.

Hanggang sa ang bibinga ng taong nag-iingat sa iyo
Ay unti-unting nadurog at itinago ka sa sinapupunan ng tubig.

Daan-daang libong taon ang lumipas,
Mula sa sinapupunan ng tubig,
Sinalapsap ng iyong dibdib ang salibsib ng tubig
Na malaon nang nakadagan sa iyong katahimikan,
At sa unang pagkakataon ay muling nakaniig ang hangin,
Dinama mo ang bagong hugot na hininga ng iyong kalayaan,
Pumanhik sa balintataw mo ang walang hanggahang kalawakan,
Ninais mong dukwangin ang maningning na Pliyades, Mapulon, Santilmo—
At lahat na Buntala.

Gusto mong ubusin ang iyong kagalakan
At nang sumilang ang naggigintong dating araw
Ay iniinat mo ang iyong dibdib at dinarang mo nang lubos
Ang iyong kalooban.
Dumaloy na batis ang apoy na umaalsa sa iyong dibdib
Hanggang sinalubong ka ng tikatik ng ulan
At tuluyang naramdaman ang lamig.
Natanaw mo ang bawigang balantok ng bahaghari
At muling kinulayan ang iyong sarili,
At sa kulay na ikinulapol sa iyong sarili;
Naramdaman mo ang tunay na kalayaan.

Sinalamin mo ang dagat at tinitigan ang sarili,
Tinanaw mo ang iyong kabuuan;
Naaliw ka sa mga halamang tumubo sa dalampasigan
Na maraming ibong salimbayan ang paglipad,
Inaliw ka ng mga paparo at mariposang palipat-lipat
Sa humahalimuyak na bulaklak,
Pinagmasdan mo ang tumitiyad na along
Sinasalubong ng yakap ng puting buhangin sa aplaya.

Walang tigil ang daluyong ng hanging gustong malanghap
Ang huldong bunton ng iyong hininga.

Daanlibong taon,
Ini-unat mo ang iyong dalawang kamay at pinalaki ang dibdib.
Muli mong binalikan ang parangan.

May naniningalang pugad sa dibdib ng iyong pagkatakhan,
Mga punggok at balisaksakin ang nananambitan,
Bumubulong sa iyong Mahiwagang Bulong
Na sila man ay bahagihan ng natutuhang mga titik
Na iuukit sa dibdib ng kanilang panaginip.

Gusto mong isigaw ang iyong Mahiwagang Bulong
Dahil ang pakiramdam mo ay may lamig
Na gustong bumuhos sa kabuuan ng iyong maliyab na dibdib.

Malalim ang gabi at mas malalim ang iyong iniisip,
Wala kang maapuhap na karunungan sa Mahiwagang Bulong.
Hindi mo matanaw sa kanilang kalooban ang busilak na puso
Na hinahahanap ng huklubang alaala.

Gusto mong lisanin ang iyong kinaroroonang daigdig,
Gusto mong bumalik sa sinapupunan ng himpapawid
Dahil nababanaag mong walang maningning na paralumen
Sa kanilang mga puso.

Gusto mong bumalik sa sinapupunan ng tubig
Upang ang hininga ng mga bumubulong na hindi karapat-dapat na hangin
Ay hindi mo malanghap.

Wala kang maramdaman,
Wala kang marinig sa iyong Mahiwagang Bulong.

Raul Funilas
Lahok sa Likhaan 2008
Ikasandaang taon ng UP, 1908-2008


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: