Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hunyo 30, 2008

Santigwa de Corazon

Hunyo 29, 2008, araw ng linggo, inimbitahan ako ni Director Vim Nadera ng isang nakatutuwang mensahe sa text. “ Sun come Man narrow On Cup fog Kill lung an Moo Co. the rat thing At the Rat thing A Co. A King cave begun ! – gets mo? Read it slowly. FAIRWELL WALKy naming ni Joey B sa ICW bukas. Kitakits tayo ng 6pm sa ICW. Thanks!

Kinabukasan ng umaga ay isang mensaheng muli ang ipinadala niya sa akin habang naglililok ako ng imahen ng Mother and Child at nang basahin ko ay ito ang tumambad sa akin: “Nasa TOP 5 kayo. Kaya lang 1 lang ang dapat manalo.” Halos umatibangaw ang buo kong pagkatao dahil isang malaking karangalan na ang maging mapagpilian ang ginawa kong halos mahigit limampung tula sa Gawad Likhaan 2008 ng Pamantasan ng Pilipinas kung saan ipinagdiriwang ang ika-isandaang taong pagkatatag.

Itinext ko ang mga kaibigan kong sina Kyo Zapanta, Betty Medina, Glen Tolentino at Richard Gappi at buong pagkalalake kong ipinangalandakan ang natamo kong masasabi ko ng karangalan. Sa tuwa ko ay ipinasiya kong iregalo ang ginagawa kong eskultura kay Direktor Vim Nadera kung saan kahapon (Hunyo 30, 2008) ang katapusang panunungkulan niya bilang Director ng Institute of Creative Writing ng UP kasama si Deputy Director Prof. Joey Baquiran na isa ko ring guro.

Halos magkasunod ang text nina Ser Vim at Manolito Sulit na Director naman ng pelikula naming Barako at heto ang kaniyang mensahe: Pwede po ba magkita tayo mamaya sa lobby ng Robinson Galeria Cinema at 4:30 pm? Magpapadala po ako ng posters ng Barako sa UP atpb pang lugar na malapit sa inyo. TY ho!

Nagpunta muna ako sa studio ni Jun Vicaldo at kinuha ko ang molde ni Oblation at tuloy naggawa kami ng isang molde naman para sa souvenier item ng aming school para sa darating na anibersaryo naming sa Oktubre. Alas onse ng umaga, matapos akong makapananghalian at makapahingalay nagpunta ako sa ICW upang dalhin kay Dir. Nadera ang ipinangako ko sa sariling imahen ng Mother and Child at iniwan ko sa isang staff doon. Nilagyan ko ng isang calling card at sinulatan sa likod ng: “Ser Vim, Sa iyong pagpanaog sa hagdanan, ang iyong aakyatin ay isa muling rurok ng tagumpay.” Nagderetso na ako sa opisina at natulog.

Nang magising ako ng ala-una ay gumawa ako ng isang tula patungkol sa lumubog na M/V Princess of the Stars na may pamagat na Paglangoy ng Prinsesa ng mga Bituin at ipinost ko sa Emanilapoetry at 360 blog ko. Alas dos y medya ay nagpaalam ako sa Admin Officer naming upang bumili ng silicon sand sa tapat ng Crame upang gawin kong material sa ginagawa kong Oblation na eskultura. Nang makabili ako ay nag-alanganin ako sa oras upang makipagkita ng alas cuatro ng hapon kay Dir. Manolito Sulit sa Robinson Galeriya ay nagdaan ako sa isa kong kaibigang Manager sa isang malaking kumpanya sa Ortigas Center, ipinarada ko ang Honda (Motor lang ‘to) ko sa isang parking kasama ang kalahating sako ng silicon sand. Pinameryenda naman ako ng kape at biskuwit at nang alas tres ymedia na ay nagtuloy na ako sa Robinson.

Nagkita kaming una ni Ron Magbuhos Papag kung saan tinipan din pala siya ni Mano Sulit upang bayaran ang Robinson Cinema para sa ipalalabas naming pelikula sa Hulyo 9-15. Nagkataong dala ni Ron ang script ng pangalawa naming gagawing pelikula at tuloy pinag-usapan namin ang role at talent fee sa pamamagitan ng tig-isang baso ng kape at tig-isang donut ay pumayag akong gumanap bilang isang community leader sa kaniyang pelikulang gagawin at tuloy ipa-print ang script at ibigay ang isang kopya kay kumpare kong Orestes Ojeda na gaganap naman bilang ama ng bida sa pelikula. Pinamagatan niya itong Signos pero pinalitan niya ng IISANG MUNDO nang magpalabas ang GMA7 ng may ganito ring pamagat. Niyaya ko rin siya sa okasyon ng Fairwell party sa ICW. Dumating si Dir Mano Sulit at binigyan ako ng mga posters ng pelikulang Barako at tuloy binili ko ang isang tarpaulin kung saan ay poster din ng Barako.

Alas singko ng hapon nang umuwi ako sa UP at nagtuloy sa bahay, gumawa akong muli ng isang eskultura at nagtuloy na sa ICW nang magtext si Ron na naroon na siya sa ICW.

Dumating ako sa ICW at inabutan ko doon sina Ser Rio Alma, Marne Kilates, Prof.Roland Tolentino, Atty. Fortun, Vim Nadera, Jun Balde at isang abogada ng National Book Development Board, Bebang, Ronald, Fer Edilo, Joey Baquiran, Prof. Ruby Alcantara, Rebecca T. Anonuevo,Charles Ong, at staff ng ICW. Dumating din ang dalawang beses na nagkamit sa Gawad Likhaang si Ms Yabes.

Nang makakain kami ay nagkuwentuhan na tungkol sa mga nagwagi sa Gawad Likhaan at puring puri si Ms Yabes dahil sa galing nito sa non fiction at nobela lit. Napag-usapan din na ako pala ang pangalawang pinagpilian sa tula sa Filipino sa nakaraang Gawad Likhaan 2008 kung saan isa lang ang pipiliing mananalo at ang nanalo ay “Ave” ni ka-LIRANG Jerry B. Gracio na may premyong 200,000.00 na tumataginting kung saan ang mga hurado ay sina Rio Alma, Joey Baquiran at Vim Nadera, doon ko naconfirm na nasa top 5 nga pala ang inilahok kong tulang “Mahiwagang Bulong Sa Sinapupunan Ng Himpapawid” nang sabihin sa akin ni ser Joey Baquiran. Humingi ako ng katibayan kay ser Vim na isa ako sa top 5 ng Gawad Likhaan 2008 upang idisplay ko sa aking galeriya at tuloy makita ng aking salinlahi.

Kinantiyawan ako ni ser Rio Alma dahil hindi ko daw siya kinukumbira sa aking galeriya, isang pangako ang binitiwan ko na hindi matatapos ang taong 2008 ay mag-iinuman kami sa ipinagawa kong bar sa aking galeriya kasama ang mga dakila at tarikan.

Napag-usapan din namin ang mga nililok kong eskultura kay National Artist Napoleon V. Abueva at ang ibang mga katatawanang tagpo noong ako’y naggagawa pa sa kaniyang studio noong late 80’s at past 90’s

Nang paalis na kami ay sinabi ko kay ser Vim na kukuhain ko na rin ang isa kong eskulturang busto ni Balagtas na nakadisplay sa ICW kung saan tatlong taong ginamit na pambungad ng UMPIL sa taon-taong okasyon nito. Nakatatlong lite beer ako, santigwa de corazon! hilo ako hindi sa nainom kong beer kundi sa kamuntik na pala akong makasungkit sa isang grandiyosong digmaan ng tula kung saan ang mga lumahok ay kulang isandaang mga guro at estudyante ng akademiya. At marahil, ako lamang ang nasa hanay ng rank and file. Hulyo 1, 2008 Raul Funilas 3:00 n.u.


Responses

  1. Panoorin ang trailer ng pelikulang “Barako” sa link na ito: http://www.youtube.com/watch?v=bMKmk0f7IdI

    Panoorin ang 2-oras na pelikula sa IndieSine (Cinema 8), Robinsons Galleria, mula Hulyo 9-15.

  2. Ser, napanood na kahapon pa nabuksan ng anak ko yung you tube, text brigade lang ako at marami ang nangakong manonood.

    Tagumpay!

    Tata


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: