Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hunyo 26, 2008

Trespiko Berso

Uno
Pagtitiyap

Raul Funilas
Oktubre 15, 2006

Magkatiyap na nag-usap ang tag-ula’t bahaghari,
Na sila raw ang huhudyat sa paglitaw ng pag-asa;
Magbubuhos na malurok sa bukiring pag-aari’t
Ihuhubog ang balantok ng kulayang masagana.
Magkatiyap ding humakhak ang sabalas at habagat,
Sisipulan ang amihan na ang simoy ay ipukaw;
Isisingkaw ang pamakaw sa pag-asang pinagtiyap
Upang hindi makasilay ang liwanag sa silangan.
Naseselos nama’y ulap dahil ito ang may kalong,
Nitong tubig na hinigop sa pusod ng sintang laot;
Uliuli’t ipoipo’y nakihalong nagmamaktol
Dahil sila’y di inimik sa tiyapang ibinunsod.
Ang lihima’t pagtitiyap ay maganda sa sinuman,
Kapag walang nasasaktang kaibiga’t kabungguan.
Bgy. Sta Maria, Dasmarinas, Cavite

Dos
Natupad Na Pangarap
(Ang una kong libro)

Raul Funilas
Oktubre 12, 2006

Anong laking kagalakan sa diwa ko’y tinataglay,
Nang araw na matalos kong ang libro ko’y itatanghal;
Gilawgaw ng saloobi’y gumigitaw sa katawan.

Unang binigyang kalatas ay ang panganay kong anak,
Na alam kong balahibo’y nagtayua’t nangalisag;
At ang tugon n’ya sa akin: “Katuparan ng pangarap.”

Kumuha ako ng kopya sa imprenta ng UST,
Oliba ng karangala’y tila may pagmamalaki;
Na may luhang humahagdan at pabulong kong sinabing
Golgota ng karuruka’y naakyat ko nang maliksi.

Labis akong natutuwa’t narating ko ang tugatog,
Isa-isang binilinan ang anak ko’t apong irog;
Balang araw kayo naman ang umakda at lumilok
Ragasa ng kasiningan sa pusod ay pumalaot;
Ohales na naglilimbo’y hiramin sa Amang Diyos.

Dos
Nang Humalakhak Ang Habagat

Raul Funilas
Oktubre 16, 2006

Yapak sa pikat-palanas
Ang ilap nitong pagatpat
Na napuyat sa paglipad
Pagyakap sa alapaap
Ang katas ay nag-uubas
Ng pumapatak na dayap,
Ang rosas ay nagtatangkas
Sa pumipiglas na galak.
Umiiyak ang sibuyas—
Apat na pilas ng itak
Ang bumiyak at tumabas,
Natilad ang halimuyak.
May halakhak ang habagat
Kapag naduwag ang kidlat.


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: