Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hunyo 24, 2008

Isang Gabing Bugso-bugsong Hangin ang Kapiling

Umuwi kami ni Mahal ng sabado ng umaga (Hunyo 21, 2008)sa isla ng Talim kung saan dadalawin namin at titingnan ang munti naming palaisdaan ng tilapya. Namili muna kami sa palengke ng Binangonan ng kaunting mapagsasaluhan sa isla. Nakasakay kami ng biyaheng Binitagan-Tabon Malamig. Dumating kami sa Bgy. Binitagan ng alas onse ng umaga at nagpahatid kami sa isa kong pamangking binata papuntang sityo Banaba kung saan naroon ang munti naming palaisdaan. Pagkakain namin ng tanghalian ay nagpunta na kami sa palaisdaan kung saan may dala kaming trigo upang palutangin ang isda at malaman kung gaano na ito kalaki. Nagkakaribok ang libong tilapyang palasaw ang hitsura. Tuwang tuwa si Mahal habang nakapanood sa kumakaing mga isda. Nang matanawan naming may rilim sa dakong dunggot ng Nagsadya ay uradang kinalag ng kapatid ko ang lawayan sa dahit ng bangka at tulos, sinagasa namin ang malawak na lulumbanging liling nakaharang sa aming dinaanan at dumuduong kami sa tangos ng Banaba ay bumuhos bigla ang ulan.”Signal number wan daw,” wika ni utol.

Nagpatila pa kami ng ulan bago kami nakapagpahinga sa papag na kawayan ni utol, nagpaluto ako ng maaga dahil naka-iskedyul kaming sa kubo sa laot kami matutulog ng gabi. Makapahinga pagkahapunan ay gumayak na kami palaot,kasama ko ang isa kong pamangkin at si Mahal. sakay ng isang pagukpok na bangka ay pumalaot kaming napakakalma ng tubig at ni walang unos na lumilipana sa palibot ng lawa. Nang nakasakay na kami sa bangka ay may nagsabing may bagyo daw ngunit nagtuloy pa rin kami sa kubo sa laot. Nakatatlong oras kami ng kuwentuhang tatlo at nakatulog kami nang mahimbing. Mag-aalasdose ng hatinggabi ay ginising ako ng malakas na untol sa aking dibdib at balikat ni Mahal at lumalakas daw ang hangin. Napansin ko na lamang na nababasa na nga ang gawing sakong ko, tumindig ako at bumago nang lugar kung saan hindi kami mababasa.

Hanggang bugso-bugsong hangin ang humahataw sa aming kubong kinalalagyan, parang dinadamba ng sampung kabayo ang kubo namin sa hampas ng hangin at salpok ng alon sa mga haliging pelote, animo’y hugong ng eroplano ang lakas ng buyog ng hangin, salikwaan ang hangin, umiikot kaya walang natirang tuyo sa kubong kinalalagyan namin, sumigaw ang pamangkin kong maglilimas siya ng bangka dahil lulubog na ito, subalit hindi niya natagalan ang sakit sa katawan ng hataw ng hanging may kasamang ulan kaya tuluyang lumubog ang bangka naming sinakyan.

Walang tigil ang hampas ng hangin, takot na takot naman ang mahal ko kaya kahit nababasa ay ipinakita kong walang anuman ang lakas ng hanging humahampas sa kubo at paligid, minsa’y tinitingnan ko ang labas ng kubo, nakikita kong humahapay paggiba ang mga tulos at lambat ng katabing palaisdaan. Medyo bumulong ako ng turo ni lelong na Latin at lihim ko itong inusal nang makapitong ulit: “Ama Grubon Gaucum Gibuuc!” Nawala ang takot ng mga kasama ko ng ingay na lamang ng bulusok ng hangin at ulan ang kanilang naririnig, ang mga alon naman sa silong kubo ay waring lihim na umaakyat upang pumanhik at makipagkape sa pinakukulong tubig ni Mahal.

Alas seis ng umaga at liwanag na ang paligid ay malakas pa rin ang hangin ngunit ang ulan ay tila nananaboy na lamang nang patudyo. Gutom na kami at walang mapagsabihan na ang bangka bnamin ay lumubog nag lobat pa ang mga selpon namin. May nakita akong bihagan ng isdang nakapugal sa may tulos ng gasebo sa gawing kanluran ng kubo at pinatingnan ko iyon sa pamangkin ko. Nang iangat niya ang bihagan ay may laman itong dalawang dalag na mga wawalong guhitin ang bawat isa. Ayus kako, nagpaluto ako ng aroskaldo kay mahal at inihalo namin ang isang dalag para maging agahan namin. Lalong lumalakas ang hangin ng mga bandang alas otso ng umaga nang magdaan ang isang bangkang kilala ko ang timonero, kinawayan ko ito at sinabi kong ipa-rescue kami at nalubog ang bangka naming sinakyan.

Masaya kaming nag-aagahan ng aroskaldong dalag ay patuloy ang paghampas ng bugsong hangin sa paligid samantalang ang kubo namin ay nakaturay pa at halos walang nasira sa pawid at palarinringan. Alas nueve y medya nang dumating ang aming rescue na malaking bangka at doon lamang namin nabatid na napakalakas pala ng bagyong humaplit ng gabing iyon dahil ang mga palaisdaan sa katabi ng tinulugan naming kubo at palaisdaan ay mga sirang lahat. Nang dumating kami sa nayon ay nagkakatakot ang mga tao dahil ang alam nila ay nasa laot kami at doon inabot ng bagyo. Sabi ko na lamang ay salamat sa Poon at walang nangyaring masama sa amin. Hunyo 24, 2008


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: