Ipinaskil ni: Raul Funilas | Hunyo 23, 2008

Sitio San Ysiro at Bundok Bintug Alimutog

Sitio San Ysiro

(Alay sa mga-amang dating armadong mandirigma na taga Sitio San Ysiro)

Bukang liwayway,
Dumadaloy ang hamog
Sa tangkay ng talahib;
Sinusuyod ng sariwang amihan
Ang anit ng kabundukan
At batuhang dahilig-patag
Sa Sitio San Ysiro.

Usad-ahas sa buhanginan
Ang araro ng bayang gising
At lupang nahahapis,
May darag at angas ang mga eskombro;
Nagpupumiglas at tumitilamsik
Sa malagkit na pulang lupa.

Humahalinghing ang halumigmig ng kadiliman
Sa magdamag na pangangaligkig ng batisan,
Matingkad ang pagkakapula ng Bintug Alimutog;
Kumakaway at wumawagayway
Ang uhay ng ginintuang butil sa parang.

Naninilip ang nanganglilisik na mata
Sa siwang ng palarinringang binutas ng lumbay,
May rumiripeke sa tuod na kalatong;
Umaalingawngaw na may naliligaw—
Nagbabadyang may mga panauhing taga-patag
Sa lupang pangako ng Sitio San Ysiro.

Labit-labit na kinakalabit
Ang mitsa at lente ng katotohanan
Ng mga bagong salta sa Sitio San Ysiro,
Mga progresibong batang luwal
Doon sa Pamantasang binukalan
Ng angaw at yutang prinsipyo.

Ang pagsusuplungan ng mga pinangakuan
Ng mga pangakong walang katuparan,
Pangakong ipinako ng ulyaning gobyerno
Sa mga taga lupang pangako sa bundok ng Rizal
Sa gawing kaliwa
Ng maalamat na Sierra Madre.

Lupang Pangako sa Bundok ng Rizal

Limang kabataang mag-aaral sa UP-Diliman ang sinamahan ko kamakailan sa bundok ng Antipolo City— sina Joy, Jennifer, Charmaine, Sheryl at Kieth Blance sa layuning makadaupang palad at maka-usap ang mga dating rebeldeng New Peoples’ Army na sumuko sa pamahalaan noong ika-15 ng Nobyembre 2002. Marubdob ang hangarin ng mga batang estudyanteng makarating doon at maka-usap ang mga dating NPA dahil thesis nila ito sa pagsusunog ng kilay sa pamantasan. At bilang artikel ko na rin sa pinagsusulatan kong pahayagan.

Dumaan muna kami sa City Hall ng Antipolo para bumataris ng isang guide para marating namin ang lugar. Sa isang bagong inilatag ng aming guide na mapa ay nakabisa ko ang lugar, nagpaiwan na siya nang makarating kami bago umahon ng bundok. Ikawalo’t kalahati ng umaga nang bagtasin namin ang malubak na daan patungo sa San Ysiro. Isang sityo na sakop ng barangay San Jose. Ubod ng pangit ang landas patungo sa San Ysiro, mahihiya ang balugbog ng sawang palikaw-likaw at ang matatarik na ahunin ay nahihirapang umabante ang unang engranahe ng aking kambiyo sa jeep. Higit kumulang sa sampung kilometro at anim na batisan at ilog ang aming tinawid, nakatatlong balaho kaming inabot sa gitna ng ilog mabuti na lamang at mababait ang mga Dumagat na aming napakisuyuang tulungan kaming itulak patawid sa kabilang pampang ang jeep. Sa mahigit na dalawang oras na paglalakbay manakanaka’y nakasasagbat kami ng mga batang Dumagat na nakikisakay sa amin patungo sa San Ysiro.

Dumating kami sa Pook Libis ng mag-aalas onse ng tanghali at hinanap namin ang pinaka-Sityo Chairman. Wala ang pakay namin kaya ang asawa niya ang nagsama sa amin sa mga taong nais kausapin ng mga batang estudyante. Nagpatao po ang tropa namin at lumabas ang isang babae pero ramdam namin ang bawat kaluskos sa mga dingding ng kubo na may mga matang nakamasid sa aming lahat. Si ka Rosemarie ang lumabas na malikot ang galaw ng mata, 29 taong gulang at isang dating rebelde at armadong mandirigma ng NPA.

Ani ka Rosemarie,napatay daw ang kaniyang asawa sa isang sagupaan ng militar at NPA. Ayaw niyang magpakuha ng larawan dahil may takot pa siya sa epekto ng kaniyang pagsurender—baka daw marekord uli siya samantalang wala pang natutupad sa mga pangako ng pamahalaan.

Dumating ang tatay niya at nagpaunlak namang siya ay maka-usap, si Rolando Floresca, 49 na taong gulang, tubong La Union. Isa siyang rebelde na naka-assign sa legal na yunit ng kilusan. “Mga settler ang magulang ko dito noon. Magsasaka kaming tahimik dito nang dumating sa aming kaalaman na ang lugar naming sinasaka ay sinasakop ng water shed reservation ng NAWASA ayon sa isang presidential proclamation,” wika ni ka Rolando.

Kabuntot nito, dagdag niya, ang kung tawagin nila’y “pulis tubig” (mga Military daw ito.) mahigit isang libo limang daang ektarya ang lupaing ito ng San Ysiro.

Ayon kay ka Rolando, naengganyo siyang sumukong mag-ama dahil na rin sa magagandang pangako ng pamahalaan. Subalit magpahanggang ngayon, aniya, wala pa ring natutupad dito. “ Sana naman Ka Tata sa pamamagitan ng inyong pahayaga’y makarating ang munting tinig naming maliliit na magsasaka na tuparin nila ang pangakong tunay na reporma sa lupa,” wika niya.

Dagdag ni ka Rolando, natutuwa na sana sila dahil nabigyan sila ng pamahalaan ng kaunting tulong-pinansiyal bilang panimula nilang mag-anak sa kanilang kabuhayan sa sityo San Ysiro. Ngunit hinihintay pa rin nila hanggang ngayon ang katuparan sa ipinangako sa kanila ng gobyerno. Nagpakuha kaming dalawa ng larawan subalit hiniling niyang likurang bahagi lamang ang kunan sa kaniya.

Narating din namin ang Pook Manggahan kung saan nakausap namin ang pinakamatandang rebeldeng sumuko. Siya ka Juan Magol, 74, na tubong-Nueva Ecija at isang magsasaka. “Maganda sana ang layunin ng pamahalaan kung tunay at makararating sa amin ng walang sagabal ang mga pangakong binitiwan nila noong sumuko kami pero sa ngayon ay wala pang natutupad sa kanilang binigkas— ‘yung lupa, ‘yung bahay at iba pang pangako ay malabo na,” mapait na wika ni ka Juan.

Ayon kay ka Juan, kahit matanda na siya at wala nang kakayahang umahon sa bundok, mayroon pa naman siyang kaalaman na kaya niyang ipamana sa kaniyang sibol na lahi. Kung kinakailangang muling maglabit ng armas ay bakit hindi. Katunayan ay nasa laban pa ang dalawa kong anak na lalake, nasa gawing Zambales sila.

Nagpunta rin kami sa mag-asawang Claudio at Minerva Casilla, 33 taong gulang parehas.
Ayon kay ka Claude, di niya alam kung paano siya tinukoy ng militar bilang NPA. “Di namin alam kung bakit kami napasamang mag-asawa sa binigyan ng imbitasyon ng militar noong sumuko daw kami. Nalaman naming kami ay nagkasala sa pamahalaan dahil sa pinakain at pinatulog daw namin ang mga kaibigan namin na sabi nila’y mga NPA. Kami daw ay nakikisimpatiya sa kanila,” kuwento niya.

Katwiran naman ni ka Claude, ginagawa lamang nila ang nasabing pagtulong dahil siya ay isang Pilipino. “Alam nami’y kami’y Pilipino ding tumutugon lamang sa pangangailangan ng ating kapuwa Pilipinong walang tutulugan at walang kakainan,” mabikas na salita ni ka Claude.

Sa Pook Katutubo ang huli naming pinuntahan upang kumustahin ang kalagayan naman ng mga Dumagat dito. Ito rin ang huli naming pagbalaho sa ilog. Unang sumalubong sa amin ang apat na batang madudungis at walang tsinelas. Magagalang ang salita ng mga bata nang tanungin namin kung sino ang pinuno ng lugar nila.

“Ang Nuno Banong po ang pinuno dito,” wika nila. Lumabas ng kaniyang bahay si Pinuno Urbano Bermudes, 82 taong gulang. “Marami akong anak, Akin iyang bundok ng Bintug Alimutog,” wika niya habang kitang kita ang itim na itim niyang ngipin na sa nganga daw niya nakuha. Tinanong ko siya kung papaano sila napadpad sa San Ysiro. “Galing kami diyan sa Tinukan, sakop ng Sta Ines sa Tanay Rizal. Purong Dumagat ang nanay ko at taga Boso-Boso ang ama ko. Mahigit kaming 200 pamilya dito sa San Ysiro. Kay ama ang lupang iyan sa gawing Sierra Madre, ang Bintug Alimutog na ipinamana sa akin at sa ngayon ay ipinamamana ko sa mga anak ko,” wika niya.

Inalam ko din kung ano ang mga munting tradisyon sa kanilang lugar. Nabanggit niya ang pandanggo na sayaw nila sa lahat ng kasayahan gamit ang papalakpak na kamay bilang tugtog. Makikil;ala naman ang binata sa sandaling may “kundiman” na siya sa braso, kapag mayroon na siyang suot na kulay pula sa “kundiman,” may nililigawan na siyang dalagang Dumagat
. “Walang nagkakasal sa amin basta nagsasayawan, pagkatapos ay magsasama na sa kubo,” wika niya.

Kuwento pa ni ka Banong, sa mga bagay naman ipinapangalan ang batang bagong panganak. “Kung nanganak sa tabi ng bato, “bato” ang pangalan ng anak mo. ‘Pag namamatay naman ang mga Dumagat ay ibinabalot lamang sa isang pambalot at kinabukasan ay inililibing na namin kung saan gusto ng pamilya,” wika niya.

Gayunman, mga Katoliko na Dumagat ang marami sa San Ysiro. ‘Yung ibang mga purong Ita ay malayo dito, ayaw nilang makipamuhay sa mga may suot na damit. Nakabahag lamang sila tulad ni nanay noon,” wika niya.

Sa Sitio San Ysiro, nagtatagpo ang hiling o giit ng mga rebeldeng nagbalik-loob at ng mga Dumagat na ang lupang pangako ng San Ysiro ay inaasahan nilang magiging kanila balang araw. Isang lupang naipangako ngunit parang napapako ng pamahalaan.Tata Raul Funilas Hunyo 24, 2008

Advertisements

Responses

  1. Tata Raul… maari po bang makipag usap sa iyo tungkol sa san ysiro at karanasan mo sa lugar na iyon? at pamilyar po ba kayo sa mga mukhang ito? http://ibongmandaragit.multiply.com/photos/album/20/Remote_Place_in_the_City

    salamat

    rick

    P.S.
    ang email ko po ay : shin_fu_yuan@yahoo.com

  2. Tata Raul… maari po bang makipag usap sa iyo tungkol sa san ysiro at karanasan mo sa lugar na iyon? at pamilyar po ba kayo sa mga mukhang ito? http://ibongmandaragit.multiply.com/photos/album/20/Remote_Place_in_the_City

    salamat

    rick

    P.S.
    ang email ko po ay : shin_fu_yuan@yahoo.com


Mag-iwan ng Tugon

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

Mga kategorya

%d bloggers like this: